Sisidlang Balat
Ang mga sisidlang balat ay ginagamit upang paglagyan ng tubig, langis, gatas, alak, mantikilya, at keso. Upang makagawa noon ng sisidlang balat, isang hayop ang pinapatay, pinuputulan ng ulo at mga paa, at pagkatapos ay maingat na inaalis ang balat nang hindi binibiyak ang tiyan ng hayop. Pagkatapos, ang balat ay kinukulti, at saka tinatahi ang lahat ng butas niyaon maliban sa isa. Kadalasan, ang leeg o ang isa sa mga binti niyaon ay hindi tinatahian, at ito ang nagsisilbing bibig ng sisidlan, na maaaring sarhan sa pamamagitan ng isang pamasak o isang panali. Ang mga balat ng tupa, kambing, at kung minsan ay baka, ang ginagawang mga sisidlang balat. Sa ilang kaso, ang mga balat na ginagamit upang paglagyan ng gatas, mantikilya, keso at tubig ay hindi na inaalisan ng balahibo. Gayunman, kailangang kultihin nang husto ang mga sisidlang balat na gagamitin para sa langis at sa alak. Kahit nitong nakalipas na panahon, ganito rin ginagawa ang maraming sisidlang balat sa Gitnang Silangan. Kapag hindi kinulti ang pantubig na sisidlang balat, nagkakaroon ng di-kaayaayang lasa ang tubig na inilalagay rito.
Nang paalisin ni Abraham si Hagar, pinabaunan niya ito ng isang “sisidlang balat [sa Heb., cheʹmeth].” (Gen 21:14, 15, 19) Sinabi naman ng mga Gibeonita kay Josue: “Ito ang mga pang-alak na sisidlang balat [sa Heb., noʼ·dhohthʹ] na bago pa nang punuin namin, at, narito! napunit na.” (Jos 9:13) Maaaring mangyari ang bagay na ito sa kalaunan dahil sa namumuong presyon ng gas na carbon dioxide na dulot ng aktibong permentasyon ng alak. Sinabi ni Elihu: “Narito! Ang aking tiyan ay tulad ng alak na walang singawan; nais nitong sumambulat na gaya ng mga bagong sisidlang balat [sa Heb., ʼo·vohthʹ].” (Job 32:19) Gayunman, karaniwan nang ang mga bagong sisidlang balat ay nakatatagal sa presyon na dulot ng aktibong permentasyon ng alak sa loob nito. Ngunit ang mga lumang sisidlang balat ay tumitigas at lumulutong sa katagalan, at dahil dito kung kaya malamang na pumutok ang mga ito. Kaya naman angkop ang sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang mga tao ay hindi rin naman naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat [sa Gr., a·skosʹ]; ngunit kapag ginawa nila, kung gayon ang mga sisidlang balat ay pumuputok at ang alak ay tumatapon at ang mga sisidlang balat ay nasisira. Kundi ang mga tao ay naglalagay ng bagong alak sa mga bagong sisidlang balat, at kapuwa naiingatan ang mga iyon.” (Mat 9:17; Mar 2:22; Luc 5:37, 38) Ang ilustrasyong ito ay bahagi ng sagot ni Jesus sa tanong kung bakit hindi nakikiayon ang kaniyang mga alagad sa lahat ng matatandang kaugalian at gawain ng mga Pariseo. Maliwanag, ipinahihiwatig noon ni Jesus na ang katotohanan ng Kristiyanismo ay punô ng puwersa at sigla para panatilihin sa matandang sistema ng Judaismo, na walang lakas at napakahigpit at noo’y malapit nang lumipas.—Mat 9:14-16.
Noong si David ay isang takas na tinutugis ng kaniyang mga kalaban, tinukoy niya ang sisidlang balat sa makasagisag na paraan, na sinasabi: “Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong sisidlang balat.” (Aw 56:8) Sa gayo’y hiniling ni David sa Diyos, na kaniyang pinagtitiwalaan, na ilagay ang kaniyang mga luha, wika nga, sa isang sisidlang balat upang maalaala Niya ang mga iyon.
Noon, malamang na ang mga balat na punô ng alak ay isinasabit kung minsan sa mga dako kung saan mauusukan ang mga ito upang maipagsanggalang sa mga insekto o upang ang alak ay madaling magkaroon ng ninanais na kalidad. Samantala, kapag hindi ginagamit, ang mga sisidlang balat ay isinasabit sa isang silid na walang tsiminea at sa gayo’y nangingitim ang mga ito dahil sa usok mula sa apoy na pinagniningas doon. Di-magtatagal, lulutong at mangunguluntoy ang mga sisidlang balat na iyon. Marahil, ito ang nasa isip ng salmistang batbat ng mga pagsubok nang sabihin niya: “Sapagkat ako ay naging tulad ng sisidlang balat sa usok.”—Aw 119:83; tingnan ang MAGPAPALAYOK.