Tarsis
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “durugin”].
1. Isa sa apat na anak ni Javan na ipinanganak pagkatapos ng Baha. (Gen 10:4; 1Cr 1:7) Kabilang siya sa 70 ulo ng pamilya na mula sa kanila ang mga bansa ay “nangalat sa lupa.” (Gen 10:32) Gaya ng nangyari sa iba pang mga anak ni Javan, ang pangalang Tarsis ay tumukoy sa isang bayan at sa isang rehiyon.
2. Isang inapo ni Benjamin at anak ni Bilhan.—1Cr 7:6, 10.
3. Isa sa pitong prinsipeng tagapayo ni Haring Ahasuero na nagsaalang-alang sa kaso ng mapaghimagsik na si Reyna Vasti.—Es 1:12-15.
4. Isang rehiyon na sa pasimula ay tinirahan ng mga supling ni Tarsis, isang anak ni Javan at apo ni Japet. May ilang pahiwatig hinggil sa direksiyon ng pandarayuhan ng mga inapo ni Tarsis noong mga siglo pagkatapos ng Baha.
Ang propetang si Jonas (mga 844 B.C.E.), na inatasan ni Jehova na pumunta sa Nineve sa Asirya, ay nagtangkang tumakas sa kaniyang atas nang pumaroon siya sa Mediteraneong daungang-dagat ng Jope (Tel Aviv-Yafo) at magbayad upang makalulan sa “isang barko na papunta sa Tarsis.” (Jon 1:1-3; 4:2) Sa gayon, lumilitaw na ang Tarsis ay nasa Mediteraneo sa kabilang direksiyon mula sa Nineve, at maliwanag na mas madali itong marating kung daraan sa dagat sa halip na sa katihan. Ang “kalagitnaan ng laot ng dagat” ay binabanggit may kaugnayan sa “mga barko ng Tarsis,” sa Ezekiel 27:25, 26.—Ihambing ang Aw 48:7; Jon 2:3.
Isang inskripsiyon ng Asiryanong si Emperador Esar-hadon (ng ikapitong siglo B.C.E.) ang naghahambog hinggil sa kaniyang mga tagumpay laban sa Tiro at Ehipto, at inaangkin nito na ang lahat ng mga hari ng mga pulo mula sa Ciprus “hanggang sa Tarsisi” ay nagbayad sa kaniya ng tributo. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 290) Yamang ang Ciprus ay nasa silangang Mediteraneo, ipinahihiwatig din ng pagtukoy na isa itong lokasyon sa kanlurang Mediteraneo. Iniuugnay ng ilang iskolar ang Tarsis sa Sardinia, isang pulo sa kanlurang Mediteraneo.
Posibleng ang Espanya. Iniuugnay ng karamihan sa mga iskolar ang Tarsis sa Espanya, salig sa sinaunang mga pagtukoy sa isang lugar o rehiyon sa Espanya na tinawag na Tartessus ng mga manunulat na Griego at Romano. Bagaman tinukoy ng Griegong heograpo na si Strabo (ng unang siglo B.C.E.) ang isang lunsod na tinatawag na Tartessus bilang nasa rehiyon sa palibot ng Ilog Guadalquivir sa Andalusia (Geography, 3, II, 11), ang pangalang Tartessis ay waring karaniwan nang kumakapit sa timugang bahagi ng Iberian Peninsula.
Lubhang idiniriin ng maraming reperensiyang akda ang pananakop ng Fenicia sa mga baybaying lupain ng Espanya at tinutukoy ng mga ito ang Tartessus bilang isang kolonya ng Fenicia, ngunit waring walang matibay na saligan para sa gayong teoriya. Kaya ang Encyclopædia Britannica (1959, Tomo 21, p. 114) ay nagsasabi: “Kapuwa ang mga taga-Fenicia at mga taga-Cartago ay hindi nag-iwan ng anumang lubhang permanenteng epekto sa lupain, samantalang labis-labis naman itong inimpluwensiyahan ng mga Griego. Ang mga barko mula sa Tiro at Sidon ay maaaring nakipagkalakalan hanggang sa ibayo ng mga kipot at sa Cádiz mula pa noong ika-9 na siglo B.C.; gayunman ang makabagong arkeolohiya, na nakasumpong at nakahukay ng mga bayang Griego, Iberiano at Romano, ay hindi pa nakahukay ng isa mang pamayanan ng mga taga-Fenicia o nakasumpong ng mas mahahalagang labí ng Fenicia bukod sa maliliit na alahas at hiyas at mga katulad na bagay na ipinangangalakal. Malinaw na ipinahihiwatig nito na, maliban marahil sa Cádiz, ang mga taga-Fenicia ay hindi nagtayo ng mga bayan, kundi nagkaroon lamang sila ng mga dako ng kalakalan at mga lugar na himpilan.” Ipinakikita rin ng kasaysayan na nang ang mga taga-Fenicia at mga Griego ay magsimulang makipagkalakalan sa Espanya, may mga naninirahan na sa lupain at inilabas ng mga katutubo ang pilak, bakal, lata, at tingga na hinahangad ng mga mangangalakal.
