Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tapat at Maingat na Alipin

Tapat at Maingat na Alipin

Nang sagutin ni Jesu-Kristo ang katanungan ng mga apostol may kinalaman sa kaniyang pagkanaririto sa hinaharap at sa katapusan ng umiiral na sistema ng mga bagay, bumanggit siya ng isang talinghaga, o ilustrasyon, tungkol sa isang “tapat at maingat na alipin.” Inatasan ng panginoon ang tapat na aliping iyon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan upang paglaanan sila ng kanilang pagkain. Kung sasang-ayunan siya ng kaniyang panginoon sa pagdating nito (maliwanag na mula sa isang paglalakbay), gagantimpalaan ang alipin sa pamamagitan ng pag-aatas sa kaniya sa lahat ng mga pag-aari ng panginoon.​—Mat 24:3, 45-51.

Sa katulad na ilustrasyong nasa Lucas 12:42-48, ang alipin ay tinatawag na isang katiwala, samakatuwid nga, isang tagapamahala sa sambahayan o administrador, isa na inatasan sa mga lingkod, bagaman siya mismo ay isa ring lingkod. Noong sinaunang mga panahon, ang posisyong iyon ay kadalasang ginagampanan ng isang tapat na alipin. (Ihambing ang Gen 24:2; gayundin ang kaso ni Jose sa Gen 39:1-6.) Sa ilustrasyon ni Jesus, ang katiwala ay inatasan lamang na mangasiwa at mamahagi ng pagkain sa lupon ng mga tagapaglingkod, o mga lingkod, ng panginoon sa tamang panahon, at nang maglaon, dahil sa kaniyang tapat at maingat na pag-aasikaso sa paglilingkod na ito, pinalawak ang kaniyang atas anupat kasama na rito ang pangangasiwa sa lahat ng mga ari-arian ng panginoon. Hinggil sa pagkakakilanlan ng “panginoon” (sa Gr., kyʹri·os), naipakita na ni Jesus na hawak niya ang gayong posisyon kung tungkol sa kaniyang mga alagad, at may mga pagkakataong tinawag nila siya nang gayon. (Mat 10:24, 25; 18:21; 24:42; Ju 13:6, 13) Subalit, kanino sumasagisag ang tapat at maingat na alipin, o katiwala, at ano ang kinakatawan ng pamamahagi niya ng pagkain sa mga lingkod ng sambahayan?

Ang salitang “alipin” ay nasa anyong pang-isahan. Pero hindi ito nangangahulugan na iisang tao lang ang magkakaroon ng pribilehiyong maging “alipin.” Sa Kasulatan, may mga pangngalan na nasa pang-isahang anyo pero tumutukoy sa isang grupo, gaya noong sabihin ni Jehova sa bansang Israel: “Kayo ang aking mga saksi [pangmaramihan], . . . ang akin ngang lingkod [pang-isahan] na aking pinili.” (Isa 43:10) Ang “antikristo” ay tumutukoy sa isang grupo na binubuo ng indibiduwal na mga antikristo. (1Ju 2:18; 2Ju 7) Sa katulad na paraan, ang “alipin” ay tumutukoy din sa isang grupo. Sa panahon ng kawakasan, aatasan ito at gagamitin sa pagbibigay ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mat 24:3, 45; Luc 12:42) Noong unang siglo, ipinakita ni Jesus kung paano ipamamahagi ang espirituwal na pagkain sa kongregasyong Kristiyano. Kung paanong namahagi siya ng literal na pagkain sa maraming tao sa pamamagitan ng iilang alagad, ilalaan din ang espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng iilan. (Mat 14:19; Mar 6:41; Luc 9:16) Inihanda ni Jesus ang mga apostol sa papel na gagampanan nila pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E.—sa pamamagitan nila ilalaan ang espirituwal na pagkain. Nang maglaon, sumama sa kanila ang iba pang matatanda, at naglingkod sila bilang lupong tagapamahala na magpapasiya sa mga usapin at mangangasiwa sa pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian. (Gaw 2:42; 8:14; 15:1, 2, 6-29) Pagkamatay ng mga apostol, lumaganap ang apostasya. Pero sa panahon ng kawakasan—kaayon ng parisang ibinigay niya noong unang siglo nang pakainin niya ang marami sa pamamagitan ng iilan—pumili si Jesus ng isang maliit na grupo ng pinahiran-ng-espiritung mga lalaki na maglilingkod bilang “tapat at maingat na alipin”; maghahanda at mamamahagi sila ng espirituwal na pagkain sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.

Ang mga lingkod ng sambahayan ay ang lahat ng kabilang sa kongregasyong Kristiyano, kapuwa ang mga pinahiran at ang “ibang mga tupa,” na binibigyan ng espirituwal na pagkain. (Ju 10:16) Kasama rito ang mga indibiduwal na miyembro na bumubuo sa “tapat at maingat na alipin” dahil tumatanggap din sila ng ipinamamahaging pagkain. Ang mga bumubuo sa tapat na alipin ay tatanggap ng higit na responsibilidad kung madatnan silang tapat sa ipinangakong pagdating ng panginoon. Kapag tinanggap na nila ang gantimpala nila sa langit at naging tagapahamala na sila kasama ni Kristo, aatasan niya sila “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” Kasama ang lahat ng iba pa sa 144,000, makikibahagi sila sa napakalaking awtoridad ni Kristo sa langit.—Mat 24:46, 47; Luc 12:43, 44.