Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Smirna

Smirna

[Mira].

Isang sinaunang lunsod sa K baybayin ng Asia Minor; tinatawag ngayong Izmir. (LARAWAN, Tomo 2, p. 946) Maaga itong pinamayanan ng mga Griego ngunit winasak ito noong mga 580 B.C.E. ng Lydianong si Haring Alyattes. Pagkaraan ng mahigit na dalawang siglo, isinaplano ni Alejandrong Dakila na muli itong itayo bilang isang Griegong lunsod, bagaman ang mga kahalili niya ang gumawa nito sa ibang lugar. Pagkatapos nito, ang Smirna ay naging isang mahalagang lunsod ng komersiyo. Nang maging bahagi ito ng Romanong probinsiya ng Asia, ang Smirna, dahil sa maiinam na gusaling pampubliko nito, ay nakilala sa kagandahan nito. Nagkaroon ito ng isang templo ni Tiberio Cesar at sa gayon ay nagtaguyod ng pagsamba sa emperador.

Ang Smirna ang ikalawa sa pitong kongregasyong Kristiyano sa Asia Minor na iniutos ng niluwalhating si Jesu-Kristo na sulatan ng apostol na si Juan ng isang mensahe. (Apo 1:11) Sinabing ang kongregasyong ito ay dukha sa materyal ngunit mayaman sa espirituwal. Nasubok ito sa kapighatian, maliwanag na sa pamamagitan ng pag-uusig, at namusong laban dito ang ilan na nag-aangking sila ay mga Judio, ngunit sa totoo ay “isang sinagoga ni Satanas.” Gayunman, sa kabila ng kanilang karalitaan at kapighatian, pinatibay-loob ang mga Kristiyano sa kongregasyon sa Smirna na huwag matakot sa mga bagay na pagdurusahan nila kundi manatiling ‘tapat maging hanggang sa kamatayan’ upang tanggapin nila ang “korona ng buhay.”​—Apo 2:8-11.