Tagapagbalita
[sa Ingles, herald].
Isang opisyal ng korte na ginagamit upang ihayag sa madla ang mga utos at mga batas ng hari. Ang salitang ito ay lumilitaw sa Daniel 3:4, kung saan binabanggit na isang tagapagbalita ang naghayag ng batas ni Nabucodonosor na sambahin ng mga tao ang imaheng ginawa niya. (Tingnan ang tlb sa Rbi8.) Noong si Daniel ang magiging ikatlong tagapamahala sa kaharian ng Babilonya alinsunod sa utos ni Haring Belsasar, “inihayag,” o ibinalita, ang bagay na ito. (Dan 5:29, tlb sa Rbi8) Sa sinaunang mga palarong Griego, ipinatatalastas ng isang tagapagbalita ang pangalan at bansa ng bawat kalahok at ang pangalan, bansa, at ama ng isang nagtagumpay.
Ang pandiwang Griego na isinaling “mangaral” ay ke·rysʹso. Ang pandiwang Griegong ito, na lumilitaw nang maraming ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay maaari ring isalin bilang “magbalita.” Ipinahihiwatig ng paggamit sa salitang ito sa Mateo 24:14 at Marcos 13:10 na ang mga tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay magsisilbing mga tagapagbalita.—Tingnan ang mga tlb sa Rbi8; ihambing ang Mar 1:45; Apo 5:2.
Sa pangkalahatan, ang ke·rysʹso ay nangangahulugang “maghayag” (ng mabuti o masamang balita), na naiiba sa eu·ag·ge·liʹzo·mai, “magpahayag ng mabuting balita.” Si Noe ay isang mangangaral (o tagapagbalita, keʹryx) sa sanlibutan bago ang baha, anupat nagbabala siya sa kanila. (2Pe 2:5) Si Kristo naman ay nangaral (tulad ng isang tagapagbalita) sa mga espiritung nasa bilangguan, ngunit hindi ng mabuting balita.—1Pe 3:18, 19.