Sirofenisa
Ang katawagan sa Marcos 7:26 na ikinapit sa isang babaing di-Israelita mula sa mga pook ng Tiro at Sidon. Ang pananalitang “Sirofenisa” ay kombinasyon ng “Siryano” at “taga-Fenicia,” malamang na dahil ang Fenicia ay bahagi noon ng Romanong probinsiya ng Sirya. Ang babaing Sirofenisa ay tinatawag ding Kha·na·naiʹa (sa literal, Canaanita; isinaling “taga-Fenicia” sa NW), sapagkat ang mga unang nanirahan sa Fenicia ay nagmula kay Canaan, at nang maglaon, ang “Canaan” ay pangunahin nang tumukoy sa Fenicia. (Mat 15:22, tlb sa Rbi8) Malamang na ang pagtawag sa kaniya na “Griega” ay nangangahulugang siya’y lahing Griego.—Mar 7:26.
Di-nagtagal pagkatapos ng Paskuwa ng 32 C.E., ang babaing Sirofenisa na ito ay lumapit kay Jesu-Kristo, anupat paulit-ulit na humihiling na palayasin niya ang isang demonyo mula sa kaniyang anak na babae. Noong una ay tumanggi si Jesus, na sinasabi: “Hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa maliliit na aso.” Sa mga Judio, ang mga aso ay maruruming hayop. Ngunit, sa paghahambing sa mga di-Judio sa “maliliit na aso,” na maaaring inaalagaan sa loob ng tahanan, at hindi sa mga asong ligáw na nasa lansangan, pinalambot ni Jesus ang paghahambing. Gayunpaman, lumilitaw na ang sinabi ni Jesus ay nagsilbing pagsubok sa babae. Mapagpakumbaba niyang kinilala: “Oo, Panginoon; ngunit tunay ngang ang maliliit na aso ay kumakain ng mga mumo na nahuhulog mula sa mesa ng kanilang mga panginoon.” Ang kaniyang mga salita ay nagpabanaag ng malaking pananampalataya, anupat dahil dito, pinagaling ang kaniyang anak na babae.—Mat 15:21-28; Mar 7:24-30.