Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sisidlan

Sisidlan

Hungkag na mga lalagyang ginagamit para sa mga likido o tuyong mga bagay (1Ha 17:10; Es 1:7; Jer 40:10); ang ilan sa mga ito ay may takip. (Bil 19:15) Marami sa mga sisidlan ang yari sa luwad, kahoy, metal, o bato. (Lev 6:28; 15:12; Bil 7:85; 1Ha 10:21; Mat 26:7) Kabilang sa pangkaraniwang mga lalagyan ang mga banga at mga sisidlan na “hugis-mangkok” (Isa 22:24), mga supot o mga sako (Gen 42:25; Hag 1:6), mga basket (Mar 8:19, 20; 2Co 11:33), mga balat na sisidlan (Huk 4:19; Luc 5:37, 38), at mga timba.​—Bil 24:7; Ju 4:11; tingnan ang KAGAMITAN; SISIDLANG BALAT.

Mayroon ding mga sisidlan na makikipot ang leeg at may mga tapón. Ang mga Ehipsiyo ay gumamit ng napapalamutiang mga plorera na nagsilbing mga sisidlan, at ang mga iyo’y gawa sa alabastro, buto ng hayop, bronse, kristal, ginto, garing, porselana, pilak, o bato. Ang kristal na mga sisidlan o mga bote ay ginamit sa sinaunang Asirya.

Mga Banga at Prasko. Ang banga ay karaniwan nang isang malalim at hugis-silinder na sisidlan na may isa, dalawa, o kung minsa’y apat na hawakan. Kadalasan nang yari sa luwad ang mga ito (Isa 30:14; Pan 4:2), bagaman may ilan na yari sa bato. (Ju 2:6) Noong mga araw ng mga kaharian ng Juda at ng Israel, ang isang pangkaraniwang malaking banga ay maaaring mga 65 sentimetro (25 pulgada) ang taas at mga 40 sentimetro (16 na pulgada) ang diyametro. Ang ilang banga ay may bibig. (2Ha 4:2) Maaaring ang mga banga ay inilalagay sa isang patungan (Lev 11:35) at ginagamit bilang lalagyan ng mga likidong gaya ng tubig o langis (1Ha 18:33; 2Ha 4:2), samantalang ang malalaking banga ay kadalasang pinaglalagyan ng alak. (1Sa 10:3; 25:18; 2Sa 16:1; Jer 13:12) Iniimbak din sa mga banga ang tuyong mga bagay gaya ng harina. (1Ha 17:12) Kung minsan, ang mga dokumento, kasama na rito ang mga kasulatan ng pagkakabili, ay inilalagay sa mga banga o mga sisidlang luwad upang maingatan. (Jer 32:13-15) Kaya naman maraming sinaunang manuskrito ang naingatan sa loob ng mga banga sa kapaligiran ng Qumran malapit sa Dagat na Patay, at kabilang sa mga manuskritong ito ang kilaláng Dead Sea Scroll of Isaiah.

Ang mga banga ng tubig (1Sa 26:11, 12, 16; 1Ha 19:6) at mga prasko (1Sa 10:1; 1Ha 14:3; 2Ha 9:3; Jer 19:1, 10) ay karaniwang yari sa luwad.

Mga Mangkok, Pinggan, at Bandehado. Ang mga mangkok ay ginamit bilang lalagyan ng mga likidong gaya ng alak (Am 6:6), gatas (Huk 5:25), at tubig (Huk 6:38). Ang mga ito ay yari sa luwad, bato, at metal. Ang ilang mangkok na pampiging ay seramik. Gaya ng ipinakikita ng mga tuklas ng mga arkeologo, noong mga araw ng mga kaharian ng Juda at ng Israel, ang mga mangkok na seramik ay karaniwan nang may taas na mga 20 sentimetro (8 pulgada), may diyametro na mga 40 sentimetro (16 na pulgada), at kung minsan ay may apat na hawakan. Kung ihahambing sa mga mangkok, malamang na ang mga pinggan at mga bandehado ay mababaw lamang.​—Exo 25:29; 37:16; Bil 4:7; 7:84, 85; Mat 14:8, 11; Mar 6:25, 28.

Mga Kopa. Ang kopa ay isang maliit na sisidlan na iniinuman ng mga likido at kadalasa’y yari sa luwad, bagaman may iba na yari sa metal. (Kaw 23:31; Jer 35:5; Mar 9:41) May ilang kopa na hinubog nang eksakto ang lapat sa kamay. Kadalasan, ang mga ito ay mga mangkok na mababaw at walang hawakan. Ang mga kopang may hawakan ay maaari ring magsilbing mga panalok.

