Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagapagtayo, Gusali

Tagapagtayo, Gusali

Ang pandiwang “magtayo” ay nangangahulugang gumawa ng isang bagay o istraktura sa pamamagitan ng mga materyales. Ang salitang Hebreo para sa “magtayo” ay ba·nahʹ. Dito nanggaling ang bin·yanʹ (“gusali”; Eze 41:12), miv·nehʹ (“kayarian”; Eze 40:2), at tav·nithʹ (“parisan” [Exo 25:40]; “kawangis” [Deu 4:16]; “arkitektural na plano” [1Cr 28:11]). Sa karaniwang Griego, ang pandiwa para sa “magtayo” ay oi·ko·do·meʹo; ang kaugnay na pangngalan na oi·ko·do·meʹ ay nangangahulugang “gusali.”​—Mat 16:18; 1Co 3:9.

Bilang Maylalang ng lahat ng bagay, ang Diyos na Jehova ang pinakamahusay na Tagapagtayo. (Heb 3:4; Job 38:4-6) Ang Logos (Salita), na naging si Jesu-Kristo, ang Dalubhasang Manggagawa na ginamit Niya nang lalangin Niya ang lahat ng bagay. (Ju 1:1-3; Col 1:13-16; Kaw 8:30) Ang tao ay walang kakayahang lumalang kundi nagtatayo lamang siya sa pamamagitan ng mga materyales na umiiral na. Sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng tao, namalas na sa kaniya ang kakayahang magplano, gumawa ng mga kasangkapan, at magtayo, na itinanim sa kaniyang isip nang siya ay lalangin.​—Gen 1:26; 4:20-22.

Si Cain, na unang anak nina Adan at Eva, ang unang taong binanggit sa Bibliya na nagtayo ng isang lunsod, anupat tinawag niya iyon ayon sa pangalan ng kaniyang anak na si Enoc. (Gen 4:17) Isang arka naman ang itinayo ni Noe, anupat ang parisan ay ibinigay sa kaniya ni Jehova. (Gen 6:13, 14) Si Nimrod, “isang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova,” ay naging tagapagtayo ng ilang lunsod, samakatuwid nga, ang Babel, Erec, Acad, Calne, gayundin ang Nineve, Rehobot-Ir, Cala, at Resen.​—Gen 10:9-12.

Noong nasa pagkaalipin sa Ehipto ang mga Israelita, nagtayo sila ng mga lunsod bilang mga imbakang dako para kay Paraon, samakatuwid ay ang Pitom at ang Raamses. (Exo 1:11) Nang akayin sila ni Jehova sa Lupang Pangako, nadatnan nila roon ang mga lunsod na itinayo ng mga Canaanitang tumatahan sa mga ito. Marami sa mga lunsod na ito, pati ang mga bahay na naroroon, ang kinuha at ginamit ng mga Israelita.​—Deu 6:10, 11.

Sa ilang, pinangasiwaan ni Moises ang pagtatayo ng tabernakulo at ang paggawa ng lahat ng mga kagamitan nito, anupat inilaan ng Diyos ang parisan ng mga ito. (Exo 25:9) Nanguna sa paggawa at pagtatayo ng iba’t ibang bahagi nito sina Bezalel at Oholiab, na ang mga kakayahan ay higit pang pinatalas ng banal na espiritu ng Diyos upang matapos ang gawain ayon sa mismong iniutos ng Diyos kay Moises.​—Exo 25:40; 35:30–36:1.

