Talukbong sa Ulo
[sa Ingles, head covering].
Bukod sa pagiging bahagi ng pananamit, ang talukbong sa ulo ay may espirituwal na kahulugan para sa mga lingkod ng Diyos kung tungkol sa pagkaulo at pagpapasakop. Inilahad ng apostol na si Pablo ang simulain ng itinalaga-ng-Diyos na pagkaulo na sinusunod sa kongregasyong Kristiyano, sa pagsasabing: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1Co 11:3) Itinawag-pansin ni Pablo na ang talukbong sa ulo ay isang “tanda ng awtoridad” na dapat ilagay ng babae sa kaniyang sarili bilang pagkilala sa pagkaulo ng lalaki, anupat nagpapasakop sa wastong teokratikong awtoridad, kapag siya’y nananalangin o nanghuhula sa kongregasyon.—1Co 11:4-6, 10.
Kabaligtaran nito, ipinaliwanag ng apostol na ang lalaki ay hindi dapat maglagay ng talukbong sa ulo kapag nangunguna siya sa harap ng kongregasyon, halimbawa, kapag siya’y nananalangin o nanghuhula. Ito ang kaniyang takdang posisyon sa ilalim ng kaayusan ng Diyos. Kung ang lalaki ay maglalagay ng talukbong sa ulo sa ganitong mga kalagayan, magdudulot ito ng kahihiyan sa kaniyang sariling ulo. Magpapahiwatig din ito ng kawalang-galang kay Jesu-Kristo bilang kaniyang ulo, at gayundin sa Kataas-taasang Ulo, ang Diyos na Jehova, sapagkat ang lalaki ay “larawan at kaluwalhatian ng Diyos,” anupat noong pasimula, ginawa siya upang magsilbing kinatawan ng Diyos sa lupa. Hindi niya dapat palabuin ang katotohanang ito sa pamamagitan ng paglalagay ng talukbong sa ulo. Unang nilalang ang lalaki, bago ang babae; ang babae ay “nagmula sa lalaki” at nilalang “alang-alang sa lalaki.” Ang mga katangian ng babae ay kapahayagan ng karangalan at dignidad ng lalaki, kung paanong ipinababanaag naman ng mga katangian ng lalaki ang karangalan at dignidad ng Diyos. Kaya naman dapat ay malugod na kilalanin ng babaing Kristiyano ang kaniyang nakabababang posisyon sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kahinhinan at pagpapasakop, at dapat siyang maging handa na ipakita ito sa pamamagitan ng paglalagay ng talukbong o ng iba pang materyal bilang pantakip sa ulo. Hindi niya dapat tangkaing agawin ang posisyon ng lalaki, kundi sa halip, dapat niyang itaguyod ang pagkaulo nito.—1Co 11:4, 7-10.
Itinawag-pansin ni Pablo ang likas na mahabang buhok ng mga babae na nasa kongregasyong sinulatan niya bilang isang patuluyang paalaala mula sa Diyos na ang babae ay likas na sakop ng lalaki. Samakatuwid, dapat itong kilalanin ng babae kapag ginagampanan niya ang mga tungkulin sa loob ng kongregasyong Kristiyano na karaniwang nauukol sa lalaki, at dapat siyang maglagay ng isang uri ng talukbong sa ulo bukod pa sa kaniyang buhok na karaniwang taglay niya. Sa gayong paraan, ipinamamalas niya na tinatanggap niya ang itinalaga-ng-Diyos na simulain ng pagkaulo at na kinikilala niyang may pagkakaiba ang kaniyang karaniwang pang-araw-araw na mga gawain at ang pagganap ng pantanging mga tungkulin sa kongregasyon, halimbawa, kapag walang kuwalipikadong miyembrong lalaki na naroroon, o kapag nagtuturo siya sa isang indibiduwal sa isang pormal na sesyon ng pag-aaral sa Bibliya samantalang naroroon ang kaniyang asawang lalaki o isang lalaking miyembro ng kongregasyon.—1Co 11:11-15.
Bilang isang mapuwersang dahilan kung bakit dapat sundin ng kongregasyon ng Diyos ang kaayusang ito, tinukoy ng apostol ang mga anghel ng Diyos, na “isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan.” (Heb 1:13, 14) Ang makapangyarihang mga espiritung personang ito ay interesado sa mga Kristiyano at ikinababahala nila ang pag-iingat ng mga Kristiyano ng kanilang mga dako sa loob ng kaayusan ng Diyos upang mapanatili ang teokratikong kaayusan at dalisay na pagsamba sa harap ng Diyos.—1Co 11:10.
Higit na mauunawaan kung bakit kailangan ng kongregasyon sa sinaunang Corinto ang payong ito kung isasaalang-alang natin na noon, karaniwang kaugalian na ang mga babae ay laging nakatalukbong kapag nasa publiko. Mga babaing may mahahalay na moral lamang ang hindi nagtatalukbong. At maliwanag na sinusunod noon ng paganong mga babaing saserdote sa mga templo ang kaugaliang mag-alis ng kanilang mga talukbong at hayaang nakalugay ang kanilang magulong buhok kapag nag-aangking sila’y nasa ilalim ng pagkasi ng Diyos. Kung susundin ang gayong kaugalian sa kongregasyong Kristiyano, ito ay magiging kadusta-dusta at isang paghamak sa kaayusan ng Diyos na Jehova hinggil sa pagkaulo at pagpapasakop. Tinapos ni Pablo ang kaniyang argumento sa pagsasabi na kung ang sinuman ay nakikipagtalo dahil sa anumang kaugalian liban pa sa inilahad ni Pablo, dapat pa ring sundin ng kongregasyon ang payo ng apostol may kinalaman sa paglalagay ng talukbong sa ulo. Dahil dito, ang tagubiling ito ay kumakapit sa kongregasyong Kristiyano sa lahat ng panahon at lugar.—1Co 11:16.
Bukod sa paglalagay ng panakip sa ulo bilang bahagi ng kanilang kasuutan, nagtatakip din ng ulo ang mga Hebreo noong sinaunang panahon bilang palatandaan ng pagdadalamhati. (2Sa 15:30; Jer 14:3) Ipinamamalas din ng mga babae noon ang kanilang kahinhinan sa ganitong paraan. Noong sasalubungin na ni Rebeka si Isaac, “kumuha siya ng pandong at nagtakip ng kaniyang sarili,” maliwanag na bilang sagisag ng kaniyang pagpapasakop kay Isaac na magiging asawa niya.—Gen 24:65; tingnan ang PAGKAULO; PUTONG, PANAKIP SA ULO.