Tartan
Ipinakikita ng mga akdang Asiryano na ang titulong Tartan ay tumutukoy sa isang opisyal na mataas ang ranggo, malamang ay pangalawa lamang sa hari. May kinalaman sa pagkakaayos ng mga titulo sa mga talaang eponimo ng Asirya, sinabi ni James B. Pritchard, patnugot ng Ancient Near Eastern Texts (1974, p. 274): “Nang maglaon, ang posisyon ng opisyal sa loob ng herarkiya ang naging batayan ng pagkakasunud-sunod, anupat ang pinakamataas na opisyal (tartanu) ay kasunod mismo ng hari, samantalang ang mahahalagang opisyal ng palasyo . . . at ang mga gobernador ng pangunahing mga probinsiya ay magkakasunod sa isang mahusay na pagkakaayos.” (Tingnan ang KRONOLOHIYA [Mga talaang eponimo (limmu)].) Isang inskripsiyon ng Asiryanong si Haring Ashurbanipal, na ngayon ay nasa British Museum, ang kababasahan sa isang bahagi nito: “Lubha kong ikinagalit ang mga pangyayaring ito, nagningas ang aking kaluluwa. Tinawag ko ang turtan na opisyal, ang mga gobernador, at pati ang kanilang mga katulong at ibinigay ko kaagad ang utos.”—Ancient Near Eastern Texts, p. 296.
Isinugo ni Haring Senakerib ang Tartan kasama ang iba pang mga opisyal, kabilang ang Rabsases, na punong katiwala ng kopa ng hari at gumanap bilang tagapagsalita, upang ihatid sa Jerusalem ang ultimatum na sumuko. Posibleng nakatataas ang posisyon ng Tartan kung kaya siya ang unang nakatala. (2Ha 18:17, 28-35) Isang Tartan ang isinugo ni Haring Sargon II ng Asirya upang kubkubin ang lunsod ng Asdod, noong mga araw ni Isaias na propeta.—Isa 20:1.