Tagapamahala
Isa na may awtoridad o kontrol; isang soberano. Ang pandiwang Hebreo na ma·shalʹ ay nangangahulugang “mamahala, magpuno”; ang terminong Griego naman na arʹkhon ay isinasalin bilang “tagapamahala.”—Tingnan ang TAGAPAMAHALA NG LUNSOD, MGA.
Ang Diyos na Jehova ang kataas-taasang Tagapamahala, na may ganap at soberanong awtoridad sa buong sansinukob, nakikita at di-nakikita, yamang siya ang Maylalang at Tagapagbigay-Buhay.—Dan 4:17, 25, 35; 1Ti 1:17.
Ang mga hari sa trono ng Israel mula sa linya ni David ay namahala bilang mga kinatawan ni Jehova, ang kanilang tunay at di-nakikitang Hari. Dahil dito, sinasabing sila ay mga pinahiran ng Diyos, anupat nakaupo sa “trono ni Jehova.” (1Cr 29:23) Nang dumating si Jesu-Kristo na “Anak ni David” (Mat 21:9; Luc 20:41), pinahiran siya, hindi ng langis, kundi ng banal na espiritu, upang mamahala sa isang makalangit na trono. (Gaw 2:34-36) Sa ilalim ni Jehova, si Jesus at ang kaniyang mga kapuwa tagapagmana ng Kaharian ang bumubuo ng pamahalaan ng sansinukob.—Apo 14:1, 4; 20:4, 6; 22:5.
Mga tagapamahala rin si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo. Tinutukoy siya bilang “tagapamahala ng sanlibutang ito” at “tagapamahala ng awtoridad ng hangin.” (Ju 12:31; 14:30; Efe 2:2) Nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan ang lahat ng pamahalaan ng sanlibutang ito at ipinahihiwatig iyan ng pag-aalok niya ng mga iyon kay Jesu-Kristo kapalit ng isang gawang pagsamba. (Mat 4:8, 9) Si Satanas ang nagbibigay ng awtoridad sa mga pamahalaang ito. (Apo 13:2) Sa loob ng kaniyang organisasyon ay may kapangyarihan ding mamahala ang mga demonyo. Tinutukoy sila bilang “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito” na nagkaroon ng awtoridad sa mga kapangyarihang pandaigdig ng kasaysayan, gaya halimbawa ng di-nakikitang ‘mga prinsipe’ ng Persia at Gresya. (Efe 6:12; Dan 10:13, 20) Sabihin pa, ang Diyablo mismo ang kanilang tagapamahala.—Mat 12:24.
Noong mga araw ng ministeryo ni Jesus sa lupa, ang Palestina ay nasa ilalim ng tambalang pamamahala ng Imperyo ng Roma at ng mga tagapamahalang Judio, ang pangunahing lupon ng huling nabanggit ay ang Dakilang Sanedrin, isang sanggunian na binubuo ng 70 matatanda na pinagkalooban ng pamahalaang Romano ng limitadong awtoridad sa mga gawain ng mga Judio. Ang mga tagapamahalang Judio ang tinutukoy sa Juan 7:26, 48; isa sa mga ito si Nicodemo. (Ju 3:1) Tinatawag na isang arʹkhon ang punong opisyal ng sinagoga. (Ihambing ang Mat 9:18 at Mar 5:22.) Iniutos ng Kautusan na igalang ang mga tagapamahala. (Gaw 23:5) Gayunman, naging tiwali ang mga tagapamahalang Judio at binabanggit na sila ang pangunahing dapat sisihin sa pagkamatay ni Jesu-Kristo.—Luc 23:13, 35; 24:20; Gaw 3:17; 13:27, 28.
Ikinakapit din sa mga mahistrado sibil at sa mga opisyal ng pamahalaan sa pangkalahatan ang terminong arʹkhon. (Gaw 16:19, 20; Ro 13:3) Ang salitang Hebreo naman na segha·nimʹ, isinasalin bilang “mga tagapamahala” (KJ), “mga kinatawan” (Ro), “mga kinatawang tagapamahala” (NW), ay ginagamit may kaugnayan sa nakabababang mga tagapamahalang Judio sa ilalim ng Imperyo ng Persia (Ne 2:16; 5:7), gayundin sa mga humawak ng awtoridad sa ilalim ng mga hari ng Media, Asirya, at Babilonya.—Jer 51:28; Eze 23:12, 23; tingnan ang KINATAWAN.
Ang mga tagapamahala ay maaaring magdulot ng kasaganaan at kaligayahan, o karalitaan at pagdurusa, sa kanilang mga nasasakupan. (Kaw 28:15; 29:2) Sinipi ni David ang sinabi ng Diyos na Jehova: “Kapag ang namamahala sa sangkatauhan ay matuwid, na namamahalang may pagkatakot sa Diyos, kung magkagayon ay gaya iyon ng liwanag sa kinaumagahan, kapag sumisikat ang araw, isang umaga na walang ulap.” (2Sa 23:3, 4) Ganitong uri ng tagapamahala si Jesu-Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan.—Isa 9:6, 7.