Sinai
1. Isang bundok sa Arabia. (Gal 4:25) Lumilitaw na tinatawag din itong Horeb. (Ihambing ang Exo 3:1, 12; 19:1, 2, 10, 11; tingnan ang HOREB.) Sa loob ng halos isang taon, ang mga Israelita at ang isang malaking haluang pangkat, kasama ang maraming mga kawan at mga bakahan, ay nagkampo sa kapaligiran ng Bundok Sinai. (Exo 12:37, 38; 19:1; Bil 10:11, 12) Bukod sa paglalaan ng matitirahan ng gayon kalaking kampo, na marahil ay mahigit tatlong milyon katao, ang lugar sa palibot ng Bundok Sinai ay naglaan din ng sapat na tubig at pastulan sa mga alagang hayop. May isang malakas na agos na bumababa mula sa bundok na ito. (Deu 9:21) Maliwanag na sa paanan ng Bundok Sinai ay may isang malaking lugar kung saan makapagtitipon ang mga Israelita at kung saan mamamasdan nila ang mga penomeno sa taluktok ng bundok. Sa katunayan, doo’y makaaatras pa nga sila at makatatayo sa malayo. Mula sa kampo mismo ay makikita ang taluktok ng Bundok Sinai.—Exo 19:17, 18; 20:18; 24:17; ihambing ang Deu 5:30.
Pagkakakilanlan. Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng Bundok Sinai, o Horeb. Ayon sa tradisyon, ito’y iniuugnay sa isang tagaytay na pulang granito. Matatagpuan ang tagaytay na ito sa gitna ng timugang bahagi ng Peninsula ng Sinai na nasa pagitan ng dalawang gulpo sa hilaga ng Dagat na Pula. Ito’y may haba na mga 3 km (2 mi) mula HK patungong TS at may dalawang taluktok, ang Ras Safsafa at ang Jebel Musa. Ang kinaroroonan ng tagaytay na ito ay natutubigang mainam ng mga batis. Nasa harap ng hilagang taluktok (ang Ras Safsafa) ang Kapatagan ng er-Raha, na humigit-kumulang 3 km (2 mi) ang haba at mga 1 km (0.6 mi) ang lapad.—LARAWAN, Tomo 1, p. 540.
Batay sa kaniyang mga obserbasyon sa lugar na ito noong ika-19 na siglo, ganito ang isinulat ni A. P. Stanley: “Ang gayong kapatagan sa harap ng gayong dalisdis ay kamangha-manghang tumutugma sa sagradong salaysay, anupat naglalaan ng matibay na panloob na argumento, hindi lamang dahil katulad na katulad ito ng tagpo ng salaysay, kundi batay sa tagpo mismo na inilarawan ng isang aktuwal na nakasaksi.” Sa kaniyang komento hinggil sa pagbaba nina Moises at Josue mula sa Bundok Sinai, sinabi niya: “Sinumang bumababa mula sa isa sa mga tagóng lunas sa likod ng Ras Sa[f]safeh, at dumaraan sa pahilig na mga guwang sa gilid nito sa hilaga at timog, ay makaririnig sa mga ingay na umaalingawngaw sa tahimik na kapatagan, ngunit hindi niya makikita ang mismong kapatagan hanggang sa makalabas siya mula sa Wady El-Deir o sa Wady Leja; at kapag nagawa na niya iyon, tatambad sa kaniya ang matarik na dalisdis ng Sa[f]safeh.” Napuna rin ni Stanley na tutugma sa lugar na ito ang pagtatapon ni Moises ng alabok ng ginintuang guya sa “malakas na agos na bumababa mula sa bundok.” (Deu 9:21) Ayon sa kaniya: “Posibleng-posible ito sa Wady Er-Raheh, kung saan bumubuhos ang batis ng Wady Leja, na bumababa, sa katunayan, mula sa Bundok St. Catherine, ngunit malapit pa rin sa Gebel Mousa [Jebel Musa] kung kaya masasabing, ‘bumababa ito mula sa bundok.’”—Sinai and Palestine, 1885, p. 107-109.
Ayon sa tradisyonal na pangmalas, ang Bundok Sinai ay ang mas matayog na timugang taluktok (ang Jebel Musa, na nangangahulugang “Bundok ni Moises”). Gayunman, sumasang-ayon ang maraming iskolar sa pangmalas ni Stanley na mas malamang na ito’y ang hilagang taluktok, ang Ras Safsafa, yamang walang malawak na kapatagan sa harap ng Jebel Musa.