Kung gayon, waring may mabuting dahilan upang maniwala na ang mga inapo ni Javan (mga Ioniano) sa pamamagitan ng kaniyang anak na si
Tarsis ay nangalat nang bandang huli at naging prominente sa Iberian Peninsula. Sa paanuman, ang gayong iminumungkahing lokasyon ng Tarsis ay kasuwato ng iba pang mga pagtukoy sa Bibliya.Nakipagkalakalan kay Solomon. Ang pakikipagkalakalan ng mga taga-Fenicia sa Tarsis ay maliwanag na pinatototohanan ng ulat noong panahon ni Haring Solomon (mga 13 siglo pagkatapos ng Baha), nang ang bansang Israel ay magsimula ring lumahok sa komersiyong pandagat. Nagkaroon si Solomon ng isang pangkat ng mga barko sa lugar ng Dagat na Pula, na ang ibang tauhan ay makaranasang mga marino na ipinadala ng taga-Feniciang si Haring Hiram ng Tiro, at nakikipagkalakalan lalo na sa lupain ng Opir na sagana sa ginto. (1Ha 9:26-28) Pagkatapos nito ay may tinukoy na isang “pangkat ng mga barko ng Tarsis” ni Solomon sa dagat “kasama ng pangkat ng mga barko ni Hiram,” at ang mga barkong ito ay sinasabing nagbiyahe nang minsan sa bawat tatlong taon para sa pag-angkat ng ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga paboreal. (1Ha 10:22) Karaniwan nang pinaniniwalaan na sa paglipas ng panahon, ang terminong “mga barko ng Tarsis” ay kumatawan sa isang uri ng barko, gaya ng paliwanag ng isang leksikon: “mga sasakyang malalaki at naglalayag sa dagat, may kakayahang maglakbay patungong Tarsis.” (A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, nina Brown, Driver, at Briggs, 1980, p. 1077) Sa katulad na paraan, ang pangalang Indiamen sa pasimula ay hinalaw sa pangalang ikinapit sa malalaking barko ng Britanya na nakikipagkalakalan sa India at nang maglaon ay kumapit sa gayong uri ng mga barko saanman ang pinanggalingan o destinasyon ng mga iyon. Sa gayon, ipinakikita ng 1 Hari 22:48 na si Haring Jehosapat (936-911 B.C.E.) ay “gumawa ng mga barkong Tarsis upang pumaroon sa Opir para sa ginto.”
Gayunman, sinasabi sa ulat ng Mga Cronica na ang mga barko ni Solomon na ginamit para sa mga paglalakbay minsan sa bawat tatlong taon ay “pumaparoon sa Tarsis” (2Cr 9:21); gayundin, na ang mga barko ni Jehosapat ay dinisenyo “upang pumaroon sa Tarsis” at, nang magiba, “hindi na nakayanan pa ng mga iyon na makaparoon sa Tarsis.” (2Cr 20:36, 37) Ipinahihiwatig nito na hindi lamang ang Opir ang tanging himpilang daungan ng Israelitang “mga barko ng Tarsis,” kundi naglayag din ang mga ito sa katubigan ng Mediteraneo. Sabihin pa, naghaharap ito ng suliranin, yamang ipinakikitang ang lunsaran ng ilan sa mga sasakyang ito ay ang Ezion-geber sa Gulpo ng ʽAqaba. (1Ha 9:26) Upang makarating ang mga barko sa Dagat Mediteraneo, kailangang dumaan ang mga ito sa isang kanal mula sa Dagat na Pula hanggang sa Ilog Nilo at pagkatapos ay patungo sa Mediteraneo o kaya ay lumigid ang mga ito sa kontinente ng Aprika. Yamang hindi na posibleng alamin ngayon ang mga detalye ng mga ruta ng paglalayag (kasama ang mga kanal) na madaraanan o ginamit noong panahon nina Solomon at Jehosapat, hindi na rin kailangang ituring na hindi kapani-paniwala ang rekord ng kanilang mga proyektong pandagat.
Sa Hula. Waring ang Tarsis ay naging isang pangunahing mamimili para sa mangangalakal na lunsod ng Tiro, marahil ang pinagmulan ng pinakamalaking kayamanan nito sa ilang bahagi ng kasaysayan nito. Mula pa noong sinaunang mga panahon, ang Espanya ay mayroon nang mga minahan na humuhukay sa saganang mga deposito ng pilak, bakal, lata, at iba pang mga metal na matatagpuan doon. (Ihambing ang Jer 10:9; Eze 27:3, 12.) Sa gayon, sa makahulang kapahayagan ni Isaias hinggil sa pagbagsak ng Tiro, ang mga barko ng Tarsis ay inilalarawang ‘nagpapalahaw’ nang makarating sa Kitim (Ciprus, marahil ay ang huli nilang himpilang daungan sa ruta sa silangan) at tumatanggap ng balita na ang mayamang daungan ng Tiro ay sinamsaman.—Isa 23:1, 10, 14.
Patiunang sinasabi sa ibang mga hula na isusugo ng Diyos ang ilan sa kaniyang bayan sa Tarsis, upang doon maghayag ng kaniyang kaluwalhatian (Isa 66:19), at na dadalhin ng “mga barko ng Tarsis” ang mga anak ng Sion mula sa malayo. (Isa 60:9) “Ang mga hari ng Tarsis at ng mga pulo” ay magbabayad ng tributo sa isa na itinalaga ni Jehova bilang hari. (Aw 72:10) Sa kabilang dako naman, sa Ezekiel 38:13 ay inilalarawan ang “mga mangangalakal ng Tarsis” kasama ng iba pang mga bayang nakikipagkalakalan bilang nagpapahayag ng sakim na interes sa ipinanukala ni Gog ng Magog na pandarambong sa mga muling tinipon ni Jehova. Palibhasa’y kabilang sa mga bagay na sumasagisag sa kapalaluan at pagmamataas, ang mga barko ng Tarsis ay ibababa, at tanging si Jehova ang itataas sa “araw na nauukol kay Jehova ng mga hukbo.”—Isa 2:11-16.