Susi, I
Instrumentong ginagamit sa pagbubukas at pagtatrangka ng mga pinto at mga pintuang-daan. Sa Bibliya, ginagamit ang “susi” kapuwa sa literal at sa makasagisag na mga paraan.
Noong panahon ng Bibliya, ang susi ay kadalasang isang lapád na piraso ng kahoy na may mga ngiping kasukat ng mga butas ng trangkahan [bolt] ng pinto ng bahay. Ang gayong susi ay ginagamit upang itulak ang halang o trangka ng pinto, di-tulad ng makabagong susi na ipinapasok at ipinipihit sa susian. Noon, ang susi ay kadalasang inilalagay sa pamigkis o ikinakabit sa ibang bagay at isinasabit sa balikat.—Isa 22:22.
May natagpuang mga susing Ehipsiyo na yari sa bronse o bakal. Ang mga iyon ay mga tuwid na puluhan na tinatayang 13 sentimetro (5 pulgada) ang haba at may tatlo o higit pang ngipin sa dulo. Ang mga Romano ay gumamit din ng mga susing metal, na ang ilan ay ipinipihit sa susian. Natuklasan din sa Palestina ang mga susing yari sa bronse.
May trangka at susi ang pinto ng silid-bubungan ng Moabitang si Haring Eglon. (Huk 3:15-17, 20-25) Pagkabalik mula sa pagkatapon, may mga Levitang pinagkatiwalaang magbantay sa templo, anupat ‘pinangasiwa sila sa susi, upang magbukas nga tuwing umaga.’—1Cr 9:26, 27.
Makasagisag na Paggamit. Ginagamit ng Bibliya ang terminong “susi” bilang sagisag ng awtoridad, pamahalaan, at kapangyarihan. Halimbawa, nang itaas sa puwesto si Eliakim at parangalan, iniatang sa kaniyang balikat ang “susi ng sambahayan ni David.” (Isa 22:20-22) Sa makabagong panahon sa Gitnang Silangan, ang isang malaking susi sa balikat ng isang tao ay tanda na siya’y may mataas na posisyon sa lipunan o isang taong importante. Noong sinaunang panahon, ang tagapayo ng hari, na pinagkakatiwalaan ng mga susi, ay posibleng namamahala sa mga silid ng palasyo at nagpapasiya rin kung sino ang maaaring maglingkod sa hari. Sa mensahe ng anghel para sa kongregasyon sa Filadelfia, sinasabing taglay ng dinakilang si Jesu-Kristo ang “susi ni David,” at siya ang isa na “nagbubukas anupat walang sinumang makapagsasara, at nagsasara anupat walang sinumang makapagbubukas.” (Apo 3:7, 8) Bilang Tagapagmana ng tipan ukol sa Kaharian na ipinangako kay David, ipinagkatiwala kay Jesu-Kristo ang pamamahala sa sambahayan ng mga mananampalataya at ang pagkaulo sa espirituwal na Israel. (Luc 1:32, 33) Sa pamamagitan ng kaniyang awtoridad, na isinasagisag ng “susi ni David,” maaari siyang magbukas o magsara ng makasagisag na mga pinto, o mga oportunidad at mga pribilehiyo.—Ihambing ang 1Co 16:9; 2Co 2:12, 13.
Paano ginamit ni Pedro “ang mga susi ng kaharian” na ipinagkatiwala sa kaniya?
Sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anuman ang iyong igapos sa lupa ay magiging ang bagay na iginapos sa langit, at anuman ang iyong kalagan sa lupa ay magiging ang bagay na kinalagan sa langit.” (Mat 16:19) Matutukoy kung ano ang mga susing ito batay sa iba pang mga impormasyon sa Kasulatan. Muling bumanggit si Jesus ng mga susi nang sabihin niya sa mga lider ng relihiyon, na mga bihasa sa Kautusan, “Inalis ninyo ang susi ng kaalaman; kayo mismo ay hindi pumasok, at yaong mga pumapasok ay hinadlangan ninyo!” (Luc 11:52) Kung paghahambingin ang tekstong ito at ang Mateo 23:13, makikita na ang ‘pagpasok’ na tinutukoy ay may kinalaman sa pagpasok sa “kaharian ng langit.” Kaya naman, nang gamitin ni Jesus ang salitang “susi” kay Pedro, ipinahiwatig niya na si Pedro ay magkakapribilehiyong pasimulan ang isang programa ng pagtuturo na magbubukas ng natatanging mga oportunidad may kaugnayan sa Kaharian ng langit.
Di-tulad ng mapagpaimbabaw na mga lider ng relihiyon noong panahong iyon, maliwanag na ginamit ni Pedro ang bigay-Diyos na kaalaman upang tulungan ang mga tao na ‘makapasok sa kaharian,’ lalo na sa tatlong espesipikong pagkakataon. Ang unang pagkakataon ay noong araw ng Pentecostes 33 C.E., nang sa ilalim ng pagkasi, isiniwalat ni Pedro sa nagkakatipong karamihan na si Jesus ay binuhay-muli ng Diyos na Jehova at itinaas sa Kaniyang kanang kamay sa langit. Taglay ang maharlikang posisyong ito, ibinuhos ni Jesus ang banal na espiritu sa kaniyang nagkakatipong mga alagad. Bilang resulta ng kaalamang ito at bilang tugon sa payo ni Pedro na, “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu,” mga 3,000 Judio (at mga nakumberteng Judio) ang kumilos upang sila’y maging potensiyal na mga miyembro ng “kaharian ng langit.” Tinularan din ng iba pang mga Judio ang kanilang halimbawa.—Gaw 2:1-41.