Pagkatapos na makuha ni David sa mga Jebusita ang lunsod ng Jerusalem, marami siyang isinagawang pagtatayo roon, kasama na rito ang isang bahay para sa kaniyang sarili. (2Sa 5:9-11) Naging isang bantog na tagapagtayo ang kaniyang anak na si Solomon, anupat ang templo ni Jehova ang naging pangunahing proyekto nito. Ang mga arkitektural na plano para sa templong ito ay ibinigay kay David sa pamamagitan ng pagkasi. (1Cr 28:11, 12) Si David ang nagtipon ng karamihan sa mga materyales na ginamit sa pagtatayo ng templo, ang ginto, pilak, tanso, bakal, mga troso, mga bato, at mahahalagang bato, na iniabuloy ng taong-bayan at, nagmula rin sa sariling pondo ni David. (1Cr 22:14-16; 29:2-8) Si Hiram, hari ng Tiro, ay nakitungo kay Solomon gaya ng pakikitungo niya kay David sa pamamagitan ng paglalaan ng mga materyales, partikular na, mga tablang sedro at enebro, at pati ng maraming manggagawa. (1Ha 5:7-10, 18; 2Cr 2:3) Nagsugo rin si Haring Hiram ng isang lalaki na nagngangalang Hiram (Hiram-abi), anak ng isang lalaking taga-Tiro at ng isang babaing Israelita, isang napakadalubhasang manggagawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, mga bato, mga tabla, at mga kayo.​—1Ha 7:13, 14; 2Cr 2:13, 14.

Nagpatayo rin si Solomon ng iba pang malalaking proyekto, kasama na rito ang isang bahay para sa kaniyang sarili, gayundin ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon, ang Beranda ng mga Haligi, at ang Beranda ng Trono. Inabot ng 20 taon ang pagtatayo ng templo at ng iba pang mga gusaling pampamahalaan. (1Ha 6:1; 7:1, 2, 6, 7; 9:10) Pagkatapos nito, pinasimulan ni Solomon ang isang pambuong-bansang programa ng pagtatayo, anupat kasama sa mga itinayo niya ang Gezer at ang Mababang Bet-horon, ang Baalat at ang Tamar sa ilang, pati ang mga imbakang lunsod, mga lunsod ng karo, at mga lunsod para sa mga mangangabayo. (1Ha 9:17-19) Sa mga paghuhukay sa Palestina, partikular na sa Hazor, Megido, at Gezer, may natuklasang mga pintuang-daan at mga kuta ng mga lunsod na iniuugnay ng mga arkeologo kay Solomon.

Sa mga hari ng Israel at Juda, namukod-tangi ang anak ni Solomon na si Rehoboam bilang tagapagtayo. Kabilang sa mga ginawa niya ay ang muling pagtatayo ng Betlehem, Etam, Tekoa, Bet-zur, Soco, Adulam, Gat, Maresa, Zip, Adoraim, Lakis, Azeka, Zora, Aijalon, at Hebron. Pinatibay rin ni Rehoboam ang mga nakukutaang dako at pinaglaanan niya ang mga ito ng mga panustos. (2Cr 11:5-11) Ang iba pang mga tagapagtayo ay si Haring Baasa ng Israel, anupat ‘pinasimulan niyang itayo ang Rama’; si Haring Asa ng Juda, na nagtayo ng Geba na nasa Benjamin at ng Mizpa; si Hiel na taga-Bethel, na namatayan ng dalawang anak dahil itinayo niyang muli ang mga guho ng Jerico​—si Abiram na kaniyang panganay ay namatay noong ilatag niya ang pundasyon nito at si Segub na kaniyang bunso ay namatay naman noong ilagay niya ang mga pinto nito​—gaya ng inihula ni Josue (1Ha 15:17, 22; 16:34; Jos 6:26); at si Haring Ahab ng Israel, na nagtayo ng isang bahay na garing, bukod pa sa ilang lunsod (1Ha 22:39).

Maraming itinayo si Haring Uzias ng Juda. (2Cr 26:9, 10) Nagpamalas si Uzias ng kadalubhasaan sa militar nang patibayin niya ang Jerusalem sa pamamagitan ng “mga makinang pandigma, na likha ng mga inhinyero.” (2Cr 26:15) Sa mga eksena ng mga relyebe sa pader na doo’y inilalarawan ang pagsalakay ni Senakerib sa Lakis, makikita ang pantanging mga uri ng kuta sa mga tore, na iniuugnay ng mga arkeologo kay Uzias.

Napakarami ring itinayo ni Jotam. (2Cr 27:3, 4) Pinatibay naman nang husto ni Hezekias ang Jerusalem, anupat humukay siya ng isang paagusan ng tubig mula sa bukal ng Gihon upang makapagpadaloy ng tubig sa loob ng lunsod. (2Cr 32:2-5, 30) Makikita pa rin ng mga bumibisita sa Jerusalem ang paagusang ito ng tubig.

