Tela, I
[sa Ingles, cloth].
Isang kayo na ginagawa sa pamamagitan ng paghahabi. Bagaman kaunti ang nalalaman tungkol sa pag-iikid at paghahabing ginawa ng mga Israelita, maliwanag na pamilyar na pamilyar sila sa mga kasanayang ito. Sa Ehipto, nakahukay ang mga arkeologo ng mga larawang ipininta sa pader na nagpapakita ng mga babaing naghahabi at nag-iikid, pati na ng habihang ginagamit. Nasumpungan naman sa Girga, sa Mataas na Ehipto, ang isang Ehipsiyong modelo ng gawaan ng tela na may isang pahigang habihan.—Tingnan ang PAGHAHABI.
Ang mahabang damit na yari sa mainam at maputing lino na isinusuot ng Aaronikong mataas na saserdote ay dapat habihin nang may disenyong pari-parisukat. Pinatutunayan nito na ang mga Israelita ay marunong maghabi at nakalilikha sila ng mga disenyo sa kanilang mga tela.—Exo 28:39.
Noong itinatayo ang tabernakulo, pinahusay at pinatalas ng banal na espiritu ng Diyos ang kakayahan ng mga dalubhasang sina Bezalel at Oholiab upang magawa nila ang kinakailangang gawain nang eksakto ayon sa parisang ibinigay ni Jehova. (Exo 35:30-35) Mayroon ding mga babae na mahuhusay sa gawaing ito, anupat nag-iikid ng mga sinulid na mula sa hibla ng lino [flax] at mula sa balahibo ng hayop. (Exo 35:25, 26) Noong ginagawa ang kayo para sa epod ni Aaron na mataas na saserdote, ang mga manggagawa ay ‘nagpitpit ng mga laminang ginto hanggang sa ang mga ito’y maging maninipis na piraso, at pumutol ng mga hibla upang itahing kasama ng sinulid na asul at lanang tinina sa mamula-mulang purpura at sinulid na iskarlatang kokus at mainam na lino, na gawa ng isang burdador.’—Exo 39:2, 3.
Binabanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga kayo na yari sa balahibo ng kamelyo at seda. (Mat 3:4; Apo 18:12) Hindi alam kung ang mga Hebreo ay gumamit ng algudon [cotton]. Sa Esther 1:6, binabanggit na ang algudon ay ginamit sa palasyo ng Persia sa Susan. Kilalá sa India ang algudon, malamang ay mula pa noong mga 800 B.C.E., at sinasabi ng istoryador na si Pliny na ginamit ito sa Ehipto. Sa ngayon, ang halamang bulak na pinagkukunan ng algudon ay itinatanim sa Israel. Noon, ang mga materyales na hindi produkto ng Israel ay nakukuha ng mga Hebreo sa mga naglalakbay na mangangalakal na dumaraan sa Israel mula sa Silangan at sa Kanluran.
Ang telang lino [linen] ay hinahabi mula sa mga hibla ng halamang lino [flax], na mas mahaba kaysa sa mga hibla ng bulak at mas madaling ikirin Gen 41:42) Gayundin, nang lumabas si Mardokeo mula sa harap ng hari ng Persia, siya’y nakadamit-hari na asul at lino. (Es 8:15) Gustung-gusto ng mga kababaihan ang mga pananamit na yari sa lino.—Kaw 31:22.
bagaman mas mahirap itina. Ang lino ay naging mahalagang bahagi ng mga kasuutan ng mga hari at ng matataas na opisyal. Nang gawin siyang isang tagapamahala sa Ehipto, si Jose ay dinamtan ng “mga kasuutan na mainam na lino.” (Noon, ang iba pang mga materyales na ginagamit para sa mga kasuutan ay balat, katad, at balahibo ng hayop. Ang mga tolda ay yari sa balat o balahibo ng kambing. (Exo 26:7, 14) May natagpuang mga gamusang balahibo ng hayop. Sa 1 Samuel 19:13, binanggit ang isang lambat na yari sa balahibo ng kambing.
Mga Kulay. Nakagagawa ng iba’t ibang kulay ng tela ang mga taong nabuhay sa mga lupaing binanggit sa Bibliya. Nang ilarawan ang mga kurtina para sa tabernakulo at ang mga kasuutan para sa santuwaryo, binanggit ng Bibliya ang mga kulay na asul, iskarlata, at mamula-mulang purpura. (Exo 26:1; 28:31, 33) Sari-saring mga kulay ang nalilikha kapag ginamit na pantina sa mga tela ang tatlong kulay na ito. Halimbawa, isang guhit-guhit na kasuutan ang ibinigay kay Jose ng kaniyang amang si Jacob. (Gen 37:3, 32) Ang anak na babae ni David na si Tamar ay nakasuot ng mahabang damit na guhit-guhit, “sapagkat gayon nagsusuot ng mga damit na walang manggas ang mga anak na babae ng hari, na mga dalaga.” (2Sa 13:18) Makalilikha rin ng iba’t ibang kulay o disenyo kung gagamit ng magkakaibang kulay sa hiblang paayon at sa hiblang pahalang.—Tingnan ang TINA, PAGTITINA.
