Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sur

Sur

[Pader].

Isang pangalang heograpiko. Sinasabing ito’y isang lunsod, sunud-sunod na mga kuta sa hanggahan, isang rehiyon, o isang kabundukan. Inilalarawan ito bilang “nasa tapat ng Ehipto,” samakatuwid nga, sa S hanggahan o sa dakong S ng Ehipto. Batay sa konteksto, ang Sur ay nasa HK bahagi ng Peninsula ng Sinai. (Gen 25:18) Pagkatawid ng Israel sa Dagat na Pula, inakay sila ni Moises mula sa mga baybayin ng dagat patungo sa “ilang ng Sur.”​—Exo 15:22.

Mas maaga rito, sa isang bukal “na nasa daang patungo sa Sur” nakipag-usap ang anghel ni Jehova sa Ehipsiyong aliping babae ni Abraham na si Hagar (na malamang ay tumatakas noon pabalik sa Ehipto). (Gen 16:7) Nang maglaon, umalis si Abraham sa rehiyon ng Hebron (Gen 13:18) at nanahanan sa pagitan ng Kades (Kades-barnea, nasa T ng Beer-sheba sa rehiyon ng Negeb) at ng Sur, bagaman nanirahan din siya nang ilang panahon sa Gerar, isang bayang Filisteo na nasa mas gawing H pa ng Kades. (Gen 20:1) Sa kanilang pagpapagala-gala, ang mga Ismaelitang naninirahan sa disyerto ay nakarating hanggang “sa Havila malapit sa Sur.” (Gen 25:18) Si Haring Saul ay matagumpay na nakipagdigma sa mga Amalekita hanggang sa Sur, ngunit noong panahon ni David, ang mga Amalekita, kasama ang mga Gesurita at mga Girzita, ay naninirahan pa rin sa lugar na iyon.​—1Sa 15:7; 27:8.

Waring ang tinutukoy ng ilan sa mga tekstong ito ay isang partikular na lugar at hindi isang kalakhang rehiyon lamang. Kung ganito nga, maaaring ang pananalitang “ilang ng Sur,” na minsan lamang ginamit, ay nangangahulugang ang ilang na nasa kapaligiran ng isang lunsod o lugar na pinanganlang Sur.​—Exo 15:22; ihambing ang pagtukoy sa “ilang ng Damasco” sa 1Ha 19:15, o sa “ilang ng Zip,” 1Sa 23:14.

Dahil sa kahulugan ng pangalang ito (Pader), sinikap ng ilan na iugnay ang Sur sa sinaunang pandepensang pader sa kahabaan ng Ismo ng Suez na ayon sa mga inskripsiyong Ehipsiyo ay itinayo maagang-maaga sa kasaysayan ng bansang iyon. Inaakala naman ng iba na ang terminong ito ay kumakapit sa sunud-sunod na mga tanggulang Ehipsiyo sa kahabaan ng silanganing hanggahan ng Ehipto na nakaharap sa Peninsula ng Sinai. Gayunman, ang Exodo 15:22 ay tumuturo sa isang lokasyon sa S panig ng Dagat na Pula, samakatuwid ay sa isang lugar sa labas ng Ehipto sa halip na sa loob ng mga hangganan nito. Dahil dito, iminumungkahi rin na ang pangalang Sur (Pader) ay tumutukoy sa HK bahagi ng kabundukang sumasakop sa malaking bahagi ng Peninsula ng Sinai. Kung titingnan mula sa panig ng Ehipto sa Gulpo ng Suez, ang mapuputing dalisdis ng mahabang kabundukang ito ay mukhang pader, o harang. Maaaring nagkaroon ng isang lugar o bayan na tinawag na Sur sa kabundukang ito o sa paanan nito, na marahil ay ang huling bayang Arabe bago tumawid sa hanggahan ng Ehipto. Gayunman, higit pang katibayan ang kailangan upang matukoy ito nang tiyakan.