Sostenes
[mula sa mga salitang-ugat na nangangahulugang “magligtas” at “lakas”].
Ang punong opisyal ng sinagoga ng Corinto noong panahon ng pagdalaw ni Pablo sa Corinto; posibleng siya ang kahalili ni Crispo na naging isang Kristiyano. Nang tumanggi si Proconsul Galio na dinggin ang mga paratang ng mga Judio laban sa relihiyosong turo ni Pablo, kinuha ng pulutong si Sostenes at binugbog ito. Binabanggit ng ilang manuskrito na ang pulutong ay binubuo ng “mga Griego” na laban sa mga Judio; ang iba ay kababasahan ng “mga Judio.” Gayunman, ang dalawang iyon ay mga interpolasyon, yamang hindi sinasabi ng tatlong pinakamatatandang manuskrito kung aling pangkat ng mga tagasunod ang umatake kay Sostenes.—Gaw 18:8, 12-17.
Maaaring ang masamang karanasang ito ni Sostenes ang umakay sa kaniyang pagkakumberte tungo sa Kristiyanismo at nang maglaon ay sa pagsama niya kay Pablo sa Efeso, sapagkat inilakip ni Pablo sa mga bating pambungad ng kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto ang mga pagbati ng isang Sostenes (isang pangalang Griego na hindi gaanong pangkaraniwan), na tinutukoy ito bilang “ating kapatid.”—1Co 1:1.