Noong isang pagkakataon naman, isinugo sina Pedro at Juan sa mga Samaritano, na noo’y hindi pa tumatanggap ng banal na espiritu bagaman nabautismuhan na. Ang dalawang apostol ay ‘nanalangin para sa kanila’ at “ipinatong nila sa kanila ang kanilang mga kamay,” at tumanggap sila ng banal na espiritu.—Gaw 8:14-17.
Sa ikatlong pagkakataon, pantanging ginamit si Pedro upang buksan sa mga tao ang pribilehiyo na maging mga tagapagmana ng Kaharian noong isugo siya sa tahanan ng Gentil na si Cornelio, isang senturyong Italyano. Sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng Diyos, napag-unawa at ipinahayag ni Pedro na ang Diyos ay hindi nagtatangi sa mga Judio at mga Gentil. At kung ang mga tao ng mga bansa ay may takot sa Diyos at gumagawa ng katuwiran, sila ngayon ay kaayaaya na sa Diyos gaya ng mga Judiong katulad nila. Habang inilalahad ni Pedro ang kaalamang ito sa kaniyang mga tagapakinig na Gentil, ang makalangit na kaloob ng banal na espiritu ay bumaba sa kanila at makahimala silang nakapagsalita ng mga wika. Pagkatapos nito, sila’y nabautismuhan at naging unang potensiyal na mga miyembro ng “kaharian ng langit” mula sa mga Gentil. Mula noon, nanatiling bukás ang pintong ito ng pagkakataon para sa mga mananampalatayang Gentil na maging mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano.—Gaw 10:1-48; 15:7-9.
Kung susundin ang mga tuntunin ng balarila, ang Mateo 16:19 ay maaaring isalin nang ganito: “Anuman ang iyong igapos sa lupa ay yaong bagay na nakagapos [o, ang bagay na iginapos na] sa langit, at anuman ang iyong kalagan sa lupa ay yaong bagay na nakalagan [o, ang bagay na kinalagan na] sa langit.” Ang salin ni Charles B. Williams ay kababasahan ng ganito: “Anuman ang ipagbawal mo sa lupa ay dapat na yaong ipinagbawal na sa langit, at anuman ang ipahintulot mo sa lupa ay dapat na yaong ipinahintulot na sa langit.” At ang literal na salin ng iskolar sa Griego na si Robert Young ay kababasahan: “Anuman ang iyong igapos sa lupa ay iginapos na sa langit, at anuman ang iyong kalagan sa lupa ay kinalagan na sa langit.” Yamang nililinaw ng ibang mga teksto na ang binuhay-muling si Jesus pa rin ang iisa at tunay na Ulo ng kongregasyong Kristiyano, maliwanag na ang pangako niya kay Pedro ay hindi nangangahulugang si Pedro ang magdidikta sa langit kung ano ang dapat o hindi dapat kalagan kundi, sa halip, si Pedro ay instrumento lamang ng langit para sa pagbubukas, o pagkakalag, ng ilang itinakdang bagay.—1Co 11:3; Efe 4:15, 16; 5:23; Col 2:8-10.
Ang “susi ng kalaliman.” Sa Apocalipsis 9:1-11, inilahad ang pangitain hinggil sa “isang bituin” mula sa langit na pinagbigyan ng “susi ng hukay ng kalaliman.” Binuksan niya ang hukay na iyon at pinakawalan ang isang kulupon ng mga balang, na ang hari ay “ang anghel ng kalaliman.” Yamang ipinakikita sa Roma 10:6, 7 na saklaw ng kalaliman ang Hades (bagaman hindi lamang Hades ang saklaw nito), lumilitaw na kalakip sa “susi ng hukay ng kalaliman” ang “mga susi ng kamatayan at ng Hades” na taglay ng binuhay-muling si Jesu-Kristo, gaya ng sinasabi ng Apocalipsis 1:18. Walang alinlangan na ang “mga susi” na ito ay sumasagisag sa awtoridad ni Jesus na magpalaya ng mga indibiduwal mula sa pagkakabilanggo na doo’y Diyos lamang at ang kaniyang awtorisadong kinatawan ang may kapangyarihang makapagpalaya. Samakatuwid, kalakip sa “mga susi” ang awtoridad na bumuhay-muli ng mga indibiduwal sa literal na paraan, anupat pinalalaya sila mula sa pagkakapiit sa libingan, pati na ang awtoridad na magpalaya ng mga indibiduwal mula sa makasagisag na kamatayan. (Ju 5:24-29; ihambing ang Apo 11:3-12; tingnan ang KAMATAYAN [Pagbabago sa espirituwal na katayuan o kalagayan].) Makikita sa Apocalipsis 20:1-7 ang huling iniulat na paggamit sa “susi ng kalaliman.” Doon, sinasabi ng pangitain na isang anghel na nagtataglay ng susing iyon ang naghagis kay Satanas sa kalaliman, pagkatapos ay isinara at tinatakan niya ito sa ibabaw ni Satanas sa loob ng isang libong taon. Sa pagwawakas ng yugtong iyon, si Satanas ay palalayain mula sa kaniyang “bilangguan,” maliwanag na sa pamamagitan ng paggamit ng “susi” ng awtoridad.—Tingnan ang KALALIMAN.