Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Singsing na Pang-ilong

Singsing na Pang-ilong

Isang singsing na isinusuot sa ilong bilang palamuti. Maaaring ipinapasok ito sa isang butas na nasa gawing kaliwa o gawing kanan ng ilong o nasa partisyon sa pagitan ng dalawang butas ng ilong at ginagamit ito lalo na ng mga babae. (Gen 24:22, 30, 47; Isa 3:21) Gayunman, ayon sa ilang salin, ang mga lalaking Ismaelita rin ay nagsusuot noon ng mga singsing na pang-ilong.​—Huk 8:24-26.

Ang salitang Hebreo para sa “singsing na pang-ilong” (neʹzem) ay maaari ring ikapit sa isang hikaw, at sa ilang kaso, maaaring walang gaanong ipinagkaiba ang anyo ng mga palamuting ito. Kung minsan, batay sa konteksto, posibleng matiyak kung ang tinutukoy ay isang singsing na pang-ilong o isang hikaw.​—Ihambing ang Gen 24:47 sa Gen 35:4; Eze 16:12; tingnan ang SINGSING.

Bagaman ang mga singsing na pang-ilong ay karaniwang gawa sa ginto, ginagamit din ang ibang mga materyales, gaya ng pilak. Ang mga singsing na pang-ilong ay maaaring palamutian ng mga abaloryo, mga piraso ng korales, o mga hiyas, na nakabitin sa mga ito bilang mga palawit. Nagkakaiba-iba ang diyametro ng mga singsing na pang-ilong mula 2.5 hanggang sa sinlaki ng 7.5 sentimetro (1 hanggang 3 pulgada). Palibhasa’y nakalawit ang singsing na pang-ilong sa ibabaw ng bibig, kailangan itong iusod kapag kumakain.

Sa Kawikaan 11:22, ang babaing may panlabas na kagandahan ngunit nagtatakwil sa katinuan ay inihambing sa “gintong singsing na pang-ilong na nasa nguso ng baboy.”