Pagkatapos ng pagkatapon, naglakbay si Zerubabel mula sa Babilonya kasama ang mga 50,000 lalaki at pinasimulan niya ang muling pagtatayo ng templo ni Jehova sa Jerusalem. Natapos ito noong Marso 6 ng 515 B.C.E. Nang maglaon, noong 455 B.C.E., pumaroon si Nehemias mula sa Susan upang muling itayo ang pader ng lunsod.​—Ezr 2:1, 2, 64, 65; 6:15; Ne 6:1; 7:1.

Pangunahing nakilala si Haring Nabucodonosor ng Babilonya dahil sa kaniyang mga tagumpay sa militar. Gayunpaman, isa siyang mahusay na tagapagtayo. Sa Babilonya, marami siyang itinayong templo para sa huwad na mga diyos. Isa rin siyang kilaláng tagapagtayo ng mga gawang pambayan. Ang mga inskripsiyon niya ay hindi tungkol sa kaniyang mga tagumpay sa militar kundi may kaugnayan sa kaniyang mga proyektong pagtatayo, kabilang na rito ang mga templo, mga palasyo, mga lansangan, mga dike, at mga pader. Ang Babilonya ay ginawa niyang kamangha-manghang lunsod ng sinaunang daigdig, at sa buong Babilonia, walang istraktura ang kahambing ng bantog na Hanging Gardens na itinayo ni Haring Nabucodonosor upang maibsan ang pananabik ng kaniyang reynang taga-Media sa sarili nitong bayan. Ibinilang ang harding iyon sa pitong kamangha-manghang gawa ng sinaunang daigdig.

Muling itinayo ni Haring Herodes na Dakila ang ikalawang templo ni Jehova sa Jerusalem. Palibhasa’y walang tiwala sa kaniya ang mga Judio, napilitan siyang mag-ipon muna ng mga materyales; pagkatapos ay unti-unti niyang giniba ang ikalawang templo habang itinatayo niya ang bagong templo. Dahil wala silang tiwala kay Herodes at ayaw nila sa kaniya, hindi ito itinuring ng mga Judio bilang ang ikatlong templo, bagaman gayon ang kadalasang pagtukoy rito ng iba. Pagsapit ng taóng 30 C.E., 46 na taon na ang nagugugol sa muling pagtatayo sa lugar ng templo (Ju 2:20), at nagpatuloy pa ito nang maraming taon. Nagtayo rin si Herodes ng isang artipisyal na daungang lunsod, ang Cesarea, at muli niyang itinayo ang Samaria at nagsagawa siya ng iba pang malalaking proyektong pagtatayo sa loob ng Palestina at gayundin sa ibang mga lupain.

Noong naririto si Jesus sa lupa, ang hanapbuhay niya ay may kaugnayan sa pagtatayo, anupat tinutukoy siya bilang isang “karpintero.”​—Mar 6:3.

Noong panahon ng Bibliya, ang mga materyales na ginagamit sa pagtatayo ay lupa, iba’t ibang uri ng kahoy, bato, mahahalagang bato, mga metal, mga kayo, palitada, argamasa, at bitumen. Ginamit din ang kalburong gawa sa apog, gayundin ang mga pangkulay na pampalamuti sa kahoy, at mga tina para sa mga kayo. Kung minsan, ang mga laryo ay pinipintahan o pinapahiran ng enamel.​—Tingnan ang LARYO.

Bumabanggit ang Bibliya ng maraming kasangkapan at instrumento sa pagtatayo, kabilang na rito ang palakol (Deu 19:5), martilyo (Huk 4:21), martilyong pampanday, palihan, mga pako (Isa 41:7), lagari (Isa 10:15), lagaring para sa bato (1Ha 7:9), pisi o lubid na panukat (Zac 1:16; 2:1), panukat na tambo (Eze 40:3; Apo 21:15), hulog (Am 7:7, 8; Zac 4:9, 10), kasangkapang pangnibel (2Ha 21:13; Isa 28:17), pait (Exo 20:25; Isa 44:13), kompas (Isa 44:13), daras (Isa 44:12; Jer 10:3), at timbangan (Isa 40:12).