Mga Pangyayari. Malapit sa Bundok Sinai, o Horeb, ang anghel ni Jehova ay nagpakita kay Moises sa nagniningas na tinikang-palumpong at inatasan siyang akayin ang inaaliping mga Israelita papalabas sa Ehipto. (Exo 3:1-10; Gaw 7:30) Malamang na mga isang taon pagkaraan nito, ang pinalayang bansa ay dumating sa Bundok Sinai. (Exo 19:2) Noon ay umakyat si Moises sa bundok, maliwanag na upang tumanggap ng higit pang tagubilin mula kay Jehova, yamang isiniwalat sa kaniya sa nagniningas na tinikang-palumpong na ‘sa bundok na ito’y paglilingkuran nila ang tunay na Diyos.’—Exo 3:12; 19:3.
Pagkatapos ay inutusan si Moises na sabihin sa bayan na kung mahigpit nilang susundin ang salita at tipan ni Jehova, sila’y magiging isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa. (Exo 19:5, 6) Ang matatandang lalaki, bilang mga kinatawan ng buong bansa, ay sumang-ayong gawin ito. Pagkatapos ay tinagubilinan ni Jehova si Moises na pabanalin ang bayan upang makaharap sila sa kaniya sa ikatlong araw. Nagtakda ng mga hanggahan sa palibot ng bundok, sapagkat ang sinumang humipo roon, tao man o hayop, ay mamamatay.—Exo 19:10-15.
Kinaumagahan noong ikatlong araw, “nagsimulang kumulog at kumidlat, at nagkaroon ng isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok at ng napakalakas na tunog ng tambuli.” Nanginig ang bayan na nasa kampo. Pagkatapos, mula sa kampo ay dinala sila ni Moises sa paanan ng bundok upang humarap sa tunay na Diyos. Ang Bundok Sinai ay umuga at umusok sa buong palibot. (Exo 19:16-19; Aw 68:8) Bilang tugon sa paanyaya ng Diyos, si Moises ay umahon sa bundok at muling tinagubilinan na idiin sa bayan na huwag nilang tangkaing umahon. Maging ang “mga saserdote” (hindi ang mga Levita, kundi lumilitaw na mga lalaking Israelita na, tulad ng mga patriyarka, gumanap bilang mga saserdote para sa kanilang mga sambahayan ayon sa likas na karapatan at kaugalian) ay hindi maaaring lumampas sa itinakdang mga hanggahan.—Exo 19:20-24.
Pagkababa ni Moises mula sa Bundok Sinai, narinig ng mga Israelita ang “Sampung Salita” mula sa gitna ng apoy at ng ulap. (Exo 19:19–20:18; Deu 5:6-22) Dito’y nagsalita si Jehova sa kanila sa pamamagitan ng isang anghel, gaya ng nililinaw sa Gawa 7:38, Hebreo 2:2, at Galacia 3:19. Palibhasa’y natakot sa kasindak-sindak na mga kidlat at usok, at sa tunog ng tambuli at mga kulog, hiniling ng bayan, sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan, na huwag nang magsalita sa kanila ang Diyos sa ganitong paraan kundi sa pamamagitan na lamang ni Moises. Nang magkagayo’y tinagubilinan ni Jehova si Moises na sabihin sa kanila na bumalik na sila sa kani-kanilang mga tolda. Ang kagila-gilalas na pangyayaring iyon sa Bundok Sinai ay nilayon upang ikintal sa mga Israelita ang isang kapaki-pakinabang na pagkatakot sa Diyos nang sa gayo’y patuloy nilang tuparin ang kaniyang mga utos. (Exo 20:19, 20; Deu 5:23-30) Pagkatapos nito, si Moises, marahil kasama si Aaron (ihambing ang Exo 19:24), ay lumapit sa madilim na kaulapan sa Bundok Sinai upang pakinggan ang higit pang mga utos at mga hudisyal na pasiya ni Jehova.—Exo 20:21; 21:1.
Nang bumaba si Moises mula sa Bundok Sinai, isinaysay niya sa bayan ang mga salita ni Jehova, at muli nilang ipinahayag na handa silang maging masunurin. Pagkatapos nito, isinulat niya ang mga salita ng Diyos at maaga sa kinaumagahan ay nagtayo siya ng isang altar at nagtindig ng 12 haligi sa paanan ng bundok. Ang mga haing sinusunog at mga haing pansalu-salo ay inihandog, at sa pamamagitan ng dugo ng mga haing hayop, ang tipang Kautusan ay pinasinayaan.—Exo 24:3-8; Heb 9:16-22.
