Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sistro

Sistro

Ang salitang Hebreo na mena·ʽan·ʽimʹ (mga sistro) ay minsan lamang lumilitaw sa Kasulatan at waring hinalaw sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “manginig,” samakatuwid nga, gumalaw nang paroo’t parito. (2Sa 6:5) Yamang ang sistro ay karaniwang tinutugtog sa ganitong paraan, anupat isang panugtog na inaalog, pinapaboran ng maraming leksikograpo at mga istoryador sa musika ang saling ito, isang salin na ginagamit din ng ilang tagapagsalin ng Bibliya.​—Da; NW; Ro; Vg.

Karaniwan na, ang sistro ay binubuo ng isang maliit at biluhabang balangkas na metal na nakakabit sa isang hawakan. Ayon sa umiiral na sinaunang mga ispesimen at maging sa mga paglalarawan sa mga bantayog ng Ehipto at sa iba pang mga bantayog, ang panugtog na ito kapag kumpleto, ay may iba’t ibang haba na mula mga 20 hanggang 46 na sentimetro (8 hanggang 18 pulgada). Sa balangkas ay may ilang baras na metal na nakakabit nang pahalang at medyo maluwag anupat, kapag inaalog, lumilikha ng matinis at kumakalansing na tunog. Maaaring iba-iba ang haba ng pahalang na mga baras upang makalikha ng sunud-sunod na tono. Ang isa pang uri ng sistro ay may mga argolya sa mga baras, at kumakalansing ang mga argolyang ito kapag inaalog. Bagaman ang kaisa-isang paglitaw nito sa Bibliya ay noong inilalarawan ang isang malaking pagdiriwang, sinasabi ng tradisyonal na mga impormasyong Judio na tinutugtog din ang sistro sa malulungkot na okasyon.