Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Taggutom

Taggutom

Matinding kakapusan sa pagkain; gayundin, kasalatan sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova, samakatuwid nga, espirituwal na taggutom. (Am 8:11) Isa sa mga salot na sasapit sa makasagisag na Babilonyang Dakila ay ang taggutom.​—Apo 18:8.

Mga Sanhi at Epekto ng Taggutom. Noong panahon ng Bibliya, kabilang sa karaniwang mga sanhi ng taggutom ang tagtuyot, mapaminsalang mga bagyo ng graniso (Exo 9:23-25), mga peste, pagkatuyot at pagkakaroon ng amag ng mga pananim, at digmaan. (Am 4:7-10; Hag 2:17) Ang mga balang, na kung minsa’y pagkarami-rami at pulu-pulutong kung dumating, ay partikular na kapaha-pahamak sa pananim. (Exo 10:15) Kung minsan naman, ang suliranin ay hindi ang kawalan ng ulan, kundi ang pag-ulan sa di-tamang kapanahunan, halimbawa’y sa panahon ng pag-aani ng trigo o sebada.​—Ihambing ang Lev 26:4; 1Sa 12:17, 18.

Natural lamang na makadama ng pansamantalang gutom, ngunit ang namamalaging gutom, halimbawa’y sanhi ng taggutom, ay lubhang nakapipinsala sa mental at pisikal na kalusugan. Nagdudulot ito ng kapansin-pansing pananamlay, paghina ng mga emosyon, at kawalan ng mental na kasiglahan. Pinangingibabawan ang isipan ng pagnanasa sa pagkain. (Ihambing ang Exo 16:3.) Bumababa ang mga pamantayang moral. (Ihambing ang Isa 8:21.) Maaaring makaapekto ang aktuwal na pagkagutom sa katinuan ng isang tao, anupat humahantong sa pagnanakaw, pagpatay, at maging sa kanibalismo. Kadalasan, ang taggutom ay may kaakibat na pagkakasakit at mga epidemya dahil sa humihinang kundisyon ng mga apektado nito.​—Ihambing ang Deu 32:24.

Sinaunang mga Taggutom. Ang kauna-unahang taggutom na tunay na makasaysayan ay yaong taggutom na nagtulak kay Abram (Abraham) na lisanin ang Canaan at manirahan sa Ehipto bilang dayuhan. (Gen 12:10) Noong mga araw naman ni Isaac, isa muling taggutom ang naganap, ngunit sinabihan siya ni Jehova na huwag pumaroon sa Ehipto. (Gen 26:1, 2) Maliwanag na ang pitong-taóng taggutom na sumapit sa Ehipto samantalang naglilingkod doon si Jose bilang punong ministro at administrador ng pagkain ay umabot sa ibayo pa ng mga hangganan ng Ehipto, sapagkat “ang mga tao sa buong lupa ay pumaroon sa Ehipto upang bumili [ng pagkain] kay Jose.”​—Gen 41:54-57.

Samantalang maingat na iniwasang banggitin sa mga inskripsiyong Ehipsiyo ang tungkol sa pakikipamayan ng Israel sa Ehipto, may sinaunang mga tekstong Ehipsiyo naman na naglalarawan sa mga yugto ng taggutom na dulot ng di-sapat na pagtaas ng Ilog Nilo. Inilalarawan ng isang teksto ang isang yugto kung kailan pitong taóng hindi gaanong tumaas ang tubig ng Nilo at ang ibinunga nitong taggutom. Ayon sa ulat, nang magwakas ang taggutom, may mga bahagi ng lupain na ipinagkaloob sa mga saserdote. Bagaman kinukuwestiyon kung ang dokumentong ito ay “isang panghuhuwad ng mga saserdote noong mas huling yugto, anupat upang ipagmatuwid ang pag-aangkin nila ng mga karapatan sa teritoryo,” sa paanuman ay masasalamin natin dito ang isang sali’t saling sabi hinggil sa isang yugto ng pitong taóng kasalatan.​—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 31.

Bago pumasok sa Lupang Pangako ang Israel, tiniyak sa kanila ni Jehova, sa pamamagitan ni Moises, na magkakaroon sila ng saganang pagkain kung patuloy silang maglilingkod sa Kaniya nang may katapatan. (Deu 28:11, 12) Gayunman, isa sa nakatatakot na mga resulta na sasapit sa Israel dahil sa kanilang kawalang-katapatan ay ang taggutom. (Deu 28:23, 38-42) Isang taggutom noong mga araw ng mga Hukom ang nag-udyok sa asawa ni Noemi na si Elimelec ng Betlehem na manirahang kasama ng kaniyang pamilya bilang dayuhan sa Moab. (Ru 1:1, 2) Noong mga araw ni David, nagpasapit si Jehova ng tatlong-taóng taggutom sa lupain ng Israel dahil sa pagkakasala sa dugo na ipinataw sa sambahayan ni Saul may kaugnayan sa mga Gibeonita. (2Sa 21:1-6) Bilang sagot sa panalangin ni Elias, isang tatlo-at-kalahating-taóng tagtuyot na nagdulot ng matinding taggutom ang sumapit sa di-tapat na Israel. (San 5:17; 1Ha 17) Bukod sa pangkalahatang mga taggutom noong mga araw ni Eliseo, nagkaroon din ng taggutom nang kubkubin ng mga Siryano ang Samaria, anupat noong panahong iyon ay may napaulat na isang kaso ng kanibalismo.​—2Ha 4:38; 8:1; 6:24-29.

