Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tarso

Tarso

Ang pangunahing lunsod at kabisera ng Romanong probinsiya ng Cilicia; lugar na pinagsilangan sa apostol na si Pablo. (Gaw 9:11; 22:3) Ang mga guho ng sinaunang bayan ay naroon pa rin sa makabagong pamayanan na may gayunding pangalan, mga 16 na km (10 mi) mula sa bukana ng Ilog Cydnus, na bumubuhos sa silangang Mediteraneo sa distansiyang mga 130 km (80 mi) sa H ng silanganing dulo ng Ciprus.

Walang nakaaalam kung kailan unang pinamayanan ang Tarso o kung sino ang unang namayan dito, sapagkat ang lunsod na ito ay mula pa noong lubhang sinaunang panahon. Ang Tarso ay unang binanggit sa sekular na kasaysayan bilang nabihag ng mga Asiryano (hindi ito kailanman naging isang lunsod na nakukutaan nang matibay), magmula noon, sa kalakhang bahagi ng panahon ay napasailalim ito sa pagkaalipin at nagbayad ng tributo sa sunud-sunod na mga kapangyarihan ng Asirya, Persia, Gresya, pagkatapos ay sa mga haring Seleucido, at nang bandang huli ay sa Roma.

Ang Tarso ay nasa isang matabang baybaying lugar na pinagtatamnan ng lino, at dahil naman dito, nagkaroon ng mauunlad na industriyang gaya ng paghahabi ng mga lino at paggawa ng mga tolda. Ang mga kayo na hinabi mula sa balahibo ng kambing at tinatawag na cilicium ay pantangi ring ginamit sa paggawa ng mga tolda. Gayunman, ang isang mas mahalagang salik na nakaragdag sa kabantugan at kayamanan ng Tarso ay ang napakainam na daungan nito na estratehikong nakapuwesto sa kahabaan ng isang pangunahing S-K ruta ng kalakalan sa katihan. Kung babagtasin nang pasilangan, patungo ito sa Sirya at Babilonya; kung patungo naman sa hilagaan at kanluraning mga seksiyon ng Asia Minor, tinatahak ng rutang ito ang mga Pintuang-daan ng Cilicia, isang makitid na bangin sa Kabundukan ng Taurus na mga 50 km (30 mi) sa dakong H ng lunsod.

Sa kasaysayan nito, ang Tarso ay dinalaw ng maraming kilalang tao, kabilang na si Julio Cesar, Mark Antony, at Cleopatra, gayundin ang ilang emperador. Si Cicero ang gobernador ng lunsod mula noong 51 hanggang 50 B.C.E. Napabantog din ang Tarso bilang isang sentro ng kaalaman noong unang siglo C.E., at ayon sa Griegong heograpo na si Strabo, nahigitan nito maging ang Atenas at Alejandria sa bagay na ito.​—Geography, 14, V, 13.

Kaya naman, sa mga kadahilanang ito, mailalarawan nga ni Pablo ang Tarso bilang “isang lunsod na hindi kulang sa katanyagan.” Sinabi niya ito nang ipinaaalam niya sa isang kumandante ng militar na siya ay isang mamamayan ng Tarso, hindi isang Ehipsiyo.​—Gaw 21:37-39.

Sa pana-panahon, noong panahon ng kaniyang ministeryo, bumabalik si Pablo sa kaniyang sariling bayan ng Tarso (Gaw 9:29, 30; 11:25, 26), at walang alinlangang dumaan siya roon nang ilang ulit sa kaniyang mga paglalakbay bilang misyonero.​—Gaw 15:23, 41; 18:22, 23.