Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Telang-sako

Telang-sako

Isang magaspang na tela na ginagamit noon sa paggawa ng mga sako, o mga supot, gaya niyaong mga pinaglalagyan ng mga butil. Kadalasa’y hinabi ito mula sa maitim na balahibo ng kambing. (Apo 6:12; Isa 50:3) Ang salitang Hebreo para sa telang-sako (saq) ay ginagamit din upang tumukoy sa mga supot na gawa sa materyal na ito.​—Gen 42:25; Jos 9:4.

Ito ang naging tradisyonal na kasuutan noon sa pagdadalamhati, at una nating nabasa ang paggamit nito noong magdalamhati si Jacob sa diumano’y pagkamatay ng kaniyang anak na si Jose, anupat nagbigkis siya ng telang-sako sa kaniyang mga balakang. (Gen 37:34; 2Sa 3:31) Sa ilang kalagayan, inuupuan ito ng mga nagdadalamhati o kaya’y hinihigaan sa pagtulog. (2Sa 21:10; Isa 58:5; Joe 1:13) Nang magmakaawa ang mga lingkod ni Ben-hadad kay Ahab na huwag patayin ang kanilang hari, pumaroon sila na may telang-sako sa kanilang mga balakang at mga lubid sa kanilang mga ulo. (1Ha 20:31, 32) Kung minsa’y isinusuot ito bilang pinakapanloob at pinapatungan ng iba pang damit (Job 16:15; Isa 32:11; 1Ha 21:27; 2Ha 6:30), samantalang sa ibang kaso naman ay posibleng ‘ibinibigkis’ lamang ito sa ibabaw ng mga pang-ilalim na kasuutan.​—Eze 7:18; Joe 1:8.

Bilang resulta ng pangangaral ni Jonas, ang hari ng Nineve ay nagpalabas ng isang batas na hindi lamang ang mga taong-bayan ng lunsod ang dapat sumunod sa kaniyang halimbawa ng pagsusuot ng telang-sako kundi maging ang mga “alagang hayop” ay dapat ding damtan nito.​—Jon 3:6-8.

Paminsan-minsan ay nagsusuot din ng telang-sako ang mga propetang Hebreo. Ginagawa nila ito kasuwato ng mga babalang mensahe at ng mga panawagang magsisi na iniatas sa kanila na ihatid, o kapag nananalangin sila lakip ang mga kapahayagan ng pagsisisi para sa bayan. (Isa 20:2; Dan 9:3; ihambing ang Apo 11:3.) Isinusuot ito ng hari at ng bayan sa mga panahon ng malaking krisis o kapag nakatatanggap sila ng mga balita ng kapahamakan.​—2Ha 19:1; Isa 15:3; 22:12.