Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Terapim

Terapim

Mga diyos o mga idolo ng pamilya. (Gen 31:30, 34) Bagaman ang katawagang “terapim” ay nasa anyong pangmaramihan, maaari rin itong tumukoy sa isa lamang idolo. Ang ilan sa mga idolong ito ay maaaring kasinlaki at kahugis ng tao. (1Sa 19:13, 16) Ang iba naman ay mas maliliit kaysa rito, anupat magkakasya sa loob ng pambabaing pansiyang basket. (Gen 31:34) Kung minsan ay sinasangguni ang terapim upang mapagkunan ng mga tanda.​—Eze 21:21; Zac 10:2.

Ipinahihiwatig ng mga tuklas ng mga arkeologo sa Mesopotamia at sa karatig na mga lugar na ang pagmamay-ari ng mga imaheng terapim ay nakaaapekto sa kung sino ang tatanggap ng mana ng pamilya. Ayon sa isang tapyas na natagpuan sa Nuzi, ang pagmamay-ari ng mga diyos ng sambahayan, sa ilang kalagayan, ay maaaring magbigay-karapatan sa isang manugang na lalaki na humarap sa hukuman at angkinin ang mga ari-arian ng kaniyang yumaong biyenang lalaki. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 219, 220, at tlb 51) Kaayon nito, marahil ay nangatuwiran si Raquel na may dahilan siyang kunin ang terapim yamang naging mapanlinlang ang kaniyang ama sa pakikitungo sa asawa niyang si Jacob. (Ihambing ang Gen 31:14-16.) Dahil sa kahalagahan ng terapim may kinalaman sa mga karapatan sa pagmamana, mauunawaan natin kung bakit gustung-gusto ni Laban na mabawi ang mga iyon, anupat isinama pa niya ang kaniyang mga kapatid at tinugis si Jacob sa layong pitong araw na paglalakbay. (Gen 31:19-30) Sabihin pa, walang kaalam-alam si Jacob sa ginawa ni Raquel (Gen 31:32), at walang pahiwatig na tinangka niyang gamitin ang terapim upang makuha ang mana mula sa mga anak ni Laban. Hindi kailanman gumamit si Jacob ng mga idolo. Malamang na itinapon ni Jacob ang terapim, marahil ay noong panahong ang lahat ng mga banyagang diyos na ibinigay sa kaniya ng kaniyang sambahayan ay ibinaon niya sa ilalim ng malaking punungkahoy na malapit sa Sikem.​—Gen 35:1-4.

Sa Israel, ang terapim ay ginamit sa idolatriya noong mga araw ng mga Hukom at ng mga hari. (Huk 17:5; 18:14, 17, 20; Os 3:4) Gayunman, malayong mangyari na ginamit sa Israel ang terapim may kaugnayan sa pagmamana dahil may tuwirang utos ang Diyos laban sa paggawa ng mga imahen. (Exo 20:4) Gayundin, sa isang paralelismo, binanggit ng propetang si Samuel ang terapim kasama ng mahiwagang kapangyarihan, anupat ang paggamit sa dalawang ito ay inihalintulad sa pagkilos nang may kapangahasan (1Sa 15:23), at kabilang ang terapim sa mga kagamitan sa idolatriya na inalis sa Juda at Jerusalem ng tapat na si Haring Josias. (2Ha 23:24) Kaya naman ang pagkakaroon ni Mical, na asawa ni David, ng isang imaheng terapim ay nagpapahiwatig na hindi sakdal ang kaniyang puso may kaugnayan kay Jehova at na alinman sa hindi alam ni David na mayroon siyang imaheng terapim o ipinahintulot iyon ni David dahil si Mical ay anak ni Haring Saul.​—1Sa 19:12, 13.