Teman
[Gawing Kanan; Timog].
1. Isang inapo ni Esau sa pamamagitan ng kaniyang panganay na si Elipaz (Gen 36:10, 11; 1Cr 1:35, 36); isang Edomitang shik.—Gen 36:15, 16, 34, 42.
2. Isang dako na iniuugnay ng ilang iskolar sa Tawilan, mga 5 km (3 mi) sa S ng Petra. Maliwanag na ito ay isang Edomitang lunsod o distrito (na lupain ng mga Temanita), kung saan nanirahan ang mga inapo ni Teman. (Gen 36:34; Jer 49:7, 20; Eze 25:13; Am 1:11, 12; Ob 9) Ang dakong ito ay nakilala bilang isang sentro ng karunungan. (Jer 49:7) Sa aklat ng Habakuk, ang Diyos ay tinutukoy na nanggaling sa “Teman, ang isa ngang Banal mula sa Bundok Paran.” Maaaring tumutukoy ito sa pagsikat ni Jehova sa kaluwalhatian, anupat ang kaniyang karilagan ay nakikita mula sa mga bundok habang itinatawid niya sa Edom ang kaniyang bagong-tatag na bansa patungo sa Lupang Pangako.—Hab 3:3, 4; ihambing ang Deu 33:2.