Tekoa
Isang bayan sa teritoryo ng Juda. Karaniwang ipinapalagay na ito ay ang Khirbet ʼet-Tuquʽ, na mga 16 na km (10 mi) sa T ng Jerusalem at nasa isang lugar na may taas na mga 820 m (2,700 piye). Nasa gawing S nito ang kahabaan ng Ilang ng Juda, at lumilitaw na bahagi ng ilang na ito ang “ilang ng Tekoa” (kung saan dumanas ng masaklap na pagkatalo ang mga Ammonita, mga Moabita, at ang mga hukbo mula sa Bundok Seir noong panahon ng paghahari ni Jehosapat). (2Cr 20:20, 24) Muling itinayo at pinatibay ni Haring Rehoboam, na apo ni David, ang Tekoa. Sa loob ng maraming siglo mula noon, ang lunsod ay nagsilbing isang himpilan sa sistemang pandepensa ng Juda. (2Cr 11:5, 6; ihambing ang Jer 6:1.) Ito ang bayan ni Ikes na ama ni Ira na isa sa makapangyarihang mga lalaki ni David. (1Cr 11:26, 28) Nagmula rito ang babaing marunong na tinagubilinan ni Joab na mamanhik kay Haring David alang-alang kay Absalom. (2Sa 14:1-21) At noong ikasiyam na siglo B.C.E., nag-alaga rito ng mga tupa ang propetang si Amos.—Am 1:1.
Maaaring ipalagay ng iba na ang Tekoa na binanggit sa mga rekord ng talaangkanan ng Juda (1Cr 2:3, 24; 4:5) ay isang anak ni Ashur. Gayunman, sa 1 Cronica 4:5-7, walang Tekoa na nakatalang kabilang sa pitong anak ng dalawang asawa ni Ashur. Ipinahihiwatig nito na maaaring si Ashur ay hindi ama ng isang anak na nagngangalang Tekoa kundi ang nagtatag ng bayang ito o nagpasimula ng populasyon nito.