Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sivan

Sivan

Ang pangalan ng ikatlong buwang lunar ng mga Judio sa kanilang sagradong kalendaryo pagkaraan ng pagkatapon, ngunit ikasiyam na buwan naman sa sekular na kalendaryo. (Es 8:9; 1Cr 27:5; 2Cr 31:7) Katumbas ito ng huling bahagi ng Mayo at unang bahagi ng Hunyo. Hindi matiyak kung ano ang kahulugan ng pangalang ito.

Nagsisimula ang Sivan sa pagtatapos ng tagsibol kapag malapit na ang matinding init ng tag-araw. Ito ang panahon ng pag-aani ng trigo at ang unang bahagi ng tag-init, na magpapatuloy hanggang sa kalagitnaan ng Oktubre o sa buwang lunar ng Bul. (Exo 34:22; Kaw 26:1) Walang alinlangang buwan ng Sivan nang manalangin kay Jehova ang propetang si Samuel at maganap ang isang di-napapanahong bagyong maulan, na lubhang ikinatakot ng bayan. (1Sa 12:16-19) Sa panahong ito, hinog na hinog na ang “mga unang igos” na lumitaw sa mga puno sa pagtatapos ng mga buwan ng taglamig. (Isa 28:4; Jer 24:2) Panahon din ito ng mansanas sa baybaying rehiyon ng Mediteraneo.​—Sol 2:3; ihambing ang Joe 1:10-12.

Ang Kapistahan ng mga Sanlinggo, o Pentecostes, ay ipinagdiriwang sa ikaanim na araw ng Sivan, kasabay ng paghahandog ng mga unang bunga ng pag-aani ng trigo, sa ika-50 araw matapos ang paghahandog ng mga unang bunga ng pag-aani ng sebada. (Exo 34:22; Lev 23:15-21) Ikaanim na araw rin ng Sivan noon ng taóng 33 C.E. nang ibuhos ang banal na espiritu sa grupo ng mga 120 alagad na nagkakatipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Ang 3,000 na nabautismuhan nang araw na iyon ay nagmula sa mga pulutong na nagkatipon sa lunsod para sa kapistahan.​—Gaw 1:15; 2:1-42.

Buwan ng Sivan noon nang ipagdiwang ni Haring Asa ang isang malaking piging kasunod ng ginawa niyang mga reporma upang alisin ang huwad na relihiyon sa Juda, Jerusalem, at sa iba pang mga lugar. (2Cr 15:8-10) Ang matutulin na sugong pinayaon ni Haring Ahasuero upang maghatid ng mensaheng nagkakaloob sa mga Judio ng karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili sa ika-13 araw ng Adar ay isinugo halos siyam na buwan bago nito, noong ika-23 araw ng Sivan, patungo sa 127 nasasakupang distrito ng Imperyo ng Persia na sumasaklaw mula sa India hanggang sa Etiopia.​—Es 8:9-14.