Makasagisag na Paggamit. Binanggit ng Eclesiastes na sa kamatayan, ‘ang banga sa may bukal ay nababasag.’ Lumilitaw na ang bangang ito ay ang puso, yamang kapag namatay ang isang tao, ang kaniyang puso ay hindi na tumatanggap at nagpapadaloy ng dugo sa buong katawan niya. Nawawalan ito ng silbi gaya ng isang nabasag na banga na hindi na mapaglalagyan ng tubig. Bukod diyan, ang utak, na ipinahihiwatig ng makasagisag na “ginintuang mangkok” (maliwanag na ang bao ng ulo kasama ang utak), ay hindi na gumagana at nagsisimula nang mabulok o “madurog.”​—Ec 12:6, 7.

Mga sisidlan. Madalas tukuyin ng Kasulatan ang mga tao bilang mga sisidlan. (Gaw 9:15) Ang mga Kristiyano ay marurupok na sisidlang luwad na pinagkatiwalaan ng isang maluwalhating kayamanan, ang ministeryo. (2Co 4:7) Tinutukoy naman ang mga babae bilang ang “mas mahinang sisidlan.” Kaya, sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa pisikal at biyolohikal na mga limitasyon ng kani-kanilang asawang babae, gaya ng naging pakikitungo ni Jehova sa mga babae sa Kautusang ibinigay sa Israel (Lev 18:19; 20:18), ang mga Kristiyanong asawang lalaki ay kumikilos “ayon sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae.”​—1Pe 3:7.

Ang isang indibiduwal ay dapat na manatiling hiwalay sa mga sisidlang “walang dangal” (mga taong hindi gumagawi nang wasto) at dapat niyang itaguyod ang isang landasin na kasuwato ng kalooban ni Jehova. Sa gayon, maaari siyang maging “isang sisidlan para sa isang marangal na layunin, pinabanal, kapaki-pakinabang sa may-ari sa kaniya, naihanda para sa bawat gawang mabuti.” (2Ti 2:20, 21) Dahil nagpipigil si Jehova sa pagpapasapit ng pagkapuksa sa “mga sisidlan ng poot,” samakatuwid nga ay sa mga taong balakyot, naililigtas naman yaong mga taong nakaayon sa katuwiran sapagkat nagkakaroon sila ng pagkakataong mahubog bilang “mga sisidlan ng awa.”​—Ro 9:17-26.

Kopa. Kadalasan, ang kopa ay sumasagisag sa paghihiganti ng Diyos o sa kaniyang galit. Mula sa kopang ito ay pinaiinom ang balakyot na mga indibiduwal, mga lunsod, o maging ang mga bayan at mga bansa. (Aw 11:6; 75:8; Isa 51:17, 22; Jer 25:12-29; 51:41; Pan 4:21; Apo 14:9, 10; 16:19; 18:5-8) Halimbawa, ang sinaunang Babilonya ay naging isang makasagisag na ‘ginintuang kopa sa kamay ni Jehova,’ anupat mula roon ay napilitang uminom ng mapait na pagkatalo ang maraming bansa.​—Jer 51:7.

Noong malapit nang wasakin ang Jerusalem, sinabihan ang mga tumatahan doon na hindi sila bibigyan ng mga tao ng “kopa ng kaaliwan upang inuman dahil sa kaniyang ama at dahil sa kaniyang ina.” Posibleng ang tinutukoy dito ay ang kopa ng alak na ibinibigay sa isang tao na nagdadalamhati para sa kaniyang yumaong mga magulang.​—Jer 16:5-7; ihambing ang Kaw 31:6.

Ang makasagisag na “kopa” na ibinuhos ni Jehova para kay Jesu-Kristo ay ang Kaniyang kalooban para kay Jesus. Lubhang ikinabahala ni Kristo ang kadustaang idudulot sa Diyos ng kaniyang kamatayan bilang isa na pinaratangan ng pamumusong at sedisyon. Walang alinlangan na ito ang dahilan kung kaya idinalangin ni Jesus na kung posible ay palampasin sa kaniya ang “kopang” iyon. Gayunpaman, handa siyang magpasakop sa kalooban ni Jehova at inumin iyon. (Mat 26:39, 42; Ju 18:10, 11) Ang iniatas ni Jehova na bahagi, o “kopa,” kay Jesus ay hindi lamang nangahulugan ng pagdurusa ni Jesus kundi pati ng kaniyang bautismo sa kamatayan na sumapit sa kasukdulan nang buhayin siyang muli tungo sa imortal na buhay sa langit. (Luc 12:50; Ro 6:4, 5; Heb 5:7) Samakatuwid, ito rin “ang kopa ng dakilang kaligtasan” para kay Kristo. (Aw 116:13) Alinsunod sa kalooban ng Diyos, ibinabahagi rin ni Jesu-Kristo sa “munting kawan” na mga kasama niyang tagapagmana ng Kaharian ang “kopa” na ibinigay sa kaniya upang inuman.​—Luc 12:32; Mar 10:35-40.