Makasagisag na Paggamit. Ang kongregasyong Kristiyano ay itinuturing na isang bahay o templo na itinayo sa ibabaw ng pundasyon ng mga apostol at mga propeta, anupat si Kristo Jesus ang pundasyong batong-panulok. Tinatawag itong “gusali ng Diyos,” “isang dakong tatahanan ng Diyos sa espiritu.” (1Co 3:9; Efe 2:20-22) Ikinapit ni Jesus ang katuparan ng Awit 118:22 sa kaniyang sarili, na siya ang “bato” na itinakwil ng mga Judiong lider ng relihiyon at ng kanilang mga tagasunod, na “mga tagapagtayo” naman. (Mat 21:42; Luc 20:17; Gaw 4:11; 1Pe 2:7) Ang indibiduwal na mga miyembro ng kongregasyon ay tinutukoy bilang “mga batong buháy.” (1Pe 2:5) Ang niluwalhating kongregasyon, na kilala rin bilang ang kasintahang babae ni Jesu-Kristo, ay inilalarawan bilang isang lunsod, ang Bagong Jerusalem.​—Apo 21:2, 9-21.

Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig sa dalawang uri ng tagapagtayo, ang isa ay nagtayo ng kaniyang personalidad at paraan ng pamumuhay sa ibabaw ng batong-limpak ng pagkamasunurin kay Kristo at, dahil dito, nakatagal siya sa mga bagyo ng pagsalansang at kapighatian. Ang isa naman, palibhasa’y nagtayo sa buhanginan, ay hindi nakatagal nang dumating ang panggigipit. (Mat 7:24-27) Tinatalakay rin ng apostol na si Pablo, isang “tagapangasiwa ng mga gawain,” ang pagtatayo ng Kristiyanong mga personalidad sa iba. (1Co 3:10-15) Noong isang pagkakataon, sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Gibain ninyo ang templong ito, at sa tatlong araw ay itatayo ko ito.” (Ju 2:19) Inakala ng mga Judio na ang templo ni Herodes ang tinutukoy niya; ginamit nila ito laban sa kaniya noong nililitis siya, anupat sinabi ng mga sumaksi laban sa kaniya: “Narinig naming sinabi niya, ‘Ibabagsak ko ang templong ito na ginawa ng mga kamay at sa tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi ginawa ng mga kamay.’⁠” (Mar 14:58) Makasagisag na pananalita ang ginamit noon ni Jesus, anupat tinutukoy ang “templo ng kaniyang katawan.” Ipinapatay siya at noong ikatlong araw ay bumangon siyang muli. (Ju 2:21; Mat 16:21; Luc 24:7, 21, 46) Binuhay siyang muli ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, sa ibang katawan, anupat hindi sa isang katawan na ginawa ng mga kamay tulad ng templo ng Jerusalem, kundi sa isang katawang espiritu na ginawa (itinayo) ng kaniyang Ama. (Gaw 2:24; 1Pe 3:18) Hindi ito ang kaisa-isang pagkakataon na ikinapit sa katawan ng tao ang pagtatayo, sapagkat ganito ang sinabi hinggil sa paglalang kay Eva: “At ang tadyang na kinuha ng Diyos na Jehova mula sa lalaki ay ginawa (sa Ingles, build) niyang isang babae.”​—Gen 2:22.

Inihula ni Jesu-Kristo na sa “mga huling araw,” ang mga tao ay masasangkot sa mga gawain sa pagtatayo at sa iba pang mga aktibidad sa buhay, anupat hindi nila alintana ang tunay na kahulugan ng mga panahon, gaya ng kalagayan ng mga tao noong mga araw ni Lot, at na daratnan sila ng pagkapuksa nang hindi nila namamalayan samantalang abala sila sa mga aktibidad na ito.​—Luc 17:28-30; tingnan ang ARKITEKTURA; KUTA.