Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sitim

Sitim

[[Mga Punong] Akasya].

1. Isang lokasyon sa mga disyertong kapatagan ng Moab. Mula sa Bet-jesimot ay umabot hanggang dito ang kampamento ng mga Israelita. (Bil 25:1; 33:49; Jos 2:1) Maliwanag na ang “Sitim” ay pinaikling anyo ng pangalang Abel-sitim (Daanang-tubig ng [mga Punong] Akasya). Iniugnay ito ng ilan sa Tell el-Kefrein, isang mababang burol na mga 8 km (5 mi) sa HS ng Bet-jesimot (Tell el-ʽAzeimeh, malapit sa HS sulok ng Dagat na Patay). Gayunman, mas kinikilingan ang Tell el-Hammam, isang mas malaking lugar na nasa estratehikong posisyon at mga 2.5 km (1.5 mi) sa S ng Tell el-Kefrein.

Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Mikas, ipinaalaala ni Jehova sa mga Israelita kung ano ang ginawa niya alang-alang sa kanila: “O bayan ko, alalahanin mo, pakisuyo, kung ano ang ipinayo ni Balak na hari ng Moab, at kung ano ang isinagot sa kaniya ni Balaam na anak ni Beor. Mula iyon sa Sitim, hanggang sa Gilgal, sa layon na malaman ang matuwid na mga gawa ni Jehova.” (Mik 6:5) Habang nagkakampo ang Israel sa Kapatagan ng Moab, kasama na rito ang Sitim, binigo ni Jehova ang pagtatangka ni Balak na ipasumpa kay Balaam ang mga Israelita. Hinadlangan niya ang pagsisikap ng Moab na lipulin ang kaniyang bayan. Pinangyari niya na talunin ng Israel ang mga Midianita na kasa-kasama ng mga Moabita sa pang-aakit sa maraming Israelita sa imoralidad at idolatriya. Itinawid ni Jehova sa Jordan ang Israel sa pamamagitan ng isang himala, at sa Gilgal ay ‘iginulong niya ang pandurusta ng Ehipto.’​—Bil 22:4–25:8; 31:3-11, 48-50; Jos 3:1, 14-17; 5:9.

2. Kung tumutukoy ito sa isang partikular na agusang libis, maaaring “ang agusang libis ng mga Punong Akasya” (Sitim) ay ang ibabang bahagi ng agusang libis ng Kidron.​—Joe 3:18.