Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Taon

Taon

Ang pangunahing salitang Hebreo para sa “taon,” sha·nahʹ, ay nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang “ulitin; muling gawin” at, gaya ng katumbas nito sa Griego na e·ni·au·tosʹ, may ideya ito ng isang siklo ng panahon. Sa lupa, ang pag-ulit ng mga kapanahunan ang malinaw na nagtatakda sa pagtatapos ng taunang mga yugto; ang mga kapanahunan naman ay inuugitan ng mga pag-ikot ng lupa sa palibot ng araw. Samakatuwid, naglaan ang Maylalang ng paraan upang masukat ang panahon ayon sa mga taon sa pamamagitan ng paglalagay sa lupa sa isang takdang orbit, anupat ang axis ng lupa ay nakaanggulo nang patagilid may kaugnayan sa nilalakbayan nitong plane sa palibot ng araw. Sa pamamagitan naman ng regular na mga pagbabagong-hugis ng buwan, nagiging maalwan ang paghahati-hati sa taon sa mas maiikling yugto. Ang mga katotohanang ito ay ipinahihiwatig sa maagang bahagi ng rekord ng Bibliya.​—Gen 1:14-16; 8:22.

Mula pa noong una, ginamit na ng tao ang bigay-Diyos na mga tagapagpahiwatig na ito ng panahon, anupat sinusukat ang panahon ayon sa mga taon na nahahati naman sa mga buwan. (Gen 5:1-32) Ang karamihan sa sinaunang mga tao ay gumamit ng isang taóng may 12 buwang lunar. Ang karaniwang taóng lunar ay may 354 na araw, anupat ang mga buwan ay may 29 o 30 araw, depende sa paglitaw ng bawat bagong buwan [new moon]. Kaya, kulang ito ng mga 111⁄4 na araw kung ihahambing sa tunay na taóng solar na may 3651⁄4 na araw (365 araw 5 oras 48 minuto at 46 na segundo).

Noong Panahon ni Noe. Nagkaroon tayo ng unang rekord tungkol sa sinaunang pagtaya sa haba ng taon noong panahon ni Noe. Maliwanag na hinati niya ang taon sa 12 buwan na tig-30 araw. Sa Genesis 7:1124 at 8:3-5, ipinakikita sa “rekord” na iningatan ni Noe na ang 150 araw ay katumbas ng limang buwan. Sa ulat na ito, ang ikalawa, ikapito, at ikasampung mga buwan ng taon ng Baha ay tuwirang binabanggit. Pagkatapos nito, kasunod ng ikasampung buwan at ng unang araw nito, naganap ang isang yugto na 40 araw, gayundin ang dalawang yugto na tig-7 araw, o isang kabuuan na 54 na araw. (Gen 8:5-12) Mayroon ding di-matiyak na panahon sa pagitan ng pagpapalipad ng uwak at ng unang pagpapalipad ng kalapati. (Gen 8:6-8) Gayundin, ipinahihiwatig sa Genesis 8:12 ang isa pang di-matiyak na yugto na kasunod ng ikatlo at huling pagpapalipad ng kalapati. Sa sumunod na talata, masusumpungan naman natin ang pagbanggit sa unang araw ng unang buwan ng kasunod na taon. (Gen 8:13) Hindi isinisiwalat kung anong pamamaraan ang ginamit ni Noe o niyaong mga nauna sa kaniya upang ang isang taon na binubuo ng tig-30-araw na mga buwan ay maitugma sa taóng solar.

Sa Ehipto at Babilonya. Sa sinaunang Ehipto, ang taon ay binubuo ng 12 buwan na tig-30 araw, at upang ang taóng iyon ay maibagay sa taóng solar, limang araw ang idinaragdag taun-taon. Sa kabilang dako, ang mga Babilonyo ay gumamit ng taóng lunar ngunit sa partikular na mga taon ay nagdagdag sila ng ika-13 buwan, na tinatawag na Veadar, upang maisabay pa rin sa mga buwan ang mga kapanahunan na karaniwan nang katumbas ng mga ito. Ang gayong taon ay tinatawag na taóng lunisolar at maliwanag na minsan, ito ay mas maikli o mas mahaba kaysa sa tunay na taóng solar, depende sa kung ang taóng lunar ay may 12 o 13 buwan.

