Supot
[sa Ingles, bag].
Noong sinaunang mga panahon, ang mga supot ay gawa sa iba’t ibang uri ng balat ng hayop, tela, at hinabing materyales; ginagamit ang mga ito upang paglagyan ng mga butil at pagkain, mga batong panimbang, mahahalagang pag-aari, mga piraso ng ginto at pilak, at noong bandang huli, ng mga barya. Ang mga supot naman na ginagamit para sa tubig at alak ay kadalasang gawa sa kinulting balat ng mga hayop.—Jos 9:4; Mat 9:17.
Ang salitang Hebreo na saq ay pangunahin nang ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa telang-sako (Lev 11:32), ngunit ginagamit din ang salitang ito, gaya sa ngayon, upang tumukoy sa mga lalagyan ng pagkain at mga butil. (Gen 42:25, 27, 35) Ang salitang Hebreo naman na ʼam·taʹchath (“supot,” NW; “sako,” NPV; hinalaw sa pandiwa na nangangahulugang “iladlad” [Isa 40:22]) ay ginamit sa ulat may kinalaman sa pagdalaw ng mga kapatid ni Jose sa Ehipto at waring halos singkahulugan ito ng saq, anupat marahil ay inilalarawan nito ang hugis ng supot sa halip na ang materyales na ginamit sa paggawa nito.—Gen 42:27, 28; 43:18-23.
Bilang paghahanda sa pakikipagsagupa kay Goliat, naglagay si David ng limang bato sa kaniyang “supot” (sa Heb., keliʹ) sa pagpapastol, anupat ipinapalagay na isa itong uri ng bag na isinasakbat sa balikat at kadalasa’y gawa sa balat ng hayop na hindi na inalisan ng balahibo. (1Sa 17:40, 49) Ang salitang Hebreo na ginamit dito ay may napakalawak na kahulugan at kalimita’y tumutukoy lamang sa isang lalagyan, sisidlan, o kagamitan na maaaring gawa sa luwad, kahoy, metal, o balat.—Lev 6:28; 11:32, 33; Bil 31:20; 1Ha 10:21.
Binigyan ng Siryanong opisyal ng hukbo na si Naaman ang sakim na si Gehazi ng “dalawang talento na pilak sa dalawang supot [sa Heb., chari·timʹ], na may dalawang pamalit na kasuutan, at ibinigay ang mga iyon sa dalawa sa kaniyang mga tagapaglingkod, upang madala nila ang mga iyon.” Yamang ang isang talento ay katumbas ng mga 34 na kg (92 lb t), maliwanag na ang gayong lalagyan (cha·ritʹ) ay malaki at matibay upang makapaglaman ng isang talento bukod pa sa isang pamalit na kasuutan at, samakatuwid, kapag pinunô ay halos sapat lamang na mabubuhat ng isang tao. (2Ha 5:23) Gayunman, ang salita ring ito ay ginamit upang tumukoy sa “mga supot” (sa Ingles, purses) na ginagamit noon ng palalong mga anak na babae ng Sion bilang bahagi ng kanilang marangyang kagayakan.—Isa 3:16, 22.
Mayroon ding ginagamit na supot (sa Heb., kis) ang mga mangangalakal noon, at tiyak na kahawig na kahawig iyon ng mga supot na ginagamit pa rin sa mga lupain sa Silangan hanggang nitong kalilipas na mga panahon. Kung ang huling mga supot na ito ang pagbabatayan, malamang na gawa iyon sa hinabing algudon, makukunat na halamang hungko, o katad. Ang mga supot na ito ay ginagamit ng mga negosyante, o mga mangangalakal, sa pagdadala ng mga panimbang na kailangan sa mga transaksiyon sa negosyo kapag kailangang timbangin ang mga produkto, mga binutil, o mahahalagang metal. Sa Kautusang Mosaiko, tinukoy ang kis sa isang babala laban sa mapandayang mga gawain sa negosyo, na nagsasabi: “Huwag kang magkakaroon sa iyong supot ng dalawang uri ng panimbang.” (Deu 25:13) Sa pamamagitan ng kaniyang propeta, nagtanong si Jehova: “Maaari ba akong maging malinis sa moral taglay ang balakyot na timbangan at taglay ang supot ng mga batong panimbang na may daya?” (Mik 6:11; Kaw 16:11) Maaari ring gamitin ang kis bilang “supot” para sa pagdadala ng salapi at mahahalagang pag-aari.—Kaw 1:13, 14; Isa 46:6.
Ang salitang Hebreong tserohrʹ ay hinalaw sa isang pandiwa na nangangahulugang “ibalot” (Exo 12:34) at tumutukoy sa isang karaniwang uri ng lalagyan na tinatalian ng panali o pisi. Maaaring ito ay isang “balot” (Gen 42:35) o isang “supot” na ang pinakaleeg lamang ang hinihigpitan at tinatalian. (Kaw 7:20; Sol 1:13) Waring ang salaping tinatanggap noon mula sa kahon ng abuloy para sa templo ay isinisilid at binibigkis sa gayong mga balot, anupat tiyak na magkakasindami ang laman ng mga iyon. (2Ha 12:10) Noong sinaunang mga panahon, sa mga transaksiyon sa negosyo na nagsasangkot ng malalaking halaga ng salapi, kung minsan ay tinitimbang ang mga piraso ng salapi at saka inilalagay sa gayong mga balot o supot, at pagkatapos ay tinatatakan ang buhol. Kung gugustuhin, maaaring ipasa sa ibang tao ang supot na ginagarantiyahang naglalaman ng tinukoy na halaga. Hangga’t buo pa ang tatak, iyon ang magsisilbing garantiya sa halaga ng pilak, ginto, o iba pang metal na nasa loob nito. Sa Job 14:17, lumilitaw na tinukoy ito ni Job sa makalarawang paraan nang sabihin niya sa Diyos: “Natatatakan sa isang supot ang aking pagsalansang, at naglalagay ka ng pandikit sa ibabaw ng aking kamalian.” Nagpahayag naman si Abigail ng pagtitiwala na ipagsasanggalang ni Jehova si David, nang sabihin niya na kapag tinugis ng kaaway si David, ang kaluluwa nito ay “mababalot sa supot ng buhay na taglay ni Jehova na [kaniyang] Diyos.”—1Sa 25:29.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may tinutukoy na “supot ng pagkain” (NW) o “supot” (MB). (Mat 10:10; Luc 9:3) Ang salitang Griego na peʹra para rito ay inilalarawan sa Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words (1981, Tomo 4, p. 196) bilang “katad na supot ng manlalakbay na pinaglalagyan ng mga panustos.”—Tingnan ang SUPOT NG PAGKAIN.
Sa Juan 12:6; 13:29 ng Ang Biblia, may binabanggit na “supot” na dala-dala ni Hudas; gayunman, ang salitang Griego na glos·soʹko·mon para rito ay isinasalin ng karamihan sa makabagong mga salin bilang “kahon” o “kahon ng salapi.” Noong una, ginagamit ito upang tumukoy sa isang kaha na pinaglalagyan ng bokilya ng isang panugtog na hinihipan, ngunit nang maglaon, ang salitang Griego ay tumukoy sa isang maliit na kahon na magagamit sa anumang layunin, anupat maaari rin itong paglagyan ng salapi. Ginamit ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint ang salitang ito upang tumukoy sa kahon na binabanggit sa 2 Cronica 24:8, 10. Para sa “supot ng salapi” (Luc 10:4) o “mga pamigkis na supot” (Mat 10:9), tingnan ang SUPOT NG SALAPI.