Palibhasa’y may pakikipagtipan na kay Jehova, ang mga Israelita, sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan, ay nakalapit na sa Bundok Sinai. Sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu, at ang 70 sa matatandang lalaki ng Israel ay umakyat hanggang sa isang bahagi ng bundok at nakakita ng isang maringal na pangitain ng kaluwalhatian ng Diyos. (Exo 24:9-11) Pagkatapos nito, si Moises, kasama si Josue, ay umakyat sa bundok, anupat sa pagkakataong ito’y upang tumanggap ng higit pang mga utos at ng mga tapyas na bato na naglalaman ng “Sampung Salita.” Gayunman, noong ikapitong araw lamang inanyayahang pumasok sa ulap si Moises. Waring hinintay ni Josue si Moises sa bundok, sa isang lugar kung saan hindi niya nakikita o naririnig ang anumang nangyayari sa kampo ng mga Israelita. (Exo 24:12-18) Gayunman, hindi sinasabi kung si Josue ay hindi kumain o uminom sa buong yugto ng 40 araw, tulad ni Moises. Sa pagwawakas ng yugtong ito, habang sina Moises at Josue ay bumababa sa Bundok Sinai, naririnig nila ang masayang awitan sa kampo ng mga Israelita. Mula sa paanan ng Bundok Sinai, nakita ni Moises ang ginintuang guya at ang mga pagsasaya. Kaagad niyang inihagis ang dalawang tapyas na bato, anupat binasag ang mga iyon sa paanan ng bundok.—Exo 32:15-19; Heb 12:18-21.
Nang maglaon, tinagubilinan si Moises na gumawa ng dalawang tapyas na bato na katulad niyaong binasag niya at muli siyang umakyat sa Bundok Sinai, upang maisulat sa mga iyon ang “Sampung Salita.” (Exo 34:1-3; Deu 10:1-4) Muling gumugol si Moises ng 40 araw sa bundok nang hindi kumakain o umiinom. Upang maging posible ito, tiyak na tinulungan siya ng Diyos.—Exo 34:28; lumilitaw na ito rin ang 40 araw na binabanggit sa Deu 9:18; ihambing ang Exo 34:4, 5, 8; Deu 10:10.
Mula nang maitayo ang tabernakulo, o tolda ng kapisanan, at magsimula itong takpan ng ulap, ang pakikipagtalastasan ng Diyos ay hindi na tuwirang nagmumula sa Bundok Sinai kundi mula na sa tolda ng kapisanan na itinayo sa kapaligiran nito.—Exo 40:34, 35; Lev 1:1; 25:1; Bil 1:1; 9:1.
Pagkaraan ng maraming siglo, ang propetang si Elias ay naglakbay patungong Horeb, o Sinai, ang “bundok ng tunay na Diyos.”—2. Ang “Sinai” ay tumutukoy rin sa ilang na karatig ng bundok na may gayunding pangalan. (Lev 7:38) Hindi matiyak ang eksaktong heograpikong mga hangganan ng Ilang ng Sinai mula sa rekord ng Bibliya. Lumilitaw na malapit ito sa Repidim. (Exo 19:2; ihambing ang Exo 17:1-6.) Sa Ilang ng Sinai dinala ng biyenan ni Moises na si Jetro ang asawa ni Moises na si Zipora at ang kaniyang dalawang anak na sina Gersom at Eliezer, upang muling makasama ng mga ito si Moises. (Exo 18:1-7) Kasama sa iba pang natatanging mga pangyayari na naganap sa Ilang ng Sinai ang mga sumusunod: nahikayat sa pagsamba sa guya ang Israel habang wala si Moises (Exo 32:1-8), pagpatay sa 3,000 lalaki na walang alinlangang gumanap ng malaking papel sa pagsamba sa guya (Exo 32:26-28), pagpapakita ng Israel ng pagsisisi sa pamamagitan ng paghuhubad ng kanilang mga palamuti (Exo 33:6), paggawa ng tabernakulo, ng mga kasangkapan nito at ng mga kasuutan ng saserdote (Exo 36:8–39:43), pagtatalaga sa pagkasaserdote at pasimula ng paglilingkod nito sa tabernakulo (Lev 8:4–9:24; Bil 28:6), pagpatay sa mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu sa pamamagitan ng apoy mula kay Jehova dahil sa paghahandog nila ng kakaibang apoy (Lev 10:1-3), unang pagrerehistro ng mga lalaking Israelita para sa hukbo (Bil 1:1-3), at unang pagdiriwang ng Paskuwa pagkalabas ng Ehipto (Bil 9:1-5).