Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagakopya

Tagakopya

Kung Bibliya ang pag-uusapan, ang terminong “tagakopya” ay kumakapit sa isang tagatala, o sa isang tao na gumagawa ng mga kopya ng nakasulat na materyal, lalo na ng Kasulatan. Ang salitang Hebreo na isinasalin bilang “tagakopya” ay so·pherʹ, na may kaugnayan sa pagbibilang at pagrerekord. Mayroon itong iba’t ibang kahulugan. Maaari itong tumukoy sa isang eskriba (Huk 5:14) o sa isang kalihim. (Jer 36:32; Eze 9:2, 3) Ang eskriba ay alinman sa isang pangmadlang tagasulat na nagtatala ng mga komposisyong idinidikta ng iba’t ibang tao, isang kalihim, isang tagakopya, o isang guro ng Kautusan. Gayunman, ang terminong “tagakopya” ay pantanging angkop kapag ikinakapit sa mga indibiduwal na kumokopya ng Kautusan at ng iba pang mga bahagi ng Banal na Kasulatan. Partikular nang kilala bilang mga tagakopya si Sapan, ang isang tinatawag na Zadok, at ang saserdoteng si Ezra.​—Jer 36:10; Ne 13:13; 12:26, 36.

Ang saserdoteng si Ezra, na bumalik mula sa Babilonya patungong Jerusalem kasama ng mga Judiong nalabi noong ikapitong taon ng Persianong si Haring Artajerjes (468 B.C.E.), ay ipinakikilala bilang “isang dalubhasang tagakopya ng kautusan ni Moises” at bilang “isang tagakopya ng mga salita ng mga utos ni Jehova at ng kaniyang mga tuntunin sa Israel.” (Ezr 7:6, 7, 11) Noong kaniyang panahon, unang naging prominente ang mga eskribang Judio bilang isang grupo ng mga tagakopya ng Kasulatan. Libu-libong Judio ang nanatili sa Babilonya, at ang iba naman ay nangalat dahil sa pandarayuhan at pagnenegosyo. Samantala, nagsulputan sa iba’t ibang lugar ang lokal na mga bulwagang tipunan na nakilala bilang mga sinagoga, at para sa mga ito, ang mga tagakopya ay kinailangang gumawa ng sulat-kamay na mga kopya ng mga manuskrito ng Bibliya. Naging napakaingat nila sa paggawa ng mga ito.​—Tingnan ang ESKRIBA.

Si Ezra, ang dalubhasang saserdoteng tagakopya, ang bumasa ng “aklat ng kautusan ni Moises” sa isang nagkakatipong kongregasyon sa isinauling Jerusalem. Nang pagkakataong iyon, ang mahusay na pagpapaliwanag at pagtuturo ni Ezra at ng kaniyang mga katulong ay naging sanhi ng “malaking kasayahan” at mayayamang pagpapala para sa nagkakatipong bayan.​—Ne 8.

Palibhasa’y ‘napukaw ang puso dahil sa isang mabuting bagay’ may kinalaman sa Mesiyanikong Hari ng Diyos, sinabi ng salmista: “Ang aking dila nawa ay maging panulat ng isang dalubhasang tagakopya.” (Aw 45:1-5) Nais niya na sana ang kaniyang dila ay maging mahusay sa pagsasalita, anupat kabagay ng matayog na tema ng kaniyang komposisyon, na kinasihan ng Diyos. Sa gayon, hinangad ng salmista na ang kaniyang dila ay magamit niya nang may kahusayan, tulad ng isang panulat sa kamay ng isang sinanay at dalubhasang tagakopya, isa na may kakayahan.