Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagapaghilagpos

Tagapaghilagpos

Isang tao na naghahagis ng mga suligi mula sa isang panghilagpos. Kadalasan, ang panghilagpos ay isang maikling strap na tinupi, hinahawakan sa magkabilang dulo at pinaiikot. Mula roon, isang suligi, gaya ng isang bato, ang humahagis nang napakabilis kapag binitiwan ang isang dulo ng strap.

Noong sinaunang mga panahon, mahalagang bahagi ng hukbong militar ang mga tagapaghilagpos ng mga bato. Ang tribo ni Benjamin ay may 700 piniling lalaki, bawat isa ay “nagpapahilagpos ng mga bato anupat gabuhok man ay hindi sumasala.” (Huk 20:15, 16) Binabanggit ng mga Targum na ang mga Kereteo at mga Peleteo na kabilang sa mga mandirigma ni David ay mga ekspertong tagapaghilagpos. Naging mahalagang bahagi ng hukbong militar ni Haring Uzias ang mga tagapaghilagpos. (2Cr 26:13, 14) Gaya ng pinatototohanan ng mga bantayog, si Senakerib ay may isang kalipunan ng mga tagapaghilagpos sa hukbong Asiryano. Nagkaroon din ng katulad na mga dibisyon ang mga hukbong pandigma ng mga Ehipsiyo, mga Siryano, mga Persiano, mga taga-Sicilia, at iba pa. Sa hukbong Romano, ang mga tagapaghilagpos ay kabilang sa auxilia. Hanggang noong unang siglo C.E., inilahad ni Josephus na nakikipagtagisan ang mga Judiong tagapaghilagpos sa mga tagapaghilagpos ng mga hukbong Romano.​—Jewish Antiquities, XVII, 259 (x, 2); The Jewish War, II, 422, 423 (xvii, 5); IV, 14, 15 (i, 3).

Sa sinaunang mga hukbo, kadalasang ang mga tagapaghilagpos ay isang dibisyon lamang ng mga kawal na naglalakad. Ang mga mamamana, na katambal ng mga tagapaghilagpos, at isang mas maliit na bilang ng mga maninibat ang bumubuo sa isang impanterya. Kapag tinawag sa unahan upang pasimulan ang isang sagupaan o upang pigilan ang pag-abante ng kaaway, ang mga tagapaghilagpos ay dumaraan sa pagitan ng mga kawal mula sa likuran. Kung minsan naman ay nagpapahilagpos sila mula sa likuran, anupat pinalalampas ang mga suligi sa ibabaw ng mga ulo ng mga maninibat. Ang mga tagapaghilagpos ay lalong kapaki-pakinabang bilang mga mandirigma kapag sumasalakay sa mga lunsod na may pader. Kayang pabagsakin ng kanilang mga bato, na pinahahagis mula sa ibaba, ang kaaway na nasa ibabaw ng mga pader o patamaan ang mga inaasinta na nasa loob ng lunsod. (2Ha 3:25) Nang pasimulang gamitin ang mga kasangkapang pangubkob at mga toreng pansalakay, pinakinabangan ng mga tagapaghilagpos ang matataas na tuntungan ng mga ito.

Ang isang bentaha ng tagapaghilagpos kung ihahambing sa nakabaluti na humahawak ng tabak o maninibat ay ang bisa niya kahit mula sa malayo. Inaangkin na kaya nilang magpahilagpos nang hanggang 122 m (400 piye), at mas malayo pa kung mga bolitas na tingga ang kanilang gagamitin.

Ang Paggamit ni David ng Panghilagpos. Malaking panahon at pagsasanay ang kailangan upang maging isang bihasa at makaranasang tagapaghilagpos. Nalilinang ng mga kabataang lalaking pastol na nag-aalaga at nag-iingat sa mga kawan laban sa mababangis na maninilang hayop ang kinakailangang kasanayan dito. Nadama ng kabataang pastol na si David na mas nasasandatahan siya kung gagamitin niya ang kaniyang panghilagpos kaysa kung isusuot niya ang mabigat na baluti ni Saul. Ngunit walang alinlangang hindi siya makatatayo sa harap ni Goliat kung wala siyang pananampalataya kay Jehova at lakas na nagmula sa Kaniya. Nakasalig ang kalalabasan ng labanan, hindi sa husay ng mga sandata o sa kasanayan, kundi kay Jehova, na siyang sumuporta kay David. Gaya ng isinigaw ni David kay Goliat: “Ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, . . . na iyong tinuya. . . . At malalaman ng buong kongregasyong ito na hindi sa pamamagitan ng tabak ni sa pamamagitan man ng sibat nagliligtas si Jehova, sapagkat kay Jehova ang pagbabaka.” Isang bato mula sa panghilagpos ni David, walang alinlangang ginabayan at binigyan ni Jehova ng di-pangkaraniwang puwersa, ang bumaon sa noo ni Goliat, anupat napabagsak ito upang ‘talagang mapatay ito’ ni David sa pamamagitan ng tabak mismo ni Goliat.​—1Sa 17:38-51.