Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tebet

Tebet

Ang pangalan ng ikasampung buwang lunar ng mga Judio sa kanilang sagradong kalendaryo pagkaraan ng pagkatapon, ngunit ikaapat na buwan naman sa sekular na kalendaryo. (Es 2:16) Katumbas ito ng huling bahagi ng Disyembre at unang bahagi ng Enero. Karaniwan nang tinutukoy lamang ito bilang ang “ikasampung buwan.”​—1Cr 27:13.

Ang pangalang Tebet ay pinaniniwalaang galing sa salitang-ugat na Akkadiano na nangangahulugang “lumubog,” at maaaring tumutukoy ito sa maputik na kalagayan sa buwang ito ng taglamig kapag kasagsagan ng pag-ulan. Kadalasang humuhugos ang ulan sa taglamig, tulad niyaong tumapos sa tatlo-at-kalahating-taóng tagtuyot noong mga araw ni Elias o niyaong inilarawan ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa bahay, na ang mabuhanging pundasyon ay natangay ng humahagupit na ulan. (1Ha 18:45; Mat 7:24-27) Ayon sa The Geography of the Bible ni Denis Baly (1957, p. 50), ang huling bahagi ng Disyembre ay may kaakibat na madalas na matinding lamig sa maburol na lupain at paminsan-minsang pagpatak ng niyebe sa Jerusalem. (2Sa 23:20) Bagaman hindi ito pangkaraniwan, may mga panahon na ang mga daan ay pansamantalang nahaharangan ng matinding pag-ulan ng niyebe. Maaaring sa buwang ito ng Tebet nahadlangan noon ng matinding pag-ulan ng niyebe ang Siryanong kumander ng hukbo na si Tryphon habang patungo siya sa Jerusalem. (Jewish Antiquities, XIII, 208 [vi, 6]; 1 Macabeo 13:22) Maliwanag na ang buwan ng Tebet ay hindi isang buwan para sa paglalakbay, ni buwan man ito para magpalipas ng gabi sa parang ang mga pastol. Dahil sa mga ito, at sa iba pang mga kadahilanan, hindi maaaring ito ang buwan nang isilang si Jesus.

Ikasampung araw noon ng Tebet ng 609 B.C.E. nang simulan ni Nabucodonosor ang kaniyang pagkubkob sa lunsod ng Jerusalem. (2Ha 25:1; Jer 39:1; 52:4; Eze 24:1, 2) Malamang na ipinangingilin ng mga Judio “ang pag-aayuno sa ikasampung buwan” bilang paggunita sa pangyayaring ito.​—Zac 8:19.