Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tarat

Tarat

[sa Heb., ʽa·ghurʹ; sa Ingles, bulbul].

Pangalan ng maraming uri ng ibon na katamtaman ang laki at tulad-pipit at matatagpuan sa Aprika at timugang Asia, pati na sa Palestina. Ang tarat ay may maikling leeg, maiikling pakpak, at mahabang buntot. Bagaman isinalin ng maraming bersiyon ang ʽa·ghurʹ bilang “tipol,” ang pagtukoy ni Hezekias sa ‘paghuni’ ng tarat ay hindi tutugma sa mababa at tulad-trumpetang tunog na nalilikha ng malaking ibong tipol. (Isa 38:14) Tinukoy ng Lexicon in Veteris Testamenti Libros (nina L. Koehler at W. Baumgartner, Leiden, 1958, p. 679) ang ʽa·ghurʹ bilang ang tarat (Pycnonotus Reichenovi). Sinabi ni Ludwig Koehler na ang Hebreong ʽa·ghurʹ ay tumutukoy sa isang ibon na ‘nagpapaalsa o nagpapatindig ng mga balahibo nito’ at tungkol sa tarat ay sinabi niya na ‘sa paghintu-hinto (ng pag-awit nito) ay manaka-naka nitong pinatatayo ang mahahaba at tulad-palong na mga balahibo sa likuran ng ulo nito.’ (Kleine Lichter [Aleman], Zurich, 1945, p. 38, 39) Di-tulad ng tila umuungal na tunog ng tipol, ang tunog ng awit ng tarat ay tulad-plawta at inilalarawan bilang magkahalong pahuni at pakatal.

Maliwanag na tinutukoy ni Jeremias (8:7) ang pana-panahong pagdating ng mga ibong nandarayuhan nang sawayin niya ang mga Israelita dahil hindi nila napag-unawa ang panahon ng paghatol ng Diyos sa kanila.