Sisne
[sa Heb., tin·sheʹmeth; sa Ingles, swan].
Isang malaki at magandang ibong-tubig na may mahaba, payat at nakakurbang leeg. Ang ilang sisne ay maaaring tumimbang nang hanggang 18 kg (40 lb) at ang sukat ng kanilang nakabukang mga pakpak mula sa dulo’t dulo ay maaaring umabot nang mga 2.5 m (8 piye).
Ang pangalang Hebreo (na tin·sheʹmeth), na lumilitaw sa talaan ng maruruming lumilipad na nilalang (Lev 11:13, 18; Deu 14:12, 16), ay mula sa salitang-ugat na nangangahulugang ‘humingal.’ (Isa 42:14) Maaaring inilalarawan nito ang sisne at ang malakas at sumasagitsit na tunog niyaon, na kaniyang nalilikha kapag siya’y niligalig o ginalit, at ganito ang pagkakasalin dito ng maraming bersiyon (KJ, Da, Le, NW, Ro, Yg). Ang pag-uugnay na ito ay ginawa na noon pa man sa Latin na Vulgate, kung saan isinalin ni Jerome ang Hebreong tin·sheʹmeth (sa Lev 11:18) sa pamamagitan ng salitang Latin na cycnus (sisne). Ang mas matandang Griegong Septuagint naman ay kababasahan dito ng “purple coot” (sa Gr., por·phy·riʹon), anupat maliwanag na tumutukoy sa purple gallinule (Porphyrio porphyrio). Gayunman, isinalin ng dalawang sinaunang bersiyong ito ang tin·sheʹmeth bilang “ibis” sa Deuteronomio 14:16, sa gayo’y makikita na hindi sila nakatitiyak.
Bagaman ang sisne ay matatagpuan sa Palestina, hindi na ito karaniwan doon sa ngayon. Dahil dito, at dahil mga halaman ang pangunahing kinakain ng sisne, mas iniuugnay ng maraming makabagong tagapagsalin ang tin·sheʹmeth sa “water hen” (RS, Mo), “eagle-owl” (AT), “ibis” (JB), o sa iba pang mga ibon na kilaláng kumakain ng ibang hayop o kumakain ng basura. Gayunman, bagaman madalang na ang mga sisne sa Palestina sa ngayon, hindi nangangahulugan na hindi sila naging pangkaraniwan doon noong sinaunang mga panahon. Gayundin, dapat kilalanin na pala-palagay lamang at hindi tuwirang sinasabi sa Bibliya na kaya inuuring marumi ang ilang ibon ay dahil sila’y mga maninila o mga kumakain ng basura.
Maliban sa karaniwang kinakain nito na mga buto ng halaman, mga ugat ng halamang-tubig, at mga bulati, ang sisne ay kilalá ring kumakain ng mga kabibi.