Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sipres

Sipres

[sa Heb., teʼash·shurʹ].

Isang punungkahoy na evergreen at kabilang sa pamilya ng mga namumunga ng cone. Ang sipres, kasama ng iba pang mga punungkahoy, ay bahagi ng “kaluwalhatian ng Lebanon,” at ipinahihiwatig ng pananalitang ito kung saang lugar ito tumutubo at na isa itong punungkahoy na may kanais-nais na mga katangian o kahanga-hangang hitsura. Ang “box tree” na binabanggit sa King James Version ay malayong maging tumpak na salin yamang, ayon sa ilang iskolar, ang box tree ay hindi tumutubo sa Palestina, at sa Sirya naman ay isa lamang itong maliit na palumpong. (Unger’s Bible Dictionary, 1965, p. 1134; The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 292) Itinuturing ng marami na malamang na sipres ang punungkahoy na tinutukoy ng salitang Hebreong ito sa Isaias 41:19; 60:13.​—Tingnan ang salin ni Moffatt; A Dictionary of Life in Bible Times, ni W. Corswant, Suffolk, 1960, p. 55; The Interpreter’s Dictionary of the Bible, Tomo 1, p. 459; Tomo 2, p. 292; Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina L. Koehler at W. Baumgartner, Leiden, 1958, p. 1017.

Ang sipres (Cupressus sempervirens) ay may mga dahong matingkad na luntian at mga sangang tumutubo nang pataas na waring katulad ng sa Lombardy poplar. Ang katamtamang taas nito ay 9 hanggang 15 m (30 hanggang 50 piye) ngunit kung minsan ay umaabot ito sa taas na 24 na m (80 piye). Karaniwan itong itinatanim sa buong Palestina; ilang ispesimen ang natagpuang tumutubo nang ligáw sa Gilead, Edom, at sa mga dalisdis ng Bundok Lebanon. Ang kahoy nito ay may matingkad at mamula-mulang kulay, mabango, at napakatibay. Posibleng ginamit ito ng mga taga-Fenicia, mga Cretense, at mga Griego sa paggawa ng mga barko (Eze 27:6), at iminumungkahi ng ilan na ang “madagtang punungkahoy” na pinagkunan ni Noe ng kahoy para sa arka ay ang punong sipres.​—Gen 6:14; tingnan ang MADAGTANG PUNUNGKAHOY.

Sa Isaias 41:19, ipinangangako ni Jehova na pangyayarihin niyang mabuhay rin sa mga lugar na disyerto ang mga punungkahoy na karaniwan nang tumutubo sa matatabang lupain, at sa isang hula may kinalaman sa panghinaharap na pagkakataas at kasaganaan ng Sion, patiunang sinasabi na ang sipres, kasama ng fresno at enebro, ay gagamitin upang pagandahin ang dako ng santuwaryo ng Diyos.​—Isa 60:13.

Sa Ezekiel 27:6, ang pananalitang “sa tablang sipres” ay kasuwato ng mga Targum. Gayunman, ang katumbas nito sa Hebreo ay bath-ʼashu·rimʹ at nangangahulugang “ang anak na babae ng mga Ashurita.” Inaakala ng maraming iskolar na ang dalawang salitang Hebreong ito ay dapat basahin bilang isang salita, bith·ʼash·shu·rimʹ, nangangahulugang “sa tablang sipres.”