Sugat
[sa Ingles, ulcer].
Isang bukás na singaw sa katawan na iba pa sa isang tuwirang sugat (wound), bagaman ang uring namamaga ay kadalasang bunga ng di-malubhang pinsala, gaya ng galos sa balat. Ang mga sugat ay maaaring lumitaw sa labas o sa loob ng katawan, anupat tumutubo sa balat o sa ibabaw ng mga mucous membrane. Kadalasan ay nilalabasan ito ng nana at nagiging sanhi ng unti-unting paghina at pagkamatay ng mga himaymay sa bahaging apektado nito. Ang namamagang sugat, na nag-iinit at kumikirot, ay kadalasang tumutubo sa bandang ibaba ng binti ng isang tao.
Sa Hebreong Kasulatan, ang salita na isinasalin kung minsan bilang “sugat” ay ma·zohrʹ, na maaaring kumapit sa isang sugat, sa isang singaw, o sa isang bukol. Naniniwala ang ilang iskolar na tumutukoy ito sa isang uri ng sugat (wound) na maaaring kailangang pisilin upang mapalabas ang nasa loob nito. Ginagamit naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na helʹkos, tumutukoy sa isang sugat; lumilitaw ito sa Griegong Septuagint sa Exodo 9:9 at sa Job 2:7 para sa salitang Hebreo na shechinʹ, na nangangahulugang bukol (sa Ingles, boil).—Tingnan ang BUKOL.
Makasagisag na Paggamit. Sa makahulang paraan, ang Efraim (Israel) ay inilalarawan bilang may sakit at ang Juda bilang may “sugat,” mga kalagayang resulta ng kanilang paggawa ng masama at ng ibinunga nito na pagkawala ng lingap ng Diyos. Ngunit, sa halip na magtiwala kay Jehova ukol sa proteksiyon mula sa kanilang mga kalaban, walang-saysay silang humingi ng tulong mula sa hari ng Asirya, na hindi nakapagpagaling sa kanila mula sa kanilang pagiging ‘may sugat.’ (Os 5:13) Nang maglaon, ang Sion, palibhasa’y nadala sa pagkabihag sa Babilonya ang kaniyang bayan, ay inilarawan bilang pinipighati ng sugat.—Jer 30:12-15, 17; ihambing ang Luc 16:20, 21; Apo 16:2, 10, 11.