Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tera

Tera

[posibleng mula sa wikang Babilonyo, nangangahulugang “Ibex (Kambing-gubat)”].

1. Ama ni Abraham, ang ikawalong salinlahi mula kay Sem. (Luc 3:34; Gen 11:10-24; 1Cr 1:24-26) Si Tera, sa pamamagitan ng kaniyang mga anak na sina Abraham, Nahor, at Haran, ay naging ninuno ng maraming tribo. (Gen 11:27; 22:20-24; 25:1-4, 13-15; 1Cr 1:28-42; 2:1, 2) Nagsimulang magkaanak si Tera sa edad na 70. Bagaman si Abraham ang unang nakatala, waring ito ay dahil siya ang pinakatanyag sa mga anak ni Tera at hindi dahil sa siya ang panganay. Nang mamatay si Tera sa edad na 205, si Abraham ay 75 taóng gulang lamang, kaya malamang na si Tera ay 130 taóng gulang nang ipanganak si Abraham. (Gen 11:26, 32; 12:4) Si Sara ay kapatid sa ama ni Abraham, malamang na anak ni Tera sa ibang asawa. (Gen 20:12) Malamang na ang panganay ni Tera ay si Haran, na ang anak na babae ay nasa hustong gulang na upang mapangasawa ng isa pang anak ni Tera na si Nahor.​—Gen 11:29.

Si Tera ay nanirahan sa Ur ng mga Caldeo, at doon lumaki ang kaniyang pamilya. (Gen 11:28) Ayon sa Josue 24:2, si Tera ay dating sumasamba sa ibang mga diyos bukod kay Jehova, marahil ay sa diyos-buwan na si Sin, ang pangunahing bathala sa Ur. Gayunpaman, nang tawagin ni Jehova si Abraham upang lisanin ang Ur, si Tera, bilang ulo ng pamilya, ay sumama patungo sa Haran kung saan nanirahan silang lahat hanggang pagkamatay niya noong mga 1943 B.C.E.​—Gen 11:31, 32; Gaw 7:2-4.

2. Isa sa mga dakong pinagkampuhan ng Israel noong nagpapagala-gala sila sa ilang; hindi alam kung saan ang lokasyon nito.​—Bil 33:27, 28.