Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tandang

Tandang

[sa Gr., a·leʹktor; sa Ingles, cock].

Isang lalaking manok. Dahil sa malawakang pag-aalaga ng mga manok (Gallus domesticus), ang matikas na anyo ng tandang ay isang pangkaraniwan at pamilyar na tanawin. Matitingkad ang kulay ng mga balahibo nito at ang mahahabang balahibo nito sa buntot ay nakaarko sa kaniyang likuran. Mayroon itong mapula at alun-along palong sa tuktok ng kaniyang ulo at dalawang katulad na lamad na nakalaylay naman sa ilalim ng tuka at lalamunan nito.

Ang tandang ay hindi binanggit sa Hebreong Kasulatan at binanggit lamang sa Kristiyanong Griegong Kasulatan may kaugnayan sa pagtilaok nito. (Tingnan ang PAGTILAOK NG MANOK.) Ang pinakamalimit na pagtukoy rito ay sa hula ni Jesus tungkol sa pagkakaila ni Pedro sa kaniya, na natupad noong gabi bago mamatay si Jesus at isinalaysay ng apat na manunulat ng mga ulat ng Ebanghelyo.​—Mat 26:34, 74, 75; Mar 14:30, 72; Luc 22:34, 60, 61; Ju 13:38; 18:27.

Bagaman ipinagbawal ng Judiong Mishnah (Bava Kamma 7:7) sa mga Judio ang pag-aalaga ng mga ibon dahil sa posibilidad na magdulot ang mga ito ng karungisan sa seremonyal na paraan, ipinahihiwatig ng mga impormasyong rabiniko na may mga alagang ibon ang mga Judio gaya rin ng mga Romano. Malapit sa Mizpa, natagpuan ang isang pantatak na onix na may larawan ng isang tandang at inskripsiyong “kay Jaazanias, lingkod ng hari.” Kung ang Jaazanias (Jezanias) na ito ay yaong binanggit sa 2 Hari 25:23 at Jeremias 40:8, gaya ng iminumungkahi ng ilan, ipinahihiwatig nito na inaalagaan na ang mga tandang sa Israel noong ikapitong siglo B.C.E. May natagpuan ding larawan ng isang tandang sa isang bibinga ng palayok na nahukay sa sinaunang Gibeon.

Ginamit ni Jesus sa kaniyang mga ilustrasyon ang inahing manok, pati ang mga sisiw nito, at ang itlog. Ipinahihiwatig nito na kilalang-kilala ng kaniyang mga tagapakinig ang mga alagang ibon na ito.​—Mat 23:37; Luc 11:12; 13:34; tingnan ang INAHING MANOK.