Sugo
[sa Ingles, courier].
Isang tao na pantanging pinili mula sa maharlikang tagapagbantay upang maghatid ng mga maharlikang batas at ng iba pang apurahang liham mula sa hari tungo sa malalayong dako na kaniyang nasasakupan. Ang bilis ng mga sugo (sa Heb., ra·tsimʹ; sa literal, mga mananakbo) sa paghahatid ng mga mensahe ay napakahalaga. Mula noong unang mga panahon, ang gayong mga lalaki ay tinutukoy bilang “mga mananakbo.” Ganito ang tawag sa kanila sa 2 Cronica 30:6, 10; Jeremias 51:31.
Sa Imperyo ng Persia, gumamit sila ng mabibilis na kabayo, gayundin ng mga istasyon ng rilyebo, o mga himpilan, kung saan naghihintay ang ibang mga sugo at mga kabayo na maghahatid ng mahahalagang mensahe sa kanilang daraanan. (Es 3:13-15; 8:10, 14) Mabilis nilang dinadala ang mga mensahe sa mga destinasyon ng mga ito gabi at araw anuman ang kalagayan ng panahon. Sa Imperyo ng Roma, naglagay ng mga istasyon ng mga sugo sa bawat ilang kilometro at doon ay laging may 40 kabayo. Nakapaglalakbay ang mga sugong Romano nang mga 160 km (100 mi) sa isang araw, anupat napakabilis na nito noong mga panahong iyon. Sa pamamagitan ng sistemang ito ng mga kabayong panghatid-sulat, naipadadala ang mga mensahe ng hari hanggang sa mga dulo ng imperyo sa maikling yugto ng panahon.