Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sisak

Sisak

Isang Ehipsiyong hari na kilalá bilang Sheshonk (I) mula sa mga rekord ng Ehipto. Si Sisak na itinuturing na tagapagtatag ng “Libyanong dinastiya,” ay karaniwang kinikilalang namahala sa loob ng mga 21 taon. Ang anak niyang si Osorkon I ang humalili sa kaniya sa trono.

Nang tumanan si Jeroboam patungong Ehipto upang takasan ang poot ni Haring Solomon, si Sisak ang namamahala roon. (1Ha 11:40) Pagkaraan ng ilang taon, noong ikalimang taon ng kahalili ni Solomon na si Rehoboam (993 B.C.E.), sinalakay ni Sisak ang Juda kasama ang isang malakas na hukbo ng mga karo at mga mangangabayo. Bumihag siya ng mga nakukutaang lunsod sa Juda at pagkatapos ay pumaroon sa Jerusalem. Ngunit hindi siya pinahintulutan ni Jehova na wasakin ang Jerusalem, sapagkat si Rehoboam at ang mga prinsipe ng Juda ay nagpakumbaba nang matanggap nila ang mensahe mula sa propetang si Semaias. Gayunman, kinuhang lahat ni Sisak ang mga kayamanan ng lunsod.​—2Cr 12:1-12.

May arkeolohikal na katibayan hinggil sa pagsalakay ni Sisak sa lugar ng Palestina. Isang piraso ng stela na nasumpungan sa Megido ang bumabanggit kay Sheshonk (Sisak), anupat posibleng nagpapahiwatig na ang stela ay itinayo roon upang magpagunita ng kaniyang tagumpay. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 263, 264) Gayundin, nakatala sa isang relyebe sa isang pader ng templo sa Karnak (ang H bahagi ng sinaunang Ehipsiyong lunsod ng Thebes) ang maraming lunsod o mga nayon na nilupig ni Sisak. (LARAWAN, Tomo 1, p. 952; Supplements to Vetus Testamentum, Leiden, 1957, Tomo IV, p. 59, 60) Maraming lugar na maaaring iugnay sa mga dako sa Bibliya ang nasa teritoryo ng sampung-tribong kaharian. Ipinahihiwatig nito na ang layunin ng kampanya ni Sisak ay hindi upang tulungan ang sampung-tribong kaharian, kundi upang makontrol ang mahahalagang ruta ng kalakalan at sa gayon ay mapalawak ang kapangyarihan at impluwensiya ng Ehipto.