Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tiktik

Tiktik

Taong kumukuha ng impormasyon sa pamamagitan ng palihim na pagmamanman. Noong 1512 B.C.E., mula sa kampamento ng Israel sa Ilang ng Paran, nagsugo si Moises ng 12 pinuno (kumakatawan sa lahat ng tribo maliban sa tribo ni Levi) upang magsiyasat sa lupain ng Canaan. Pinahintulutan ito ni Jehova dahil sa kahilingan ng mga Israelita, na nagsabi: “Magsugo tayo ng mga lalaki sa unahan natin upang siyasatin nila ang lupain para sa atin at magbalik sa atin ng salita may kinalaman sa daan na dapat nating ahunin at sa mga lunsod na ating paroroonan.” (Deu 1:22, 23) Malamang na naghiwa-hiwalay sila, marahil ay dala-dalawa, at naglakbay sa buong lupain hanggang sa H sa “pagpasok sa Hamat” at sa K patungo sa dagat. (Bil 13:21; tingnan ang HAMAT, HAMATEO.) Pagbalik nila, bagaman sang-ayon ang lahat na ang lupain ay tunay ngang “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,” sampu sa mga tiktik ang nagbigay ng di-mapananaligang ulat na naghasik ng takot sa mga Israelita. Tanging sina Josue at Caleb ang nagpatibay-loob sa kanila na pumasok sa lupain at ariin ito. Dahil sa kawalan ng pananampalataya ng Israel palibhasa’y nagpaimpluwensiya sila sa masamang ulat, itinalaga ng Diyos na lahat ng lalaki na 20 taóng gulang at pataas ay mamamatay sa ilang sa loob ng pinahabang yugto na 40-taóng pagpapagala-gala. Hindi kasama rito sina Josue at Caleb, gayundin ang tribo ni Levi.​—Bil 13:1-33; 14:6-38; Deu 1:24-40.

Noong 1473 B.C.E., nagsugo si Josue ng dalawang tiktik sa kabila ng Jordan upang tiktikan ang Jerico. Tinulungan ni Rahab na patutot ang mga tiktik at siya naman pati ang kaniyang sambahayan ay iniligtas nang bumagsak ang Jerico. (Jos 2:1-24; 6:1, 22-25; Heb 11:31) Ang iba pang halimbawa ng paniniktik ay binabanggit sa Hukom 1:22-26; 18:1-10, 14, 17; 1 Samuel 26:4. Ang mga mensahero ni David na isinugo kay Haring Hanun ng Ammon ay pinaratangan ng paniniktik kung kaya minaltrato ang mga ito. (2Sa 10:1-7) Nagsugo naman si Absalom ng mga tiktik sa buong Israel, hindi upang kumuha ng impormasyon para sa kaniyang pakikipagsabuwatan laban kay David kundi upang mangalap ng suporta para sa kaniyang mapanghimagsik na layunin.​—2Sa 15:10-12.

Sumulat ang apostol na si Pablo hinggil sa kaniyang pagdalaw sa Jerusalem kasama sina Bernabe at Tito, anupat binanggit niya na noong panahong iyon ay may “mga bulaang kapatid na pumasok nang tahimik, na pumuslit upang maniktik sa ating kalayaan na taglay natin kaisa ni Kristo Jesus.”​—Gal 2:1-5.