Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Suhol

Suhol

Sa pangkalahatan, isang bagay na may halaga na ibinibigay upang pakilusin ang tumatanggap nito, kadalasan ay sa paraang di-makatuwiran o tiwali, alang-alang sa kapakanan ng nagbigay. Depende sa konteksto, ang salitang Hebreo para sa suhol (shoʹchadh) ay maaari ring isalin bilang “kaloob” o “regalo.” (Exo 23:8, tlb sa Rbi8; 1Ha 15:19; Kaw 17:8) Ipinakikita ng Kasulatan na ang pagtanggap ng mga suhol ay hindi lamang humahantong sa pagbaluktot sa katarungan kundi pati sa pagbububo ng dugo.​—Deu 16:19; 27:25; Eze 22:12.

Espesipikong ipinagbawal ng kautusan ng Diyos sa Israel ang pagtanggap ng mga suhol, at si Jehova, bilang ang Kataas-taasang Hukom, ay nagpakita ng sakdal na halimbawa sa pamamagitan ng paggagawad niya ng walang-pagtatanging mga pasiya sa lahat ng pagkakataon at ng hindi niya pagtanggap kailanman ng mga suhol. (Exo 23:8; 2Cr 19:7) Kaya naman, yaong magiging mga panauhin sa tolda ni Jehova ay dapat tumulad sa kaniya sa bagay na ito.​—Aw 15:1, 5; tingnan din ang Isa 33:15, 16.

Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming halimbawa niyaong mga nasangkot sa panunuhol. Sinuhulan si Delaila upang ipagkanulo si Samson, anupat ang bawat panginoon ng alyansa ng mga Filisteo ay nagbayad ng 1,100 pirasong pilak ($2,422, kung ang mga “pirasong pilak” ay mga siklo). (Huk 16:5) Ang mga anak ng propeta at hukom na si Samuel, di-gaya ng kanilang ama, ay tumanggap ng mga suhol at binaluktot nila ang kahatulan. (1Sa 8:3; 12:3) Binabanggit ni David yaong mga tao na ang kanang kamay, na dapat sana’y nagtataguyod ng katuwiran, ay punô ng panunuhol. (Aw 26:10) Sinuhulan ni Haring Asa ang hari ng Sirya at ni Haring Ahaz naman ang hari ng Asirya para sa tulong na pangmilitar. (1Ha 15:18, 19; 2Ha 16:8) Ang mga pangulo, o mga prinsipe, ng di-tapat na Jerusalem ay maibigin sa mga suhol. (Isa 1:23; 5:23; Mik 3:11) Di-gaya ng karaniwang mga patutot na tumatanggap ng kanilang kaupahan, aktuwal na sinuhulan ng di-tapat na Jerusalem ang iba upang pumaroon sa kaniya.​—Eze 16:33.

Noong unang siglo C.E., si Hudas Iscariote, sa diwa, ay tumanggap ng suhol upang ipagkanulo si Jesu-Kristo (Mat 26:14-16, 47-50), at ipinagkait naman ni Gobernador Felix ang katarungan sa kaso ni Pablo sa pag-asang tatanggap siya ng suhol mula sa apostol.​—Gaw 24:26, 27.

Ang mga pananalitang “suhol mula sa dibdib” at “suhol na nasa dibdib” ay higit na mauunawaan kung isasaalang-alang na sa Hebreo, ang salitang “dibdib” [sa Ingles, bosom] ay maaari ring tumukoy sa tupi ng isang kasuutan sa bandang itaas ng sinturon. Sa gayon, ipinahihiwatig ng mga pananalitang ito na maaaring ang suhol ay itinatago sa itaas na tupi ng kasuutan at pagkatapos ay palihim itong ibinibigay sa iba na magkukubli naman nito sa gayunding paraan.​—Kaw 17:23; 21:14; tingnan ang KALOOB, REGALO.