Tabor
1. Isang namumukod-tanging bundok sa teritoryo ng Isacar sa hilagaang hangganan nito. (Jos 19:17, 22) Sa Arabe ay tinatawag itong Jebel et-Tur; sa Hebreo naman, Har Tavor. Ito’y mga 20 km (12 mi) sa K ng timugang dulo ng Dagat ng Galilea at mga 8 km (5 mi) sa STS ng lunsod ng Nazaret.
Palibhasa’y nakahiwalay ito sa iba pang mga bundok, ang Tabor ay waring biglang sumulpot sa Libis ng Jezreel hanggang sa altitud na mga 562 m (1,844 na piye) mula sa kapantayan ng dagat. Mula sa KHK, ito’y mistulang balisungsong na pinutol, at mula naman sa TK ay pabilog ito. Ang pinakataluktok nito ay halos patag at biluhaba. Mga 0.4 km (0.25 mi) ang lapad niyaon mula sa H hanggang sa T at doble nito ang haba niyaon mula sa S hanggang sa K. Mula roo’y kamangha-mangha ang tanawin sa lahat ng direksiyon. Malamang na ang kahanga-hangang kataasan ng bundok na ito ang dahilan kung bakit magkasamang binanggit ng salmista ang Tabor at Bundok Hermon bilang namumukod-tanging mga halimbawa ng karingalan ng gawa ng Maylalang. (Aw 89:12) Ginamit din ni Jehova ang nakatatawag-pansing pagkadambuhala ng Tabor—na mag-isang nakatayo sa Libis ng Jezreel—upang ilarawan ang kahanga-hangang kaanyuan ni Nabucodonosor nang pumasok ito sa Ehipto kasama ang isang makapangyarihang hukbong militar.—Jer 46:13, 18.
Partikular na napabantog ang Tabor nang si Barak, sa utos ng Diyos, ay magtipon ng 10,000 lalaki mula sa mga tribo nina Neptali at Zebulon laban kay Sisera at sa hukbo nito, na kinabibilangan ng 900 karo na may “mga lingkaw na bakal.” Nang ibigay ang hudyat, si Barak at ang kaniyang mga hukbo ay dali-daling bumaba sa Huk 4:4-16.
mga dalisdis ng Tabor, at pagkatapos na lituhin ni Jehova ang mga Canaanita, isang ganap na tagumpay ang natamo ng mga Israelita laban sa tumatakas na mga hukbo ni Sisera.—Pagkaraan ng ilang taon, nasaksihan ng Tabor ang pagpatay nina Zeba at Zalmuna, ang mga hari ng Midian, sa mga kapatid ni Gideon. (Huk 8:18, 19) Pagsapit ng kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C.E., ang di-tapat na makasaserdote at makaharing mga sambahayan ng Israel ay naging “gaya ng lambat na nakaladlad sa ibabaw ng Tabor,” anupat posibleng ginamit nila ang bundok na ito sa K ng Jordan bilang isang sentro ng idolatriya upang siluin ang mga Israelita. Maaaring ang Mizpa ay ginamit din sa gayong paraan sa S naman ng Jordan.—Os 5:1.
Mula sa pinakataluktok ng Tabor ay matatanaw ang buong paligid at angkop na angkop na lokasyon ito para sa isang nakukutaang lunsod. Ipinakikita ng mga guho na may gayong lunsod na umunlad doon bago at pagkatapos ng unang siglo C.E. Dahil dito, pinag-aalinlanganan ang tradisyon na sa Tabor nangyari ang pagbabagong-anyo ni Jesus, sapagkat sinasabi ng mga ulat na si Jesus at ang kaniyang tatlong kasamahan ay nasa bundok “nang sila lamang,” “nang sila-sila lamang.” Mas malamang na ang “napakataas na bundok” na iyon ay ang Bundok Hermon, at malapit ito sa Cesarea Filipos sa may bukal ng Jordan kung saan nanggaling si Jesus bago naganap ang pagbabagong-anyo.—Mat 17:1, 2; Mar 8:27; 9:2.
2. Isa sa mga lunsod sa teritoryo ng Zebulon. Ibinigay ito sa Levitikong mga anak ni Merari. Sa ngayon ay hindi alam kung saan ang lokasyon nito.—1Cr 6:1, 77.
3. Ang “malaking punungkahoy ng Tabor” ay ipinapalagay na nasa teritoryo ng Benjamin. Ito’y isang palatandaan na tinukoy ni Samuel sa mga tagubilin niya kay Saul pagkatapos pahiran si Saul. Dito’y makakasalubong ni Saul ang tatlong lalaki na patungo sa Bethel. Hindi alam sa ngayon kung saan ang lugar na ito.—1Sa 10:1-3.
[Larawan sa pahina 1220]
Ang Bundok Tabor ay waring biglang sumulpot sa Libis ng Jezreel