Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tansong Serpiyente

Tansong Serpiyente

Ang tansong pigura o wangis ng serpiyente na ginawa ni Moises noong naglalakbay ang Israel sa ilang. Nang malapit na sila sa hanggahan ng Edom, ang bayan ay nagpakita ng mapaghimagsik na espiritu at nagreklamo tungkol sa makahimalang paglalaan ng manna at sa suplay ng tubig. Kaya naman pinarusahan sila ni Jehova sa pamamagitan ng pagsusugo ng makamandag na mga serpiyente sa gitna nila, at maraming tao ang namatay sa mga kagat ng serpiyente. Pagkatapos magpakita ng pagsisisi ang bayan at mamagitan si Moises para sa kanila, sinabihan siya ni Jehova na gumawa ng wangis ng isang serpiyente at ilagay iyon sa isang posteng pananda. Tumalima si Moises, at “nangyari nga na kapag nakagat ng serpiyente ang isang tao at tumitig siya sa tansong serpiyente, siya ay nananatiling buháy.”​—Bil 21:4-9; 1Co 10:9.

Hindi binanggit ng Kasulatan kung anong uri ng makamandag na serpiyente ang isinugo ni Jehova sa gitna ng bayan. Sa Bilang 21:6, ang pananalitang Hebreo para sa “makamandag na mga serpiyente” (han·necha·shimʹ has·sera·phimʹ) ay maaaring tumukoy sa “malaapoy na mga serpiyente.” Marahil ay dahil ito sa hapdi o pamamaga na dulot ng kanilang lason.

Iningatan ng mga Israelita ang tansong serpiyente at nang maglaon ay sinimulan nila itong sambahin, anupat gumawa sila ng haing usok para roon. Kaya naman, bilang bahagi ng mga reporma sa relihiyon na isinagawa ng Judeanong si Haring Hezekias (745-717 B.C.E.), pinagdurug-durog niya ang mahigit sa 700-taóng-gulang na tansong serpiyente dahil ginawa itong idolo ng mga tao. Ayon sa tekstong Hebreo, ang ulat sa 2 Hari 18:4 ay literal na kababasahan, “pinasimulan niya (ng isa) na tawagin itong Nehustan.” Sa ilang bersiyon ay hindi isinalin ang salitang “Nehustan.” (AT; Ro; RS) Sa leksikon nina Koehler at Baumgartner, ang mga iminumungkahing kahulugan ng terminong Hebreo na nechush·tanʹ ay “bronseng serpiyente” at “serpiyenteng idolo na bronse.” (Hebräisches und Aramäisches Lexikon zum Alten Testament, Leiden, 1983, p. 653) Angkop ang pagkakasabi ng Bagong Sanlibutang Salin na ang tansong serpiyente ay “dating tinatawag na tansong serpiyenteng idolo.”

Ipinaliwanag ni Jesu-Kristo ang makahulang kahulugan ng nangyari sa ilang may kinalaman sa tansong serpiyente nang sabihin niya kay Nicodemo: “Isa pa, walang taong umakyat sa langit maliban sa kaniya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao. At kung paanong itinaas ni Moises ang serpiyente sa ilang, gayundin kinakailangang itaas ang Anak ng tao, upang ang bawat isa na naniniwala sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Ju 3:13-15) Tulad ng tansong serpiyente na inilagay ni Moises sa isang poste sa ilang, ang Anak ng Diyos ay ibinayubay o ibinitin sa isang tulos, at sa marami ay nagtinging isang manggagawa ng kasamaan at isang makasalanan, anupat tulad ng isang ahas, na nasa kalagayan ng isang isinumpa. (Deu 21:22, 23; Gal 3:13; 1Pe 2:24) Sa ilang, maliwanag na ang taong kinagat ng isa sa makamandag na mga serpiyenteng isinugo ni Jehova sa gitna ng mga Israelita ay kailangang tumitig sa tansong serpiyente taglay ang pananampalataya. Sa katulad na paraan, upang magtamo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo, ang isa’y kailangang manampalataya sa kaniya.