Tamburin
Isang panugtog na pinupukpok at ginagamit na mula pa noong panahon ng mga patriyarka. Ang salitang Hebreo na toph ay isinasalin din bilang “timbrel,” “tambour,” at “tabret.” (Gen 31:27, Kx, Da, AS) Ang lahat ng mga saling ito ay pangunahin nang lumalarawan sa iisang panugtog—isang maliit na tambol na pangkamay, yari sa balat ng hayop o pergamino na iniunat sa isa o sa magkabilang panig ng isang balangkas na kahoy o metal, anupat malamang na mga 25 sentimetro (10 pulgada) ang diyametro. Dahil ginagamit ito sa mga kapistahan, maaaring ang ilang modelo nito ay may mga piraso ng metal, marahil ay mga kalansing, na nakakabit sa mga gilid at maaaring tinutugtog ang mga ito na gaya ng isang makabagong tamburin. Malamang na ang hitsura at gamit ng ibang mga uri nito ay gaya ng sa tom-tom, anupat pinupukpok ng dalawang kamay.
Bagaman hindi binabanggit ang tamburin may kaugnayan sa pagsamba sa templo, ginamit ito kapuwa ng mga lalaki at mga babae sa pagpuri kay Jehova at sa iba pang maliligayang okasyon gaya ng mga piging at mga kasalan. (1Sa 10:5; 2Sa 6:5; Aw 150:4; Isa 5:12) Partikular nang ginagamit ng mga babae ang mga tamburin upang saliwan ang kanilang sarili sa pag-awit at sa pagsasayaw. (Exo 15:20; Huk 11:34; 1Sa 18:6) Iniuugnay rin ang tamburin sa magiging kagalakan ng Israel kapag dumating na ang panahon ng pagsasauli sa kaniya.—Jer 31:4.