Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagapangasiwa

Tagapangasiwa

Ang salitang Hebreo para sa tagapangasiwa, pa·qidhʹ, ay hinalaw sa pandiwang pa·qadhʹ, nangangahulugang “magbaling ng pansin sa” (Gen 21:1), “dumalaw” (Huk 15:1), o “mag-atas” (Gen 39:5; Ezr 1:2). Sa katulad na paraan, ang salitang Griego para sa tagapangasiwa, e·piʹsko·pos, ay nauugnay sa pandiwang e·pi·sko·peʹo, nangangahulugang “maingat na magbantay” (Heb 12:15), at sa pangngalang e·pi·sko·peʹ, nangangahulugang “pagsisiyasat” (Luc 19:44Int; 1Pe 2:12), “katungkulan ng tagapangasiwa” (1Ti 3:1), o “katungkulan ng pangangasiwa” (Gaw 1:20). Apat na ulit na isinalin ng Griegong Septuagint ang salitang Hebreo na pa·qidhʹ bilang e·piʹsko·pos. (Huk 9:28; Ne 11:9, 14, 22) Samakatuwid, ang tagapangasiwa ay isa na nagbibigay-pansin sa partikular na mga bagay o mga tao, anupat dumadalaw, nagsisiyasat, at nag-aatas. Ang mapagsanggalang na pangangasiwa ay isang pangunahing ideya ng terminong Griego.

Mga Tagapangasiwa sa Hebreong Kasulatan. Pinayuhan ni Jose si Paraon na mag-atas ng mga tagapangasiwa sa lupain na mag-iimbak ng mga panustos sa panahon ng mga taon ng kasaganaan para sa dumarating na taggutom. (Gen 41:34-36) Sa ilalim ng kani-kanilang pinuno, ang bawat linya ng pamilya ng mga Levita ay may partikular na pananagutan sa pangangasiwa ng mga tungkulin sa tabernakulo. (Bil 3:24-26, 30, 31, 35-37) Si Eleazar, anak ni Aaron, ay ginawang “pinuno ng mga pinuno ng mga Levita” at humawak ng pangkalahatang pangangasiwa sa gusali ng tabernakulo at sa mga kagamitan nito. (Bil 3:32; 4:16) Maaari ring mag-atas ang mataas na saserdote ng mga tagapangasiwa para sa ilang paglilingkod sa santuwaryo. (2Ha 11:18) Ipinakikita ng 1 Cronica kabanata 23 hanggang 27 ang maraming iba’t ibang posisyon at kaayusan para sa pangangasiwa noong panahon ng paghahari ni David, may kaugnayan sa pagkasaserdote at sa maharlikang korte, pati ang mga bagay na pang-ekonomiya at pangmilitar.

Sa hula ni Isaias (60:17), inihahanay ang “mga tagapangasiwa” sa “mga tagapagbigay-atas,” yamang ang mga tagapangasiwa ay maaaring mag-atas ng trabaho sa iba at maaari ring mamahala at magbantay sa mga kapakanan niyaong mga tao o mga bagay na ipinagkatiwala sa kanila. Sa hulang ito, patiunang inilarawan ni Jehova ang panahon kapag “aatasan [niya] ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas,” isang hula na unang natupad nang isauli ang Israel mula sa pagkatapon ngunit mas lubusang nagkatotoo sa kongregasyong Kristiyano.

Mga Tagapangasiwa sa Kongregasyong Kristiyano. Ang Kristiyanong “mga tagapangasiwa” (e·piʹsko·poi) ay siya ring kinikilala bilang “matatandang lalaki” (pre·sbyʹte·roi) sa kongregasyon. Ang isang katibayan na iisang posisyon lamang sa kongregasyon ang tinutukoy ng dalawang terminong ito ay ang nangyari noong papuntahin ni Pablo sa Mileto “ang matatandang lalaki ng kongregasyon” ng Efeso upang makipagkita sa kaniya roon. Nang payuhan niya ang “matatandang lalaki” na ito, sinabi niya: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa [isang anyo ng e·piʹsko·poi], upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gaw 20:17, 28) Higit pa itong nilinaw ng apostol sa sulat niya kay Tito, kung saan tinalakay niya ang pag-aatas ng “matatandang lalaki sa bawat lunsod.” Maliwanag na upang tukuyin ang mga lalaking ito, ginamit niya ang terminong “tagapangasiwa” (e·piʹsko·pos). (Tit 1:5, 7) Samakatuwid, ang mga terminong ito ay kapuwa tumutukoy sa iisang posisyon, anupat ipinahihiwatig ng pre·sbyʹte·ros ang may-gulang na mga katangian ng isa na inatasan sa gayong katungkulan, at ipinahihiwatig naman ng e·piʹsko·pos ang mga tungkuling kaakibat ng pag-aatas na iyon.​—Tingnan ang MATANDANG LALAKI.

