Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sisera

Sisera

1. Pinuno ng hukbo sa ilalim ng Canaanitang si Haring Jabin. Si Sisera, na naninirahan sa Haroset sa halip na sa Hazor na lunsod ni Jabin, ay mas prominente sa ulat kaysa kay Haring Jabin. Ilang panahon pagkatapos na ibagsak ni Hukom Ehud ang panunupil ng mga Moabita, siniil nina Sisera at Jabin ang Israel sa loob ng 20 taon.​—Huk 4:1-3; 1Sa 12:9.

Nang marinig ni Sisera na tinipon nina Debora at Barak ang mga Israelita upang makipaglaban sa kaniya, pinisan niya ang kaniyang mga hukbo, kasama ang kaniyang 900 karong may mga lingkaw na bakal, at sinalubong ang Israel sa agusang libis ng Kison. Ngunit nakipaglaban si Jehova kay Sisera at nilito ang buong hukbo nito, na naging dahilan ng lubusang pagkatalo ng mga ito.​—Huk 4:7, 12-16, 23; 5:20, 21; Aw 83:9.

Ang kaniyang mga karo ay nabalaho (ihambing ang Huk 5:21), at patakbong tumakas si Sisera, anupat nakarating sa tolda ni Jael, ang asawa ni Heber na Kenita, na may pakikipagpayapaan kay Jabin. Inanyayahan siya ni Jael na pumasok. Palibhasa’y hapung-hapo mula sa pakikipagbaka at sa pagtakas, ang nanlulupaypay na si Sisera, na umaasang ligtas siya sa tolda ni Jael, ay nagpasiyang magpahinga. Binigyan ni Jael si Sisera ng gatas na maiinom, at hiniling niya rito na magbantay. Nang makatulog siya nang mahimbing, dahan-dahan siyang nilapitan ni Jael at itinarak sa kaniyang pilipisan ang isang tulos ng tolda na pinatagos nito hanggang sa lupa. Nang dumating si Barak, ipinakita ni Jael sa kaniya ang patay na kaaway. (Huk 4:9, 17-22; 5:25-27) Ang ina ni Sisera at ang sambahayan nito, na umaasang babalik siya na may dalang maraming samsam, ay nabigo sa kanilang paghihintay.​—Huk 5:28-30.

2. Ninuno ng isang pamilya ng mga Netineo na bumalik sa Jerusalem kasama ni Zerubabel noong 537 B.C.E. (Ezr 2:1, 2, 43, 53; Ne 7:55) Kabilang sa mga Netineo ang mga bihag sa digmaan, at bagaman ang ilan ay maaaring kinuha noong panahong matalo si Sisera (Blg. 1) at baka naging mga lingkod sa templo, walang saligan upang ipalagay na ang mga Netineo na bumalik mula sa Babilonya ay mga inapo ng Sisera na nabuhay noong panahon ni Barak.