Ang Metonic Cycle. Nang maglaon, sinimulan ang isang sistema ng pagdaragdag ng isang buwang intercalary [isinisingit], o ika-13 buwan, pitong beses sa bawat 19 na taon, anupat ang kabuuang haba ng mga taon ay nagiging katulad na katulad ng 19 na tunay na taóng solar. Ang siklong ito ay tinawag na Metonic cycle na isinunod sa pangalan ng Griegong matematiko na si Meton na nabuhay noong ikalimang siglo B.C.E.

Sa mga Hebreo. Hindi sinasabi ng Bibliya kung ito nga ba ang sistemang orihinal na ginamit ng mga Hebreo upang maitugma ang kanilang taóng lunar sa taóng solar. Yamang ang nakaulat na mga pangalan ng kanilang mga buwang lunar ay mga pangalan ng kapanahunan, ipinakikita nito na gumawa sila ng gayong pagtutugma. Makalawang ulit sa isang taon, ang sentro ng araw ay bumabagtas sa ekwador, at sa mga panahong iyon, sa lahat ng dako ng daigdig ay nagiging magkasinghaba ang araw at gabi (humigit-kumulang 12 oras na araw at 12 oras na gabi). Ang dalawang panahong ito ay tinatawag na vernal,spring, equinox at autumnal,fall, equinox. Nagaganap ang mga ito sa bandang Marso 21 at Setyembre 23 ng bawat taon ng ating kasalukuyang kalendaryo. Ang mga kaganapang ito na nauugnay sa equinox ay makatuwirang nakapaglalaan ng paraan upang matukoy kung kailan labis na nauuna ang mga buwang lunar sa kaugnay na mga kapanahunan at sa gayon ay nagsisilbing giya sa paggawa ng kinakailangang mga pagbabago sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isang buwang intercalary.

Ang sinaunang pagbilang ng mga taon ay sumasaklaw mula sa taglagas hanggang sa sumunod na taglagas, anupat ang unang buwan ay nagsisimula sa bandang kalagitnaan ng ating kasalukuyang buwan ng Setyembre. Tumutugma ito sa tradisyong Judio na ang paglalang sa tao ay naganap sa taglagas. Yamang naglalaan ng rekord ang Bibliya tungkol sa edad ni Adan ayon sa mga taon (Gen 5:3-5), makatuwirang isipin na nagsimula ang pagbilang sa panahon ng kaniyang pagkalalang, at kung naganap nga ito sa taglagas, ipaliliwanag nito sa paanuman kung bakit sa sinaunang kaugalian ay pinasisimulan ang bagong taon sa gayong panahon. Gayunman, karagdagan pa, ang taóng ito ay partikular na magiging angkop sa agrikultural na buhay ng mga tao noon, lalo na sa bahaging iyon ng lupa kung saan naroroon ang karamihan ng mga tao bago ang Baha at maaga pagkaraan ng Baha. Nagtatapos ang taon sa panahon ng huling pag-aani at nagsisimula naman sa pag-aararo at paghahasik sa bandang unang bahagi ng ating buwan ng Oktubre.

Sagradong taon at sekular na taon. Binago ng Diyos ang pasimula ng taon para sa bansang Israel noong panahon ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto, anupat iniutos niya na dapat itong simulan sa buwan ng Abib, o Nisan, sa tagsibol. (Exo 12:1-14; 23:15) Gayunman, ang taglagas ng taon ang patuloy na nagtakda sa pagsisimula ng kanilang sekular o agrikultural na taon. Kaya sa Exodo 23:16, ang Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani, na nagaganap sa taglagas sa buwan ng Etanim, ang ikapitong buwan sa sagradong kalendaryo, ay binabanggit na idinaraos sa “pagtatapos ng taon” at sa Exodo 34:22 naman ay sa “pagpihit ng taon.” Gayundin, ipinakikita ng mga tagubilin may kinalaman sa mga taon ng Jubileo na nagsisimula ang mga ito sa taglagas na buwan ng Etanim.​—Lev 25:8-18.