Walang itinakdang bilang ng mga tagapangasiwa para sa alinmang kongregasyon. Ang bilang ng mga tagapangasiwa ay depende sa bilang niyaong mga nagiging kuwalipikado at sinasang-ayunan bilang “matatandang lalaki” sa kongregasyong iyon. Maliwanag na mahigit sa isa ang tagapangasiwa sa nag-iisang kongregasyon ng Efeso. Gayundin, nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong taga-Filipos, tinukoy niya ang “mga tagapangasiwa” roon (Fil 1:1), anupat ipinahihiwatig nito na naglilingkod sila bilang isang lupon na nangangasiwa sa mga gawain ng kongregasyong iyon.

Ipinakikita ng pagsasaalang-alang sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na magkakapantay ang awtoridad ng mga tagapangasiwa, o matatandang lalaki, sa alinmang kongregasyon. Sa kaniyang mga liham sa mga kongregasyon, hindi tinukoy ni Pablo ang sinumang indibiduwal bilang ang tagapangasiwa, ni ipinatungkol man niya ang mga liham na ito sa kaninumang indibiduwal na nasa gayong katayuan. Ang liham sa mga taga-Filipos ay ipinatungkol “sa lahat ng mga banal na kaisa ni Kristo Jesus na nasa Filipos, kasama ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod.” (Fil 1:1) May kinalaman dito, sinabi ni Manuel Guerra y Gomez: “Tiyak na ang episcopos sa rekord ng liham sa mga taga-Filipos ay hindi nagpapahiwatig ng awtoridad na tulad ng sa isang monarka; sa halip, isa itong termino na tumutukoy sa maraming tao na maliwanag na magkakapantay ang awtoridad at may tungkuling pumatnubay at mamahala sa Kristiyanong komunidad sa lunsod na iyon ng Macedonia. Kasabay nito, ang mga diaconos, ayon sa pangkalahatang kahulugan ng salitang ito, ay mga katulong, mga ministro ng episcopos at sa katulad na paraan ay naglilingkod sa mga mananampalataya.”​—Episcopos y Presbyteros, Burgos, Espanya, 1962, p. 320.

Mga kuwalipikasyon ng isang tagapangasiwa, o matanda. Upang maabot ang katungkulan ng tagapangasiwa, kailangang matugunan ang sumusunod na mga kuwalipikasyon: “Ang tagapangasiwa kung gayon ay dapat na di-mapupulaan, asawa ng isang babae, katamtaman ang mga pag-uugali, matino ang pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, kuwalipikadong magturo, hindi lasenggong basag-ulero, hindi nambubugbog, kundi makatuwiran, hindi palaaway, hindi maibigin sa salapi, isang lalaking namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa mahusay na paraan, may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso; . . . hindi bagong kumberteng lalaki, . . . dapat din siyang magkaroon ng mainam na patotoo mula sa mga tao sa labas.”​—1Ti 3:1-7.

Gayundin, sa liham ni Pablo kay Tito, nang talakayin niya ang pag-aatas ng matatanda, sinabi niya na upang maging kuwalipikado ang isang lalaki sa gayong katungkulan, dapat itong “malaya sa akusasyon, asawa ng isang babae, na may nananampalatayang mga anak na hindi mapararatangan ng kabuktutan o di-masupil. Sapagkat ang isang tagapangasiwa ay dapat na malaya sa akusasyon bilang katiwala ng Diyos, hindi mapaggiit ng sarili, hindi magagalitin, hindi lasenggong basag-ulero, hindi nambubugbog, hindi sakim sa di-tapat na pakinabang, kundi mapagpatuloy, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, matapat, mapagpigil sa sarili, nanghahawakang mahigpit sa tapat na salita may kinalaman sa kaniyang sining ng pagtuturo, upang magawa niyang kapuwa magpayo sa pamamagitan ng turo na nakapagpapalusog at sumaway doon sa mga sumasalungat.” (Tit 1:5-9) Maliwanag na may mga pagkakaiba ang huling nabanggit na talaang ito ng mga kuwalipikasyon dahil isinaalang-alang dito ang pantanging mga pangangailangan ng mga kongregasyon sa Creta, kung saan naglilingkod noon si Tito.​—Tit 1:10-14.

