Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tambo

Tambo

[sa Heb., qa·nehʹ; sa Gr., kaʹla·mos; sa Ingles, reed].

Maliwanag na saklaw ng mga terminong ito ang maraming halamang tulad-tambo na karaniwang tumutubo sa matubig na mga lugar. (Job 40:21; Aw 68:30; Isa 19:6; 35:7; tingnan ang KALAMO, KANIA.) Naniniwala ang ilang iskolar na sa maraming kaso, ang “tambo” na tinutukoy ay ang Arundo donax. Ang halamang ito ay pangkaraniwan sa Ehipto, Palestina, at Sirya. Ang tangkay nito, na sa dulo ay may isang malaking bungkos ng mga puting bulaklak, ay may diyametro na 5 hanggang 8 sentimetro (2 hanggang 3 pulgada) sa pinakapuno at tumataas nang 2.5 hanggang 5.5 m (8 hanggang 18 piye). Ang mga dahon nito ay may haba na mula sa 30 hanggang 90 sentimetro (1 hanggang 3 piye). Ang karaniwang tambo (Phragmites australis) ay matatagpuan din sa mga latian at sa mga pampang ng mga ilog sa Israel. Isa itong madahong damo na may taas na 1.5 hanggang 5 m (5 hanggang 16 na piye) at may buhaghag na mga kumpol ng mga bulaklak sa dulo ng matigas at makinis na mga tangkay nito.

Bilang panlilibak, nilagyan ng mga kawal na Romano ng isang tambo, kumakatawan ang isang maharlikang setro, sa kanang kamay ni Jesus at nang maglaon ay ipinanghampas nila ito sa kaniya. Gayundin, isang tambo ang ginamit upang ilapit sa nakabayubay na si Jesus ang isang espongha na binasâ ng maasim na alak.​—Mat 27:29, 30, 48; Ju 19:29; tingnan ang ISOPO.

Ginamit din noon ang tambo bilang panukat. Binabanggit ng aklat ng Ezekiel (40:5) na ang isang panukat na tambo ay may haba na 6 na siko. Kaya ang isang tambo na ibinatay sa karaniwang siko ay may sukat na 2.67 m (8.75 piye), at ang isa naman na ibinatay sa mahabang siko ay may sukat na 3.11 m (10.2 piye).​—Apo 11:1; 21:15, 16; tingnan ang PANIMBANG AT PANUKAT, MGA.

Makasagisag na Paggamit. Ang “tambo” ay ginamit sa Bibliya upang lumarawan sa kawalang-katatagan at pagiging mahina. (1Ha 14:15; Eze 29:6, 7) Ang Ehipto ay inihambing sa lamog na tambo, anupat ang matatalas at matutulis na salubsob nito ay bumabaon sa palad ng sinumang sumasandal dito. (2Ha 18:21; Isa 36:6) May kinalaman kay Juan na Tagapagbautismo, si Jesus ay nagsabi: “Ano ang inyong nilabas sa ilang upang makita? Isang tambo na inuuguy-ugoy ng hangin?” (Mat 11:7) Maaaring nilayon ng mga salitang ito na ipakitang si Juan na Tagapagbautismo ay hindi isang tao na urong-sulong o pabagu-bago kundi isa na matibay, matatag, at matuwid. Sa Mateo 12:20 (Isa 42:3), ang “bugbog na tambo” ay waring kumakatawan sa mga taong nasisiil gaya ng lalaki na may tuyot na kamay na pinagaling ni Jesus noong Sabbath.​—Mat 12:10-14; tingnan ang Mat 23:4; Mar 6:34.