Bagaman nagbabala ang mga propeta ng Diyos na ang pag-aapostata ay magdudulot ng kamatayan sa pamamagitan ng taggutom, salot at tabak, mas pinili ng di-tapat na mga Judeano na makinig sa kanilang mga bulaang propeta, na tumiyak sa kanila na walang darating na gayong kapahamakan. (Jer 14:11-18; Eze 5:12-17) Gayunman, nagkatotoo ang mga salita ng mga propeta ng Diyos. Gayon na lamang katindi ang naging taggutom sa Jerusalem noong panahong kubkubin ito ng mga Babilonyo (609-607 B.C.E.) anupat pinakuluan at kinain ng mga babae ang kanilang sariling mga anak.​—Pan 4:1-10; 5:10; 2Ha 25:1-3; Jer 52:4-6; ihambing ang Deu 28:51-53.

Sa pamamagitan ng propetang si Joel, patiunang binabalaan ni Jehova ang Israel hinggil sa isang napakalubhang salot ng mga insekto na wawasak sa lupain at magdudulot ng matinding taggutom bago dumating “ang araw ni Jehova.”​—Joe 1.

Pagkaraan ng ilang siglo, inihula ni Jesus ang mga kakapusan sa pagkain bilang isa sa mga pagkakakilanlan ng katapusan ng “sistema ng mga bagay.” (Mat 24:3, 7; ihambing ang Apo 6:5, 6.) Gaya ng patiunang ipinabatid ni Agabo na isang propetang Kristiyano, talagang nagkaroon ng isang malaking taggutom noong panahon ni Emperador Claudio (41-54 C.E.). (Gaw 11:28) Ilang taon bago nito, noong taóng 42 C.E., sinalanta ng isang matinding taggutom ang Ehipto, kung saan naninirahan ang maraming Judio. At “malaking pangangailangan” naman ang sumapit sa Judea at Jerusalem nang kubkubin ng mga hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Tito ang Jerusalem at tuluyan itong wasakin noong 70 C.E. (Luc 21:23) Isinasalaysay ni Josephus ang kahila-hilakbot na mga kalagayan ng pagkagutom sa lunsod, anupat ang mga tao roon ay napilitang kumain ng katad, damo at dayami, at sa isang kaso, inihaw at kinain pa nga ng isang ina ang kaniyang anak. (The Jewish War, VI, 193-213 [iii, 3, 4]) Gayunman, noong inihuhula ni Jesus ang ganitong mga kakapusan sa pagkain, ipinahiwatig niya na hindi lamang mga pangyayari bago ang pagkawasak ng Jerusalem ang nasa isip niya kundi pati yaong magaganap kapag dumating na ang panahon upang ang Anak ng tao ay bumalik na nasa kaluwalhatian ng kaniyang Kaharian.​—Luc 21:11, 27, 31; ihambing ang Apo 6:5, 6.

Paglaya Mula sa Taggutom. Tinitiyak ni Kristo Jesus na sasagutin ng Diyos ang panalangin ng tapat na mga lingkod ukol sa pang-araw-araw nilang pagkain at na paglalaanan yaong mga nag-uuna ng Kaharian ng Diyos. (Mat 6:11, 33; ihambing ang Aw 33:19; 37:19, 25.) Ngunit, dahil sa pagsalansang at pag-uusig, ipinakita ni Jesus na may mga panahong maaaring dumanas ng gutom ang kaniyang mga lingkod. (Mat 25:35, 37, 40) Halimbawa, isinalaysay mismo ng apostol na si Pablo na maraming ulit siyang dumanas kapuwa ng gutom at uhaw samantalang nakikibahagi siya sa ministeryo sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. (1Co 4:11-13; 2Co 11:27; Fil 4:12) Gayunman, nagpahayag siya ng pagtitiwala na hindi kailanman maihihiwalay ng pisikal na gutom ang tapat na mga lingkod ng Diyos mula sa umaalalay na lakas ng pag-ibig ng Diyos.​—Ro 8:35, 38, 39; ihambing sa Luc 6:25.

Yaong mga may wastong pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran at katotohanan ay laging bubusugin sa espirituwal. (Mat 5:6; Ju 6:35) Kasama rito yaong mga kabilang sa “malaking pulutong” na may pag-asang makaligtas sa “malaking kapighatian” at na tungkol sa kanila ay isinulat na “hindi na sila magugutom ni mauuhaw pa man.” (Apo 7:9, 13-17) At sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos ay magkakaroon din ng kasaganaan upang sapatan naman ang pisikal na gutom ng buong sangkatauhan.​—Aw 72:16; Isa 25:6.