Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagapagtala ng Lunsod

Tagapagtala ng Lunsod

Sa pamahalaang munisipal ng malayang mga lunsod ng Asia Minor na nasa ilalim ng Imperyo ng Roma, ang tagapagtala ng lunsod (sa Gr., gram·ma·teusʹ; sa Ingles, city recorder) ang pinakamahalagang opisyal ng bayan. Lumilitaw na inihahalal siya ng bayan sa kaniyang katungkulan at nagsisilbi bilang pangunahing miyembro ng pamahalaang munisipal. Sa paanuman ay maaari natin siyang ihambing sa isang makabagong-panahong alkalde, gaya ng ilang pagkakasalin sa terminong ito. Dahil dito, malaki ang kaniyang impluwensiya sa mga bagay-bagay sa lunsod, at ang kaniyang marangal na katungkulan ay mas higit na iginagalang ng bayan kaysa sa ipinahihiwatig ng salitang “kawani” o “kawani ng bayan,” gaya ng ginamit sa ilang salin ng Bibliya sa Gawa 19:35, kung saan ang salitang gram·ma·teusʹ ay lumilitaw sa isang tagpo at diwa na naiiba sa karaniwang paggamit sa salitang ito kapag ikinakapit sa mga eskribang Judio. Ang impluwensiya ng tagapagtala ng lunsod ay makikita sa paraan ng pagpapatahimik ng opisyal na ito sa Efeso sa mga mang-uumog na nagtipon laban kay Pablo at sa kaniyang mga kasamahan.​—Gaw 19:35-41.

Tuwirang nakikipag-ugnayan ang tagapagtala ng lunsod sa proconsul ng probinsiya at naglilingkod siya bilang tagapag-ugnay sa pagitan ng pamahalaang lunsod at ng pangasiwaan ng probinsiya ng Roma na ang isa sa mga sentro ay Efeso. Dahil dito, ang tagapagtala ay maaaring gumanap bilang tagapamagitan sa kapangyarihan ng mga Romanong awtoridad at sa mga taong-bayan ng lunsod. Sa mga lunsod ng Asia, ang tagapagtala ng lunsod ang nanagot sa mga Romanong awtoridad sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kapayapaan sa loob ng kaniyang nasasakupan. Sa paanuman, maaaring ito ang dahilan kung bakit nabahala ang tagapagtala ng lunsod nang sulsulan ng mga panday-pilak na taga-Efeso ang mga taong-bayan sa Efeso dahil sa pangangaral na isinagawa ng apostol na si Pablo. Isang magulong karamihan ang nabuo, isang ilegal na pagtitipon sa dulaan. Posibleng maparatangan sila ng sedisyon, gaya ng itinawag-pansin ng tagapagtala ng lunsod sa mga taong-bayan. Natakot siya na baka personal siyang papanagutin ng mga Romano.