Sinasabi ng Judiong istoryador na si Josephus (na nabuhay noong unang siglo C.E.) na ang sagradong taon (na nagsisimula sa tagsibol) ay ginamit noon may kaugnayan sa mga relihiyosong pagdiriwang ngunit ang orihinal na sekular na taon (na nagsisimula sa taglagas) ay patuloy na ginamit may kaugnayan naman sa pagtitinda, pagbibili, at iba pang pangkaraniwang mga gawain. (Jewish Antiquities, I, 81 [iii, 3]) Ang ganitong doblihang sistema ng sagrado at sekular na taon ay lalo nang naging prominente noong yugto pagkaraan ng pagkatapon matapos palayain ang mga Judio mula sa Babilonya. Ang unang araw ng Nisan, o Abib, ang nagtakda sa pasimula ng sagradong taon, at ang unang araw naman ng Tisri, o Etanim, ang nagtakda sa pasimula ng sekular na taon. Sa bawat kaso, ang unang buwan ng isang kalendaryo ang naging ikapitong buwan naman ng isa pang kalendaryo.​—Tingnan ang KALENDARYO.

Ang pagtutugma ng kalendaryo sa mga kapistahan. Ang mga pangunahing pitak ng bawat taon ay ang tatlong malalaking kapanahunan ng kapistahan na iniutos ng Diyos na Jehova: Ang Paskuwa (na sinusundan ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa) tuwing Nisan 14; Ang Kapistahan ng mga Sanlinggo, o Pentecostes, tuwing Sivan 6; at ang Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani (na kasunod ng Araw ng Pagbabayad-Sala) tuwing Etanim 15-21. Ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay kasabay ng pag-aani ng sebada, ang Pentecostes naman ay kasabay ng pag-aani ng trigo, at ang Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani ay kasabay ng pangkalahatang pag-aani sa pagtatapos ng taóng agrikultural.

Ang mga taon ng Sabbath at Jubileo. Sa ilalim ng tipang Kautusan, ang bawat ikapitong taon ay isang taon ng ganap na kapahingahan para sa lupain, isang taon ng Sabbath. Ang yugto o sanlinggo ng pitong taon ay tinatawag na “sabbath ng mga taon.” (Lev 25:2-8) Tuwing ika-50 taon naman ay taon ng Jubileo ng kapahingahan, anupat sa panahong iyon ay pinalalaya ang mga aliping Hebreo at ang lahat ng lupain na mga minanang pag-aari ay ibinabalik sa orihinal na mga may-ari ng mga ito.​—Lev 25:10-41; tingnan ang SABBATH, TAON NG.

Pamamaraan ng pagbilang sa pamamahala ng mga hari. Sa mga ulat ng kasaysayan, karaniwang kaugalian sa Babilonya na bilangin ang mga taon ng pamumuno, o opisyal na mga taon ng paghahari [regnal years], ng isang hari bilang buong mga taon, na sinisimulan sa Nisan 1. Ang mga buwan kung kailan ang haring iyon ay maaaring aktuwal na nagsimulang mamahala bago pa man ang Nisan 1 ay itinuturing na bahagi ng kaniyang taon ng pagluklok [accession year], ngunit ang mga iyon ay iniuukol, o ibinibilang na kasama, sa kabuuan ng opisyal na mga taon ng paghahari [regnal years] ng haring sinundan niya. Kung ang sistemang ito ang sinunod sa Juda, gaya ng ipinahihiwatig ng tradisyong Judio, mahihinuha natin na, nang banggitin ng Bibliya na ang bawat isa kina Haring David at Haring Solomon ay naghari nang “apatnapung taon,” ang kanilang mga paghahari ay sumaklaw ng buong mga yugto na tig-40 taon.​—1Ha 1:39; 2:1, 10, 11; 11:42.

Sa Hula. Sa hula, ang salitang “taon” ay madalas na ginagamit sa pantanging diwa bilang katumbas ng 360 araw (12 buwan na tig-30 araw). (Apo 11:2, 3) Tinatawag din itong “panahon” at kung minsan ay makasagisag na lumalarawan sa isang “araw.”​—Apo 12:6, 14; Eze 4:5, 6.