Ang Kataas-taasang Tagapangasiwa. Maliwanag na sinipi ng 1 Pedro 2:25 ang Isaias 53:6 may kinalaman sa mga ‘tulad ng mga tupa na naligaw,’ at pagkatapos ay sinabi ni Pedro: “Ngunit ngayon ay nagbalik na kayo sa pastol at tagapangasiwa ng inyong mga kaluluwa.” Tiyak na ang Diyos na Jehova ang tinutukoy nito, yamang yaong mga sinulatan ni Pedro ay hindi naligaw mula kay Kristo Jesus kundi sa halip, sa pamamagitan niya ay naakay ang mga ito pabalik sa Diyos na Jehova, na Dakilang Pastol ng kaniyang bayan. (Aw 23:1; 80:1; Jer 23:3; Eze 34:12) Isa ring tagapangasiwa si Jehova, ang isa na nagsisiyasat. (Aw 17:3) Ang pagsisiyasat (sa Gr., e·pi·sko·peʹ) ay maaaring may kaugnayan sa kapahayagan ng kaniyang paghatol, gaya noong unang siglo C.E. sa kaso ng Jerusalem, na hindi nakaunawa sa panahon ng “pagsisiyasat [sa Gr., e·pi·sko·pesʹ]” sa kaniya. (Luc 19:44) O maaari itong magdulot ng kaayaayang epekto at mga pakinabang, gaya sa kaso niyaong mga lumuluwalhati sa Diyos sa araw ng “kaniyang pagsisiyasat [sa Gr., e·pi·sko·pesʹ].”​—1Pe 2:12.

“Mapakialam sa mga Bagay-bagay ng Ibang Tao.” Nagbabala ang apostol na si Pedro laban sa pagiging “isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.” (1Pe 4:15) Ang pananalitang ito ay salin ng salitang Griego na al·lo·tri·e·piʹsko·pos, na literal na nangangahulugang “tagapangasiwa ng pag-aari ng ibang tao.” Binibigyang-katuturan ni Francisco Zorell ang salitang ito bilang “isa na umaako ng tungkuling asikasuhin at ituwid ang mga bagay-bagay ng ibang tao, ang isa na may-kamangmangang nanghihimasok sa buhay-buhay ng ibang tao.”​—Lexicon Graecum Novi Testamenti, Paris, 1961, tud. 70.

[Kahon sa pahina 1240]

Mga Tagapangasiwa, o Matatandang Lalaki

Mga Ministeryal na Lingkod

1Ti 3:1-7

Tit 1:5-9

1Ti 3:8-10, 12, 13

di-mapupulaan

malaya sa akusasyon

malaya sa akusasyon

asawa ng isang babae

asawa ng isang babae

asawa ng isang babae

hindi lasenggong basag-ulero

hindi lasenggong basag-ulero

hindi mahilig sa maraming alak

hindi maibigin sa salapi

hindi sakim sa di-tapat na pakinabang

hindi sakim sa di-tapat na pakinabang

namumuno sa sambahayan sa mahusay na paraan, may mga anak na nagpapasakop

may nananampalatayang mga anak na hindi mapararatangan ng kabuktutan o di-masupil

namumuno sa mahusay na paraan sa mga anak at sa sariling sambahayan

hindi bagong kumberte

subok na karapat-dapat

matino ang pag-iisip

matino ang pag-iisip

mapagpatuloy

mapagpatuloy

kuwalipikadong magturo

nanghahawakan sa salita sa sining ng pagtuturo, may kakayahang magpayo at sumaway

hindi nambubugbog

hindi nambubugbog

makatuwiran

hindi mapaggiit ng sarili

hindi palaaway

hindi magagalitin