Taanac
Isang nakapaloob na lunsod ng Manases sa teritoryo ng Isacar. (Jos 17:11; 1Cr 7:29) Iniatas ito sa mga Kohatitang Levita. (Jos 21:20, 25) Sa ilalim ng pangunguna ni Josue, natalo ng mga Israelita ang hari ng Taanac. (Jos 12:7, 21) Ngunit hindi napalayas ng mga Manasita ang mga Canaanita mula rito at sa iba pang mga lunsod. Gayunman, ang mga Canaanitang ito ay puwersahang pinagtrabaho nang bandang huli. (Huk 1:27, 28) Noong panahon ni Hukom Barak, ang mga hukbo ni Jabin na hari ng Hazor, sa pangunguna ng kaniyang pinuno ng hukbo na si Sisera, ay natalo sa Taanac. (Huk 5:19) Noong panahon ng paghahari ni Solomon, ang lunsod na ito ay nasa distritong nakaatas kay Baana, isa sa 12 kinatawan na nangangasiwa sa paglalaan ng pagkain para sa maharlikang sambahayan. (1Ha 4:7, 12) Ang arkeolohikal na katibayan mula sa Taanac at ang relyebe sa isang pader ng templo sa Karnak ay nagpapahiwatig na nakuha ni Paraon Sisak ang lunsod na ito nang salakayin niya ang Palestina noong ikalimang taon ng paghahari ng anak at kahalili ni Solomon na si Rehoboam.—2Cr 12:2-4.
Ipinapalagay na ang Taanac ay ang Tell Taʽanakh, na mga 8 km (5 mi) sa TTS ng Megido at nasa timugang gilid ng Kapatagan ng Jezreel (ʽEmeq Yizreʽel). Ang lugar na ito’y nasa mahalagang posisyon sa dalawang ruta ng kalakalan, ang isa’y patungo sa Kapatagan ng Aco at ang isa naman ay patungo sa Kapatagan ng Saron.