Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Singsing

Singsing

Isang bilog na argolya. May iba’t ibang uri ng palamuting hugis-singsing na isinusuot kapuwa ng mga lalaki at ng mga babae, at pangkaraniwan ang mga ito sa gitna ng mga Hebreo, mga Ehipsiyo, mga Asiryano, mga Babilonyo, mga Griego, mga Romano, at iba pang mga tao noong sinaunang panahon. Ang mga palamuting ito ay isinusuot sa ilong, tainga, at mga daliri. (Tingnan ang HIKAW; SINGSING NA PANG-ILONG.) Kabilang sa mga materyales na ginagamit ay ginto, pilak, tanso, bronse, bubog, bakal, at garing; may ilang singsing na kinabitan ng mga bato. Partikular na nagustuhan ng mga Ehipsiyo noon ang mga singsing na may larawan ng scarab beetle, na itinuring nilang sagisag ng walang-hanggang buhay. Kabilang sa maraming alahas na nakuha mula sa libingan ng Ehipsiyong si Paraon Tutankhamen ang isang singsing na may tatlong argolya at may tatlong scarab, ang isa ay yari sa bubog na asul at ang dalawa naman ay yari sa ginto. Ang ilang singsing ng mga Romano ay may lilok na mga disenyong hango sa mitolohiya o mga paglalarawan pa nga ng kanilang mga ninuno o mga kaibigan.

Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak, sinabi niya na nag-utos ang mapagpatawad na ama na lagyan ng singsing ang kamay ng alibughang nagbalik. (Luc 15:22) Ipinakita ng aktong ito ang lingap at pagmamahal ng ama pati ang dignidad, karangalan, at katayuang ipinagkaloob sa anak na ito na nanumbalik. Nagbabala naman sa mga Kristiyano ang kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago na huwag silang magpakita ng paboritismo sa mga taong nadaramtan nang marilag at may mga singsing na ginto sa kanilang mga daliri (na nagpapahiwatig ng yaman at katayuan sa lipunan). (San 2:1-9) Sa gayunding diwa, bagaman hindi hinatulan ng apostol na si Pedro ang pagsusuot ng gayong mga palamuti, itinawag-pansin niya na lalong higit na mahalaga ang espirituwal na kagayakan.​—1Pe 3:1-5.

Mga Singsing na Panlagda. Ang mga salitang Hebreo na ginagamit upang tumukoy sa singsing, singsing na panlagda, o singsing na pantatak ay nagmula sa mga salitang-ugat na nangangahulugang “lumubog” (Jer 38:6) at “tatakan.” (1Ha 21:8) Maaaring ang mga terminong ito ay nauugnay sa pangunahing pinaggagamitan ng ilang sinaunang singsing, samakatuwid nga, upang makagawa ng marka sa luwad o pagkit sa pamamagitan ng ‘paglulubog’ o pagdiriin nito roon. Yari sa ginto, pilak, o bronse ang ganitong uri ng mga singsing; ang ilan ay kinabitan ng bato kung saan inililok ang pangalan o sagisag ng may-ari. Ang mga singsing na ito ay may nakapirming enggaste na kinalupkupan ng mahalagang bato o kaya ay may enggasteng naibabaligtad o napagugulong. Ang ilan ay isinasabit sa leeg sa pamamagitan ng isang panaling pampalamuti.​—Gen 38:18, 25.

Ang singsing na panlagda ng isang tagapamahala o opisyal ay sagisag ng kaniyang awtoridad. (Gen 41:41, 42) Ang opisyal na mga dokumento o mga bagay na di-dapat pakialaman o baguhin ay tinatatakan sa pamamagitan ng mga iyon, katulad ng paggamit sa opisyal na mga tatak o lagda nitong makabagong panahon.​—Es 3:10-13; 8:2, 8-12; Dan 6:16, 17.

Makasagisag na Paggamit. Noong sinaunang mga panahon, waring ang singsing na panlagda ay naging kilaláng sagisag ng isang bagay o tao na pinahahalagahan. Halimbawa, ipinahiwatig ng hula ni Jeremias na ang Judeanong si Haring Conias (Jehoiakin) ay hindi makaliligtas sa kapahamakan kahit isa pa siyang ‘singsing na pantatak sa kanang kamay ni Jehova.’ Kaya naman, si Jehoiakin ay inalis sa trono pagkatapos ng isang napakaikling pamamahala. (Jer 22:24; 2Ha 24:8-15) Gayundin, ganito ang sinabi ni Jehova may kinalaman sa tapat na si Zerubabel: “Kukunin kita, . . . at gagawin kitang gaya ng singsing na pantatak, sapagkat ikaw ang aking pinili.” (Hag 2:23) Si Zerubabel, na naglilingkod kay Jehova sa isang opisyal na katungkulan may kaugnayan sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem, ay mahalaga kay Jehova, tulad ng isang singsing na panlagda sa sariling kamay ng Diyos. Walang-takot na sinunod ni Zerubabel ang pampatibay-loob na ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng mga propetang sina Hagai at Zacarias at inasikaso niya ang gawaing pagtatayo ng templo sa kabila ng pagbabawal dito ng hari ng Persia dahil sa tinanggap nitong maling impormasyon. (Ezr 4:24–5:2) Patuloy na ginamit ni Jehova si Zerubabel upang matupad ang Kaniyang ipinahayag na layunin, at walang tagapamahalang tao ang nakapag-alis sa kaniya mula sa marangal na paglilingkurang iyon.