Ang Tabernakulo. Noong itinatayo ang tabernakulo, sampung “telang pantolda” (sa Heb., yeri·ʽothʹ) na yari sa mainam na linong pinilipit at sa lana, na may burdang mga kerubin, ang nagsilbing pangunahing pantakip ng mga hamba, anupat nakikita ng mga saserdoteng naglilingkod sa loob ng tabernakulo ang mga kerubing nasa pagitan ng mga hamba. (Exo 26:1, 2) Telang yari sa balahibo ng kambing naman ang sumunod na ipinantakip. (Exo 26:7, 8) Nagsilbi itong proteksiyon sa burdadong lino. Yari rin sa lino at lana ang mga kurtina o pantabing na nakasabit sa mga pasukan ng mga silid ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan, at ang pantabing ng Kabanal-banalan ay may burdang mga kerubin. (Exo 26:31-37) Ang mga linong telang pantolda ay may lapad na 4 na siko (1.8 m; 5.8 piye) at haba na 28 siko (12.5 m; 40.8 piye). Ang dakong H at dakong T ng looban naman ay kapuwa 100 siko (44.5 m; 146 na piye).—Exo 27:9-11.
Kapag inililipat ng lokasyon ang tabernakulo, mga telang asul at telang yari sa sinulid na iskarlatang kokus at telang lana na tinina sa mamula-mulang purpura ang ginagamit na pantakip sa kaban ng tipan, sa mesa ng tinapay na pantanghal, sa kandelero, sa altar ng insenso, sa altar ng handog na sinusunog, at sa iba pang mga kagamitan sa paglilingkod. (Espesipikong binanggit ang kulay o mga kulay ng tela para sa bawat kagamitang ito.)—Bil 4:4-14.
Iba Pang mga Pinaggagamitan. Ang mga telang pamigkis ay ipinambibilot sa mga bagong-silang na sanggol. (Luc 2:7) Nakaugalian din ng mga Judio na ihanda ang mga bangkay para sa libing anupat binabalot nila ang mga iyon ng malilinis na bendang lino na may mga espesya (hindi ito pag-eembalsamo ng patay na gaya ng ginagawa ng mga Ehipsiyo). (Ju 19:40; Mat 27:59) Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, nakita nina Juan at Pedro sa libingan ang mga benda at telang ginamit kay Jesus, anupat ang tela ay nakarolyo na at nakalapag nang hiwalay. (Ju 20:5-7) Nang lumabas si Lazaro sa libingan matapos siyang buhaying-muli, ang kaniyang mukha ay nababalutan pa ng tela, lumilitaw na isang mahabang piraso ng kayong lino na inilagay sa ulo niya noong ilibing siya.—Ju 11:44.
Noon, ang salapi ay itinatago nang nakabalot sa tela. Ganito itinago ng balakyot na aliping tinukoy sa ilustrasyon ni Jesus ang kaniyang mina, sa halip na ipuhunan iyon. (Luc 19:20) Kadalasan, ang salapi ay isinisilid sa makakapal na tupi ng kasuutan sa bandang dibdib, at malamang ay nakabalot din sa tela.
Ipinag-utos ng Diyos sa bayan ng Israel: “Huwag kang magsusuot ng pinaghalong tela na yari sa pinagsamang lana at lino.” (Deu 22:11; tingnan din ang Lev 19:19.) Tungkol dito, ganito ang sabi ng Encyclopaedia Judaica (Jerusalem, 1973, Tomo 14, tud. 1213): “Kapansin-pansin na ang pananamit ng mga saserdote ay eksemted sa pagbabawal ng [sha·ʽat·nezʹ] [kasuutang yari sa dalawang magkaibang uri ng sinulid, NW]. Sa Exodo 28:6, 8, 15 at 39:29, iniutos na ang iba’t ibang piraso ng pananamit na ito ay dapat na gawa sa magkahabing lino at kinulayang lana. . . . Ipinahihiwatig nito na ipinagbawal ang kombinasyong iyon ng mga materyales dahil iyon ay eksklusibong para sa sagradong dako.”
Makasagisag na Paggamit. Dahil sa kalinisan at kadalisayan ng maputing lino, ginagamit ito sa Kasulatan upang sumagisag sa katuwiran. Ang mga kasuutan ng mataas na saserdote, samakatuwid nga, ang mga karsonsilyo, mahabang damit, at turbante, gayundin ang mga karsonsilyo, mahahabang damit, at mga kagayakan sa ulo ng mga katulong na saserdote, ay yari sa mainam at maputing lino. (Exo 28:39-42; ihambing ang Job 29:14.) Ang kasintahang babae ng Kordero ay nagagayakan ng maningning, malinis, at mainam na lino, sapagkat “ang mainam na lino ay kumakatawan sa matuwid na mga gawa ng mga banal.” (Apo 19:8) Ang makalangit na mga hukbong sumusunod kay Jesu-Kristo ay inilalarawang nadaramtan ng mapuputi, malilinis, maiinam na lino. (Apo 19:14) Ang Babilonyang Dakila, na yumaman dahil sa mga kalakal nitong kinabibilangan ng mainam na lino, ay nagpapanggap na matuwid, anupat siya’y “nadaramtan ng mainam na lino,” samantalang nagsasagawa ng pagpapatutot.—Apo 18:3, 12, 16; tingnan ang ALGUDON; DAMIT.